Add parallel Print Page Options

10 Sapagka't hindi ko ibig mga kapatid, na di ninyo maalaman, na ang ating mga magulang ay nangapasa ilalim ng alapaap, at ang lahat ay nagsitawid sa dagat;

At lahat ay nangabautismuhan kay Moises sa alapaap at sa dagat;

At lahat ay nagsikain ng isang pagkain ding ayon sa espiritu;

At lahat ay nagsiinom ng isang inumin ding ayon sa espiritu; sapagka't nagsiinom sa batong ayon sa espiritu na sumunod sa kanila: at ang batong yaon ay si Cristo.

Bagaman ang karamihan sa kanila ay hindi nakalugod sa Dios; sapagka't sila'y ibinuwal sa ilang.

Ang mga bagay na ito nga'y pawang naging mga halimbawa sa atin, upang huwag tayong magsipagnasa ng mga bagay na masama na gaya naman nila na nagsipagnasa.

Ni huwag din naman kayong mapagsamba sa mga diosdiosan, gaya niyaong ilan sa kanila; ayon sa nasusulat, Naupo ang bayan upang magsikain at magsiinom, at nagsitindig upang magsipagsayaw.

Ni huwag din naman tayong makiapid, na gaya ng ilan sa kanila na nangakiapid, at ang nangabuwal sa isang araw ay dalawangpu at tatlong libo.

Ni huwag din naman nating tuksuhin ang Panginoon, na gaya ng pagkatukso ng ilan sa kanila, at nangapahamak sa pamamagitan ng mga ahas.

10 Ni huwag din kayong mangagbulongbulungan, na gaya ng ilan sa kanila na nangagbulungan, at nangapahamak sa pamamagitan ng mga mangwawasak.

11 Ang mga bagay na ito nga'y nangyari sa kanila na pinakahalimbawa; at pawang nangasulat sa pagpapaalaala sa atin, na mga dinatnan ng katapusan ng mga panahon.

12 Kaya't ang may akalang siya'y nakatayo, magingat na baka mabuwal.

13 Hindi dumating sa inyo ang anomang tukso kundi yaong matitiis ng tao: datapuwa't tapat ang Dios, na hindi niya itutulot na kayo'y tuksuhin ng higit sa inyong makakaya; kundi kalakip din ng tukso ay gagawin naman ang paraan ng pagilag, upang ito'y inyong matiis.

14 Kaya, mga minamahal ko, magsitakas kayo sa pagsamba sa diosdiosan.

15 Ako'y nagsasalitang tulad sa marurunong; hatulan ninyo ang sinasabi ko.

16 Ang saro ng pagpapala na ating pinagpapala, hindi baga siyang pakikipagkaisa ng dugo ni Cristo? Ang tinapay na ating pinagpuputolputol, hindi baga siyang pakikipagkaisa ng katawan ni Cristo?

17 Bagaman tayo'y marami, ay iisa lamang tinapay, iisang katawan: sapagka't tayong lahat ay nakikibahagi sa isa lamang tinapay.

18 Tingnan ninyo ang Israel na ayon sa laman: ang mga nagsisikain baga ng mga hain ay wala kayang pakikipagkaisa sa dambana?

19 Ano ang aking sinasabi? na ang hain baga sa mga diosdiosan ay may kabuluhan? o ang diosdiosan ay may kabuluhan?

20 Subali't sinasabi ko, na ang mga bagay na inihahain ng mga Gentil, ay kanilang inihahain sa mga demonio, at hindi sa Dios: at di ko ibig na kayo'y mangagkaroon ng pakikipagkaisa sa mga demonio.

21 Hindi ninyo maiinuman ang saro ng Panginoon, at ang saro ng mga demonio: kayo'y hindi maaaring makisalo sa dulang ng Panginoon, at sa dulang ng mga demonio.

22 O minumungkahi baga natin sa paninibugho ang Panginoon? tayo baga'y lalong malakas kay sa kaniya?

23 Lahat ng mga bagay ay matuwid; nguni't hindi ang lahat ng mga bagay ay nararapat. Lahat ng mga bagay ay matuwid; nguni't hindi ang lahat ng mga bagay ay makapagpapatibay.

24 Huwag hanapin ninoman ang sa kaniyang sarili, kundi ang ikabubuti ng kapuwa.

25 Lahat ng ipinagbibili sa pamilihan ay kanin ninyo, at huwag kayong magsipagtanong ng anoman dahilan sa budhi;

26 Sapagka't ang lupa ay sa Panginoon, at ang kabuuan ng naririto.

27 Kung kayo'y aanyayahan ng isang hindi sumasampalataya, at ibig ninyong pumaroon; ang anomang ihain sa inyo ay kanin ninyo, at huwag kayong magsipagtanong ng anoman dahilan sa budhi.

28 Datapuwa't kung sa inyo'y may magsabi, Ito'y inihandog na hain, ay huwag ninyong kanin, dahilan doon sa nagpahayag at dahilan sa budhi;

29 Budhi, sinasabi ko, hindi ang inyong sarili, kundi ang sa iba; sapagka't bakit hahatulan ang kalayaan ng budhi ng iba?

30 Kung nakikisalo ako na may pagpapasalamat, bakit ako'y aalipustain ng dahil sa aking ipinagpapasalamat?

31 Kaya kung kayo'y nagsisikain man, o nagsisiinom man o anoman ang inyong ginagawa, gawin ninyo ang lahat sa ikaluluwalhati ng Dios.

32 Huwag kayong magbigay ng dahilang ikatitisod, sa mga Judio man, sa mga Griego man, o sa iglesia man ng Dios:

33 Na gaya ko din naman, na sa lahat ng mga bagay ay nagbibigay lugod ako sa lahat ng mga tao, na hindi ko hinahanap ang aking sariling kapakinabangan, kundi ang sa marami, upang sila'y mangaligtas.

Mga Babala Mula sa Kasaysayan ng Israel

10 Mga kapatid, hindi ko ibig na hindi kayo makaalam. Ang mga ninuno natin ay naliliman ng ulap at silang lahat ay tumawid sa dagat.

Lahat sila ay binawtismuhan kay Moises sa ulap at sa dagat. Iisa ang kinain nilang espirituwal na pagkain. Iisa ang ininom nilang espirituwal na inumin dahil uminom sila mula sa espirituwal na bato na sumunod sa kanila. Ang batong ito ay si Cristo. Subalit, hindi nalugod ang Diyos sa marami sa kanila kaya sila ay ikinalat niya sa ilang.

Ang mga ito ay halimbawa sa atin upang hindi tayo maghangad ng masasamang bagay tulad nang naging paghahangad nila. Huwag din nga kayong sumamba sa diyos-diyosan tulad ng ilan sa kanila. Ayon sa nasusulat:

Ang mga tao ay umuupo upang kumain at uminom. Sila ay tumitindig upang maglaro.

Huwag din nga tayong makiapid tulad ng ilan sa kanila na nakiapid. Sa loob ng isang araw dalawampu’t tatlong libo ang bumagsak sa kanila at namatay. Huwag din nating subukin si Cristo tulad ng ginawang pagsubok ng ilan sa kanila. Sa pamamagitan ng mga ahas sila ay namatay. 10 Huwag din kayong laging bumubulong tulad ng ilan sa kanila na laging bumubulong at namatay sa pamamagitan ng mangwawasak.

11 Ang lahat ng mga bagay na ito ay nangyari upang maging halimbawa. Ito ay isinulat para maging babala sa atin na kung kanino ang mga katapusan ng mga kapanahunan ay dumating. 12 Kaya nga, siya na nag-aakalang nakatayo ay mag-ingat at baka siya ay bumagsak. 13 Walang pagsubok na dumating sa iyo maliban sa karaniwang pagsubok sa tao. Ang Diyos ay matapat, na hindi ka pababayaang masubok nang higit sa makakaya mo. Kasabay ng pagsubok, gagawa siya ng paraan para makaligtas ka nang sa gayon, makayanan mo ang pagsubok.

Ang Hain sa Diyos-diyosan at ang Hapag ng Panginoon

14 Kaya nga, mga iniibig, lumayo nga kayo sa pagsamba sa diyos-diyosan.

15 Tulad sa matalinong tao ako ay nagsasalita. Hatulan ninyo ang aking sinasabi: 16 Ang saro ng pagpapala, na aming pinagpala, hindi ba ito ay ang pakikipag-isa sa dugo ni Cristo? Hindi ba ang tinapay na pinagputul-putol, hindi baito ay ang pakikipag-isa sa katawan ni Cristo? 17 Tayo bagamat marami ay iisang tinapay dahil tayong lahat ay nakikibahagi sa iisang tinapay.

18 Tingnan ninyo ang Israel ayon sa laman. Hindi ba sila na kumain ng hain ay kapwa kabahagi sa dambana? 19 Anong sasabihin ko? Sasabihin ko bang may kabuluhan ang diyos-diyosan o ang inihain sa mga diyos-diyosan ay may kabuluhan? 20 Sinasabi ko: Ang inihahain ng mga Gentil ay inihahain nila sa mga demonyo at hindi sa Diyos. Hindi ko ibig na kayo ay maging kapwa kabahagi ng mga demonyo. 21 Hindi ka makaiinom sa saro ng Panginoon at sa saro ng mga demonyo. Hindi ka makakabahagi sa hapag ng Panginoon at sa hapag ng mga demonyo. 22 Iniinggit ba natin ang Panginoon? Higit ba tayong malakas kaysa sa kaniya?

Ang Kalayaan ng Mananampalataya

23 Para sa akin, ang lahat ng bagay ay ayon sa kautusan, subalit hindi lahat ng mga bagay ay kapakipakinabang. Para sa akin ang lahat ng mga bagay ay ayon sa batas ngunit hindi lahat ng bagay ay nakakapagpatibay.

24 Huwag hangarin ng sinuman ang para sa sarili niya kundi ang para sa kapakanan ng iba.

25 Anumang ipinagbibili sa pamilihan ay kainin ninyo. Huwag nang magtanong alang-alang sa budhi. 26 Ito ay sapagkat

ang lupa ay sa Panginoon at ang lahat ng kasaganaan nito.

27 Kapag ang sinuman sa mga hindi sumasampalataya ay mag-anyaya sa inyo, pumunta kayo kung ibig ninyo. Kainin ninyo ang lahat ng inihanda sa inyo. Huwag nang magtanong alang-alang sa budhi. 28 Kapag may nagsabi sa iyo: Ito ay inihain sa diyos-diyosan. Huwag kang kumain alang-alang sa kaniya na nagsabi sa iyo at alang-alang sa budhi sapagkat ang lupa ay sa Panginoon at ang kasaganaan nito. 29 Ang budhi na sinasabi ko ay hindi ang sa iyo kundi ang sa iba. Bakit hahatulan ng ibang budhi ang aking kalayaan? 30 Ako ay nakikibahagi nang may pasasalamat. Bakit ako nilalait sa mga bagay na pinasalamatan ko?

31 Kaya nga, kung kakain kayo, o iinom o anumang gagawin ninyo, gawin ninyo ang lahat ng bagay para sa kaluwalhatian ng Diyos. 32 Huwag kayong maging katitisuran kapwa sa mga Judio at sa mga Griyego at sa iglesiya ng Diyos. 33 Ako sa lahat ng bagay ay nagbibigay-lugod sa lahat. Hindi ko hinahangad ang sarili kong kapakinabangan, kundi ang kapakinabangan ng marami upang sila ay maligtas.