1 Corinto 11
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version
11 Tularan (A) ninyo ako, gaya ng pagtulad ko kay Cristo.
Tungkol sa Pagtatalukbong
2 Ipinagmamalaki ko kayo, sapagkat sa lahat ng bagay ay naaalala ninyo ako, at nananatili kayong matibay sa mga tradisyon gaya ng ibinigay ko sa inyo. 3 Ngunit ibig kong malaman ninyo na ang ulo ng bawat lalaki ay si Cristo, at ang ulo ng babae ay ang lalaki, at ang ulo ni Cristo ay ang Diyos. 4 Ang bawat lalaking nananalangin o nagpapahayag ng propesiya nang may takip ang ulo ay naglalagay sa kanyang ulo sa kahihiyan. 5 Subalit ang bawat babaing nananalangin o nagpapahayag ng propesiya nang walang talukbong sa ulo ay naglalagay sa kanyang ulo sa kahihiyan; sapagkat wala siyang ipinag-iba sa babaing inahitan ang ulo. 6 Sapagkat kung ang babae ay hindi nagtatalukbong, magpagupit na lang siya ng kanyang buhok. Ngunit kung kahiya-hiya sa babae ang magpagupit o magpaahit, dapat siyang magtalukbong. 7 Sapagkat (B) hindi nararapat sa lalaki ang magtalukbong ng kanyang ulo, sapagkat siya ay larawan at kaluwalhatian ng Diyos, ngunit ang babae ay siyang kaluwalhatian ng lalaki. 8 Sapagkat (C) ang lalaki ay hindi mula sa babae, kundi ang babae ay mula sa lalaki, 9 at hindi rin nilikha ang lalaki dahil sa babae kundi ang babae dahil sa lalaki. 10 Kaya nga, nararapat na ang babae ay magkaroon sa kanyang ulo ng tanda ng awtoridad, dahil sa mga anghel. 11 Gayunman, sa Panginoon, ang babae ay hindi hiwalay sa lalaki at ang lalaki ay hindi hiwalay sa babae. 12 Sapagkat kung paanong ang babae ay nagmula sa lalaki, ang lalaki naman ay isinisilang sa pamamagitan ng babae; ngunit ang lahat ng mga bagay ay mula sa Diyos. 13 Kayo na ang humatol: angkop ba sa isang babae na manalangin sa Diyos nang walang talukbong? 14 Hindi ba't ang kalikasan mismo ang nagtuturo sa inyo na kahihiyan para sa isang lalaki ang magkaroon ng mahabang buhok, 15 ngunit karangalan naman para sa babae kung siya'y may mahabang buhok? Sapagkat ang kanyang buhok ay ibinigay sa kanya bilang pantalukbong. 16 Ngunit kung nagbabalak ang sinuman na makipagtalo, wala kaming gayong kaugalian, ni ang mga iglesya ng Diyos.
Mga Maling Gawain sa Banal na Hapunan
17 Sa mga sumusunod na tagubilin naman ay hindi ko kayo mapupuri, sapagkat kapag kayo'y nagkakatipon, ito ay hindi para sa ikabubuti, kundi sa ikasasama pa. 18 Sapagkat una sa lahat, sa pagpupulong ninyo sa iglesya, ay nababalitaan ko na may mga pagkakampi-kampi sa inyo, at parang pinaniniwalaan ko na ito. 19 Sa isang dako, kailangang magkaroon sa inyo ng mga pagbubukud-bukod upang lubusang makilala kung sino sa inyo ang tunay. 20 Sa pagkakatipon ninyo ay hindi ang hapunan ng Panginoon ang kinakain ninyo. 21 Sapagkat sa inyong pagkain, mayroon sa inyong nauunang kumain ng sarili niyang hapunan, kaya may nagugutom, at ang iba nama'y lasing. 22 Ano? Wala ba kayong mga bahay na makakainan at maiinuman? O hinahamak ba ninyo ang iglesya ng Diyos, at hinihiya ang mga walang kahit ano? Ano ang sasabihin ko sa inyo? Pupurihin ko ba kayo? Sa bagay na ito ay hindi ko kayo mapupuri.
Pagganap ng Hapunan ng Panginoon(D)
23 Sapagkat ang tinanggap ko mula sa Panginoon ang siyang itinatagubilin ko sa inyo: na ang Panginoong Jesus nang gabing siya'y ipagkanulo ay kumuha ng tinapay; 24 at pagkatapos magpasalamat, pinagputul-putol niya ito, at sinabi, “Ito ang aking katawan para sa inyo. Gawin ninyo ito bilang pag-alaala sa akin.” 25 Sa (E) gayunding paraan ay kinuha niya ang kopa, pagkatapos maghapunan, at sinabi, “Ang kopang ito ang bagong tipan sa aking dugo. Gawin ninyo ito, tuwing kayo'y iinom nito, bilang pag-alaala sa akin.” 26 Sapagkat sa tuwing kakainin ninyo ang tinapay na ito at iinuman ang kopa, ipinapahayag ninyo ang kamatayan ng Panginoon hanggang sa kanyang muling pagdating.
Ang Di-Nararapat na Pagganap ng Banal na Hapunan
27 Kaya't ang sinumang kumain ng tinapay o uminom sa kopa ng Panginoon sa paraang hindi nararapat ay mananagot sa katawan at dugo ng Panginoon. 28 Suriin nga ng bawat tao ang kanyang sarili, bago siya kumain ng tinapay at uminom sa kopa. 29 Sapagkat ang sinumang kumakain at umiinom ay kumakain at umiinom ng hatol sa kanyang sarili kung hindi niya kinikilala ang katawan.[a] 30 Dahil dito, marami sa inyo ang mahihina at maysakit, at ang ilan ay yumao na.[b] 31 Ngunit kung hinahatulan natin ang ating sarili, hindi tayo mahahatulan. 32 At kapag tayo'y hinatulan ng Panginoon, dinidisiplina niya tayo upang huwag tayong mahatulang kasama ng sanlibutan. 33 Kaya nga, mga kapatid, kapag kayo'y nagtitipon upang kumain, maghintayan kayo. 34 Kung nagugutom ang sinuman, kumain siya sa bahay, upang hindi kayo mahatulan kapag kayo ay nagtitipon. Tungkol sa iba pang mga bagay ay magbibigay ako ng tagubilin pagdating ko.
Footnotes
- 1 Corinto 11:29 Sa ibang manuskrito katawan ng Panginoon.
- 1 Corinto 11:30 Sa Griyego, natutulog.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.