1 Corinto 12
Magandang Balita Biblia
Mga Kaloob ng Espiritu Santo
12 Mga kapatid, ngayon, tungkol naman sa mga kaloob ng Espiritu Santo, nais kong magkaroon kayo ng wastong kaalaman. 2 Alam ninyo na noong hindi pa kayo sumasampalataya, kayo'y nailigaw sa mga diyus-diyosan na hindi naman nakakapagsalita. 3 Kaya't nais kong malaman ninyo na walang taong pinapatnubayan ng Espiritu ng Diyos ang magsasabing, “Sumpain si Jesus!” At hindi rin masasabi ninuman, “Si Jesus ay Panginoon,” kung siya'y hindi pinapatnubayan ng Espiritu Santo.
4 Iba't(A) iba ang mga espirituwal na kaloob, ngunit iisa lamang ang Espiritung nagkakaloob ng mga ito. 5 Iba't iba ang paraan ng paglilingkod, ngunit iisa lamang ang Panginoong pinaglilingkuran. 6 Iba't iba ang mga gawain, ngunit iisa lamang ang Diyos na kumikilos sa mga taong gumagawa ng mga iyon. 7 Para sa ikabubuti ng lahat, ang bawat isa'y binibigyan ng patunay na nagpapakitang nasa kanya ang Espiritu. 8 Ang ilan sa atin ay napagkalooban ng kakayahang magsalita ng mensahe ng karunungan. Ang iba naman ay pinagkalooban ng kaalaman. Subalit iisang Espiritu ang nagkakaloob nito. 9 Ang Espiritu ring iyon ang nagkakaloob sa iba ng pananampalataya sa Diyos, at sa iba'y ang kapangyarihang magpagaling sa mga maysakit. 10 May pinagkakalooban ng kapangyarihang gumawa ng mga himala; sa iba naman ay kakayahang magpahayag ng mensaheng mula sa Diyos, at sa iba ay kakayahang kumilala kung aling kaloob ang mula sa Espiritu at kung alin ang hindi. May pinagkakalooban ng kakayahang magsalita sa iba't ibang mga wika, at sa iba naman ay ang magpaliwanag ng mga wikang iyon. 11 Ngunit isang Espiritu lamang ang gumagawa ng lahat ng ito at namamahagi ng iba't ibang kaloob sa bawat isa, ayon sa kanyang ipinasya.
Iisang Katawan Ngunit Maraming Bahagi
12 Si(B) Cristo'y tulad ng isang katawan na may maraming bahagi. Kahit na binubuo ng iba't ibang bahagi, ito ay nananatiling iisang katawan. 13 Maging Judio o Hentil, alipin man o malaya, tayong lahat ay binautismuhan sa pamamagitan ng iisang Espiritu upang maging isang katawan. Tayong lahat ay pinainom sa iisang Espiritu.
14 Ang katawan ay binubuo ng maraming bahagi at hindi ng iisang bahagi lamang. 15 Kung sasabihin ng paa, “Hindi ako kamay kaya't hindi ako bahagi ng katawan,” hindi na nga ba ito bahagi ng katawan? 16 Kung sasabihin ng tainga, “Hindi ako mata, kaya't hindi ako bahagi ng katawan,” hindi na nga ba ito bahagi ng katawan? 17 Kung puro mata lamang ang buong katawan, paano ito makakarinig? Kung puro tainga lamang ang buong katawan, paano ito makakaamoy? 18 Subalit inilagay ng Diyos ang bawat bahagi ng katawan ayon sa kanyang kalooban. 19 Kung ang lahat ng bahagi ay pare-pareho, hindi iyan maituturing na katawan. 20 Ngunit ang totoo'y marami ang mga bahagi, ngunit iisa lamang ang katawan.
21 Hindi rin naman masasabi ng mata sa kamay, “Hindi kita kailangan,” ni ng ulo, sa mga paa, “Hindi ko kayo kailangan.” 22 Sa katunayan, ang mga bahaging parang mahihina ang siya pa ngang kailangang kailangan. 23 Ang mga bahagi ng katawan na inaakala nating hindi gaanong kapuri-puri ay pinag-uukulan ng higit na pagpapahalaga. Ang mga bahaging hindi likas na maganda ang siya nating higit na pinapahalagahan. 24 Hindi na ito kailangang gawin sa mga bahaging sadyang maganda. Ngunit nang isaayos ng Diyos ang katawan, binigyan niya ng higit na karangalan ang mga bahaging hindi gaanong marangal, 25 upang hindi magkaroon ng pagkakabaha-bahagi, sa halip ay magmalasakit ang bawat bahagi sa isa't isa. 26 Kung nasasaktan ang isang bahagi, nasasaktan ang lahat; kung pinaparangalan ang isang bahagi, nagagalak ang lahat.
27 Kayo ngang lahat ang iisang katawan ni Cristo, at bawat isa sa inyo ay bahagi nito. 28 Naglagay(C) ang Diyos sa iglesya, una, ng mga apostol; ikalawa, ng mga propeta; at ikatlo, ng mga guro. Naglagay rin siya ng mga gumagawa ng mga himala, mga nagpapagaling ng mga maysakit, mga tagatulong, mga tagapangasiwa, at mga nagsasalita sa iba't ibang mga wika. 29 Hindi lahat ay apostol, propeta o guro; hindi lahat ay binigyan ng kakayahang gumawa ng mga himala, 30 magpagaling ng mga maysakit, magsalita sa iba't ibang mga wika o magpaliwanag ng mga wikang ito. 31 Ngunit buong sikap ninyong hangarín ang mga kaloob na mas dakila.
At ngayo'y ituturo ko sa inyo ang landas na pinakamabuti sa lahat.
1 Corinto 12
Ang Biblia (1978)
12 Ngayong tungkol (A)sa mga kaloob na ayon sa espiritu, mga kapatid, ay hindi ko ibig na hindi kayo makaalam.
2 Nalalaman ninyo (B)na nang kayo'y mga Gentil pa, ay iniligaw kayo (C)sa mga piping diosdiosan, sa alin mang paraang pagkahatid sa inyo.
3 Kaya't ipinatatalastas ko sa inyo, na wala (D)sinomang nagsasalita sa pamamagitan ng Espiritu ng Dios ay nagsasabi, Si Jesus ay (E)itinakwil; at wala (F)sinoman ay makapagsasabi, Si Jesus ay Panginoon kundi sa pamamagitan ng Espiritu Santo.
4 Ngayo'y (G)may iba't ibang mga kaloob, datapuwa't (H)iisang Espiritu.
5 At may (I)iba't ibang mga pangangasiwa, datapuwa't iisang Panginoon.
6 At may iba't ibang paggawa, datapuwa't iisang (J)Dios na gumagawa ng lahat ng mga bagay sa lahat.
7 Datapuwa't sa bawa't isa (K)ay ibinibigay ang paghahayag ng Espiritu, upang pakinabangan naman.
8 Sapagka't sa isa, sa pamamagitan ng Espiritu ay ibinibigay ang salita ng (L)karunungan; at sa iba'y ang salita ng (M)kaalaman ayon din sa Espiritu:
9 Sa iba'y ang (N)pananampalataya, sa gayon ding Espiritu; at sa iba'y ang (O)mga kaloob na pagpapagaling, sa iisang Espiritu.
10 At sa iba'y ang mga paggawa ng mga himala; at sa iba'y hula; at sa iba'y ang (P)pagkilala sa mga espiritu; at sa iba'y ang (Q)iba't ibang wika; at sa iba'y ang (R)pagpapaliwanag ng mga wika.
11 Datapuwa't ang lahat ng ito ay ginagawa ng isa at ng gayon ding Espiritu, na binabahagi sa bawa't isa ayon sa kaniyang ibig.
12 Sapagka't (S)kung paanong ang katawan ay iisa, at mayroong maraming mga sangkap, at ang lahat ng mga sangkap ng katawan, bagama't marami, ay iisang katawan; gayon din naman si Cristo.
13 Sapagka't sa isang Espiritu ay binabautismuhan tayong lahat sa isang katawan, (T)maging tayo'y Judio o Griego, maging mga alipin o mga laya; at tayong lahat ay (U)pinainom sa (V)isang Espiritu.
14 Sapagka't ang katawan ay hindi iisang sangkap, kundi marami.
15 Kung sasabihin ng paa, Sapagka't hindi ako kamay, ay hindi ako sa katawan; hindi nga dahil dito'y hindi sa katawan.
16 At kung sasabihin ng tainga, Sapagka't hindi ako mata, ay hindi ako sa katawan; hindi nga dahil dito'y hindi sa katawan.
17 Kung ang buong katawan ay pawang mata, saan naroroon ang pakinig? Kung ang lahat ay pawang pakinig, saan naroroon ang pangamoy.
18 Datapuwa't ngayo'y inilagay ng Dios ang bawa't isa sa mga sangkap ng katawan, ayon sa kaniyang minagaling.
19 At kung ang lahat nga'y pawang isang sangkap, saan naroroon ang katawan?
20 Datapuwa't maraming mga sangkap nga, nguni't iisa ang katawan.
21 At hindi makapagsasabi ang mata sa kamay, Hindi kita kinakailangan: at hindi rin ang ulo sa mga paa, Hindi ko kayo kailangan.
22 Hindi, kundi lalo pang kailangan yaong mga sangkap ng katawan na wari'y lalong mahihina:
23 At yaong mga sangkap ng katawan, na inaakala nating kakaunti ang kapurihan, sa mga ito ipinagkakaloob natin ang lalong saganang papuri; at ang mga sangkap nating mga pangit ay siyang may lalong saganang kagandahan;
24 Yamang ang mga sangkap nating magaganda ay walang kailangan: datapuwa't hinusay ng Dios ang katawan na binigyan ng lalong saganang puri yaong sangkap na may kakulangan;
25 Upang huwag magkaroon ng pagkakabahabahagi sa katawan; kundi ang mga sangkap ay mangagkaroon ng magkasing-isang pagiingat sa isa't isa.
26 At kung ang isang sangkap ay nagdaramdam, ang lahat ng mga sangkap ay nangagdaramdam na kasama niya; o kung ang isang sangkap ay nagkakapuri, ang lahat ng mga sangkap (W)ay nangagagalak na kasama niya.
27 (X)Kayo nga ang katawan ni Cristo, at bawa't isa'y samasamang mga (Y)sangkap niya.
28 At ang Dios ay naglagay ng ilan sa iglesia, una-una'y (Z)mga apostol, ikalawa'y (AA)mga propeta, ikatlo'y mga guro, saka (AB)mga himala, saka mga kaloob na pagpapagaling, mga pagtulong, (AC)mga pamamahala, at iba't ibang mga wika.
29 Lahat baga'y mga apostol? lahat baga'y mga propeta? lahat baga'y mga guro? lahat baga'y mga manggagawa ng mga himala?
30 May mga kaloob na pagpapagaling baga ang lahat? (AD)nangagsasalita baga ang lahat ng mga wika? lahat baga ay nangagpapaliwanag?
31 Datapuwa't maningas ninyong (AE)nasain, ang lalong dakilang mga kaloob. At itinuturo ko sa inyo ang isang daang kagalinggalingan.
1 Corinto 12
Ang Dating Biblia (1905)
12 Ngayong tungkol sa mga kaloob na ayon sa espiritu, mga kapatid, ay hindi ko ibig na hindi kayo makaalam.
2 Nalalaman ninyo na nang kayo'y mga Gentil pa, ay iniligaw kayo sa mga piping diosdiosan, sa alin mang paraang pagkahatid sa inyo.
3 Kaya't ipinatatalastas ko sa inyo, na wala sinomang nagsasalita sa pamamagitan ng Espiritu ng Dios ay nagsasabi, Si Jesus ay itinakwil; at wala sinoman ay makapagsasabi, Si Jesus ay Panginoon kundi sa pamamagitan ng Espiritu Santo.
4 Ngayo'y may iba't ibang mga kaloob, datapuwa't iisang Espiritu.
5 At may iba't ibang mga pangangasiwa, datapuwa't iisang Panginoon.
6 At may iba't ibang paggawa, datapuwa't iisang Dios na gumagawa ng lahat ng mga bagay sa lahat.
7 Datapuwa't sa bawa't isa ay ibinibigay ang paghahayag ng Espiritu, upang pakinabangan naman.
8 Sapagka't sa isa, sa pamamagitan ng Espiritu ay ibinibigay ang salita ng karunungan; at sa iba'y ang salita ng kaalaman ayon din sa Espiritu:
9 Sa iba'y ang pananampalataya, sa gayon ding Espiritu; at sa iba'y ang mga kaloob na pagpapagaling, sa iisang Espiritu.
10 At sa iba'y ang mga paggawa ng mga himala; at sa iba'y hula; at sa iba'y ang pagkilala sa mga espiritu; at sa iba'y ang iba't ibang wika; at sa iba'y ang pagpapaliwanag ng mga wika.
11 Datapuwa't ang lahat ng ito ay ginagawa ng isa at ng gayon ding Espiritu, na binabahagi sa bawa't isa ayon sa kaniyang ibig.
12 Sapagka't kung paanong ang katawan ay iisa, at mayroong maraming mga sangkap, at ang lahat ng mga sangkap ng katawan, bagama't marami, ay iisang katawan; gayon din naman si Cristo.
13 Sapagka't sa isang Espiritu ay binabautismuhan tayong lahat sa isang katawan, maging tayo'y Judio o Griego, maging mga alipin o mga laya; at tayong lahat ay pinainom sa isang Espiritu.
14 Sapagka't ang katawan ay hindi iisang sangkap, kundi marami.
15 Kung sasabihin ng paa, Sapagka't hindi ako kamay, ay hindi ako sa katawan; hindi nga dahil dito'y hindi sa katawan.
16 At kung sasabihin ng tainga, Sapagka't hindi ako mata, ay hindi ako sa katawan; hindi nga dahil dito'y hindi sa katawan.
17 Kung ang buong katawan ay pawang mata, saan naroroon ang pakinig? Kung ang lahat ay pawang pakinig, saan naroroon ang pangamoy.
18 Datapuwa't ngayo'y inilagay ng Dios ang bawa't isa sa mga sangkap ng katawan, ayon sa kaniyang minagaling.
19 At kung ang lahat nga'y pawang isang sangkap, saan naroroon ang katawan?
20 Datapuwa't maraming mga sangkap nga, nguni't iisa ang katawan.
21 At hindi makapagsasabi ang mata sa kamay, Hindi kita kinakailangan: at hindi rin ang ulo sa mga paa, Hindi ko kayo kailangan.
22 Hindi, kundi lalo pang kailangan yaong mga sangkap ng katawan na wari'y lalong mahihina:
23 At yaong mga sangkap ng katawan, na inaakala nating kakaunti ang kapurihan, sa mga ito ipinagkakaloob natin ang lalong saganang papuri; at ang mga sangkap nating mga pangit ay siyang may lalong saganang kagandahan;
24 Yamang ang mga sangkap nating magaganda ay walang kailangan: datapuwa't hinusay ng Dios ang katawan na binigyan ng lalong saganang puri yaong sangkap na may kakulangan;
25 Upang huwag magkaroon ng pagkakabahabahagi sa katawan; kundi ang mga sangkap ay mangagkaroon ng magkasing-isang pagiingat sa isa't isa.
26 At kung ang isang sangkap ay nagdaramdam, ang lahat ng mga sangkap ay nangagdaramdam na kasama niya; o kung ang isang sangkap ay nagkakapuri, ang lahat ng mga sangkap ay nangagagalak na kasama niya.
27 Kayo nga ang katawan ni Cristo, at bawa't isa'y samasamang mga sangkap niya.
28 At ang Dios ay naglagay ng ilan sa iglesia, una-una'y mga apostol, ikalawa'y mga propeta, ikatlo'y mga guro, saka mga himala, saka mga kaloob na pagpapagaling, mga pagtulong, mga pamamahala, at iba't ibang mga wika.
29 Lahat baga'y mga apostol? lahat baga'y mga propeta? lahat baga'y mga guro? lahat baga'y mga manggagawa ng mga himala?
30 May mga kaloob na pagpapagaling baga ang lahat? nangagsasalita baga ang lahat ng mga wika? lahat baga ay nangagpapaliwanag?
31 Datapuwa't maningas ninyong nasain, ang lalong dakilang mga kaloob. At itinuturo ko sa inyo ang isang daang kagalinggalingan.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978