1 Corinto 5
Ang Biblia, 2001
Imoralidad sa Loob ng Iglesya
5 Sa(A) katunayan ay nababalita na may pakikiapid sa inyo, at ang ganyang pakikiapid ay wala kahit sa mga pagano; sapagkat ang isang lalaki ay nakikipisan sa asawa ng kanyang ama.
2 At kayo ay nagmamalaki pa! Hindi ba dapat kayong malumbay, upang maalis sa gitna ninyo ang gumagawa nito?
3 Sapagkat bagaman ako ay wala sa katawan, ako'y nasa harapan ninyo sa espiritu. Kaya't tulad sa isang nasa harapan ninyo, hinahatulan ko na ang gumawa ng bagay na ito,
4 sa pangalan ng ating Panginoong Jesus. Kapag kayo ay nagkakatipon kasama ang aking espiritu na taglay ang kapangyarihan ng ating Panginoong Jesus,
5 ay ibigay ang ganyang tao kay Satanas sa ikawawasak ng laman, upang ang kanyang espiritu ay maligtas sa araw ng Panginoong Jesus.
6 Hindi(B) mabuti ang inyong pagmamapuri. Hindi ba ninyo nalalaman na ang kaunting pampaalsa ay nagpapaalsa sa buong masa?
7 Alisin(C) ninyo ang lumang pampaalsa, upang kayo'y maging bagong masa, kung paanong kayo nga'y walang pampaalsa. Sapagkat si Cristo, ang kordero ng ating paskuwa, ay naialay na.
8 Kaya(D) nga, ipagdiwang natin ang pista, hindi ng may lumang pampaalsa, o sa pampaalsa man ng masamang hangad at kasamaan, kundi sa tinapay na walang pampaalsa ng katapatan at katotohanan.
9 Isinulat ko sa inyo sa aking sulat na huwag kayong makisama sa mga mapakiapid,
10 hindi ang ibig sabihin ay sa mga mapakiapid ng sanlibutang ito, o sa mga masasakim at mga magnanakaw, o sa mga sumasamba sa diyus-diyosan, sa gayo'y kailangan pa kayong lumabas sa sanlibutan.
11 Kundi ngayon ay sinusulatan ko kayo na huwag kayong makisama sa kanino mang tinatawag na kapatid, kung siya'y mapakiapid, o sakim, o sumasamba sa diyus-diyosan, o nagmumura, o maglalasing, o magnanakaw—ni huwag man lamang kayong kumaing kasalo ng ganyang uri ng tao.
12 Sapagkat anong kinalaman ko sa paghatol sa nasa labas? Hindi ba yaong mga nasa loob ang inyong hahatulan?
13 Subalit(E) ang Diyos ang humahatol sa mga nasa labas. “Alisin ninyo ang masamang tao sa gitna ninyo.”