1 Corinto 11
Ang Salita ng Diyos
Nararapat na Pagsamba
11 Tumulad kayo sa akin gaya ko na tumulad din kay Cristo.
2 Mga kapatid, pinupuri ko kayo na sa lahat ng mga bagay ay naalala ninyo ako. Sinusunod din ninyo ang mga kaugalian ayon sa pagkakatagubilin ko sa inyo.
3 Ibig kong malaman ninyo na ang pangulo ng bawat lalaki ay si Cristo. Ang pangulo ng bawat babae ay ang lalaki. Ang pangulo ni Cristo ay ang Diyos. 4 Ang bawat lalaking nananalangin o naghahayag nang may takip ang ulo, ay nagbibigay ng kahihiyan sa kaniyang ulo. 5 Ang bawat babaeng nananalangin at naghahayag nang walang panakip ng ulo aynagbibigay ng kahihiyan sa kaniyang ulo. Ang walang panakip ng ulo ng babae ay tulad na rin ng inahitan ng buhok. 6 Ito ay sapagkat kung ang babae ay walang panakip ng ulo, magpagupit na rin siya. Ngunit kung kahihiyan para sa babae ang siya ay magpagupit o magpaahit, maglagay na lang siya ng panakip ng ulo. 7 Ito ay sapagkat ang lalaki ay hindi na dapat magtakip ng ulo dahil ito ang wangis at kaluwalhatian ng Diyos. Ang babae ay ang kaluwalhatian ng lalaki. 8 Ito ay sapagkat ang lalaki ay hindi nagmula sa babae. Ang babae ang siyang nagmula sa lalaki. 9 Ito ay sapagkat ang lalaki ay hindi nilikha para sa babae kundi ang babae aynilikha para sa lalaki. 10 Dahil dito ang babae ay kailangan ding magkaroon ng kapangyarihan sa kaniyang ulo alang-alang sa mga anghel.
11 Magkagayunman, sa Panginoon ang lalaki ay hindi hiwalay sa babae at ang babae ay hindi hiwalay sa lalaki. 12 Ito ay sapagkat ang babae ay nagmula sa lalaki, gayundin naman ang lalaki ay ipinanganganak ng babae. Ngunit ang lahat ng bagay ay nagmula sa Diyos. 13 Kayo ang humatol. Nararapat ba sa isang babae ang manalangin sa Diyos nang walang lambong? 14 Hindi ba ang kalikasan na rin ang nagturo na kapag mahaba ang buhok ng lalaki, iyon ay kasiraang dangal sa kaniya? 15 Ngunit sa babae, kung mahaba ang buhok niya, iyon ay kaluwalhatian sa kaniya sapagkat ang mahabang buhok ay ibinigay sa kaniya bilang panakip. 16 Kung may nagnanais makipagtalo patungkol sa bagay na ito, wala na kaming ibang kaugalian, maging ang mga iglesiya ng Diyos.
Ang Hapag ng Panginoon
17 Ngayon, sa sasabihin ko, hindi ko kayo pinupuri sapagkat ang pagtitipon ninyo ay hindi para sa ikabubuti kundi sa lalong ikasasama.
18 Ito ay sapagkat una sa lahat, sa pagtitipun-tipon ninyo sa iglesiya, naririnig ko na may pagkakampi-kampi sa inyo. Naniniwala ako na maaaring ito ay totoo. 19 Ito ay sapagkat kinakailangang mahayag ang pangkat na nagtuturo ng mga kamalian na nasa inyo nang sa gayon ay mahayag ang mga katanggap-tangap sa Diyos. 20 Sa pagtitipon ninyo sa isang dako, hindi kayo nagtitipon upang kumain ng hapunan ng Panginoon. 21 Ito ay sapagkat sa inyong pagkain, ang bawat isa ay kumakain ng kani-kaniyang hapunan nang una sa iba. Kaya ang isa ay gutom at ang isa ay lasing. 22 Hindi ba mayroon kayong mga bahay upang doon kumain at uminom? O baka naman hinahamak ninyo ang iglesiya ng Diyos at ipinapahiya ang mga walang pagkain? Ano ang dapat kong sabihin? Pupurihin ko ba kayo sa ganito? Hindi ko kayo pupurihin.
23 Ito ay sapagkat tinanggap ko mula sa Panginoon ang siya ko namang ibinibigay sa inyo. Ang Panginoong Jesus, nang gabing siya ay ipinagkanulo, ay kumuha ng tinapay. 24 Pagkatapos niyang magpasalamat, pinagputul-putol niya ito, at sinabi: Kunin ninyo, kainin ninyo, ito ang aking katawan na pinagputul-putol para sa inyo. Gawin ninyo ito sa pag-alaala sa akin. 25 Sa gayunding paraan kinuha niya ang saro pagkatapos maghapunan. Sinabi niya: Ang sarong ito ay ang bagong tipan sa aking dugo. Sa tuwing kayo ay iinom nito, gawin ninyo ito sa pag-alaala sa akin. 26 Ito ay sapagkat sa tuwing kakain kayo ng tinapay na ito at iinom sa sarong ito, inihahayag ninyo ang kamatayan ng Panginoon hanggang sa siya ay dumating.
27 Ang sinumang kumain ng tinapay at uminom sa saro ng hindi nararapat ay nagkakasala sa katawan at dugo ng Panginoon. 28 Ngunit suriin muna ng tao ang kaniyang sarili. Pagkatapos hayaan siyang kumain ng tinapay at uminom sa saro. 29 Ito ay sapagkat siya na kumakain at umiinom nang hindi karapat-dapat ay kumakain at umiinom ng kahatulan sa kaniyang sarili. Hindi niya kinikilala nang tama ang katawan ng Panginoon. 30 Dahil dito marami sa inyo ang mahihina at may karamdaman at marami ang natulog na. 31 Ito ay sapagkat hindi tayo hahatulan kung hahatulan natin ang ating mga sarili. 32 Kung tayo ay hinahatulan, tayo ay tinuturuan upang hindi tayo mahatulang kasama ng sanlibutan.
33 Kaya nga, mga kapatid, sa inyong pagtitipon upang kumain, maghintayan kayo sa isa’t isa. 34 Kapag ang sinuman ay nagugutom, hayaan siyang kumain muna sa bahay. Ito ay upang hindi kayo magtipun-tipon sa kahatulan.
Aayusin ko ang ibang mga bagay sa pagdating ko.
Copyright © 1998 by Bibles International