Mga Awit 3
Magandang Balita Biblia
Panalangin sa Umaga
Awit(A) ni David nang siya'y tumatakas mula kay Absalom.
3 O Yahweh, napakarami pong kaaway,
na sa akin ay kumakalaban!
2 Ang lagi nilang pinag-uusapan,
ako raw, O Diyos, ay di mo tutulungan! (Selah)[a]
3 Ngunit ikaw, Yahweh, ang aking sanggalang,
binibigyan mo ako ng tagumpay at karangalan.
4 Tumatawag ako kay Yahweh at humihingi ng tulong,
sinasagot niya ako mula sa banal na bundok. (Selah)[b]
5 Ako'y nakakatulog at nagigising,
buong gabi'y si Yahweh ang tumitingin.
6 Sa maraming kalaba'y di ako matatakot,
magsipag-abang man sila sa aking palibot.
7 Yahweh na aking Diyos, iligtas mo ako!
Parusahang lahat, mga kaaway ko,
kapangyarihan nila'y iyong igupo.
8 Si Yahweh ang nagbibigay ng tagumpay;
pagpalain mo nawa ang iyong bayan! (Selah)[c]
Footnotes
- Mga Awit 3:2 SELAH: Ang kahulugan ng salitang ito'y hindi tiyak, subalit sa tekstong Hebreo, ito'y maaaring ginamit bilang isang simbolong pangmusika na nagbibigay ng hudyat sa pag-awit o pagtugtog.
- Mga Awit 3:4 SELAH: Tingnan ang Awit 3:2.
- Mga Awit 3:8 SELAH: Tingnan ang Awit 3:2.
Mga Awit 3
Ang Biblia, 2001
Awit(A) ni David nang Takasan Niya si Absalom
3 Panginoon, ang mga kaaway ko ay dumarami!
Ang tumitindig laban sa akin ay marami;
2 marami ang nagsasabi tungkol sa aking kaluluwa,
walang tulong mula sa Diyos para sa kanya. (Selah)
3 Ngunit ikaw, O Panginoon ay isang kalasag sa palibot ko,
aking kaluwalhatian, at siyang tagapagtaas ng aking ulo.
4 Ako'y dumadaing nang malakas sa Panginoon,
at sinasagot niya ako mula sa kanyang banal na burol. (Selah)
5 Ako'y nahiga at natulog;
ako'y muling gumising sapagkat inaalalayan ako ng Panginoon.
6 Sa sampung libu-libong tao ako'y hindi natatakot,
na naghanda ng kanilang mga sarili laban sa akin sa palibot.
7 Bumangon ka, O Panginoon!
Iligtas mo ako, O aking Diyos!
Sapagkat iyong sinampal sa pisngi ang lahat ng aking mga kaaway,
iyong binasag ang mga ngipin ng masama.
8 Ang pagliligtas ay sa Panginoon;
sumaiyong bayan nawa ang iyong pagpapala. (Selah)
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.
