Add parallel Print Page Options

Awit ng Tagumpay ni David(A)

Upang awitin ng Punong Mang-aawit. Awit ni David na lingkod ni Yahweh: inawit niya ito nang siya'y iligtas ni Yahweh mula sa kanyang mga kaaway at kay Saul.

18 O Yahweh, ika'y aking minamahal,
    ikaw ang aking kalakasan!
Si Yahweh ang aking batong tanggulan,
    ang aking Tagapagligtas, Diyos at kanlungan,
    tagapag-ingat ko at aking sanggalang.
Kay Yahweh ako'y tumatawag,
    sa aking mga kaaway ako'y inililigtas.
Karapat-dapat purihin si Yahweh!

Ginapos ako ng tali ng kamatayan;
    tinabunan ako ng alon ng kapahamakan.
Nakapaligid sa akin ang panganib ng kamatayan,
    nakaumang sa akin ang bitag ng libingan.
Kaya't si Yahweh ay aking tinawag;
    sa aking paghihirap, humingi ng habag.
Mula sa kanyang Templo, tinig ko ay narinig,
    pinakinggan niya ang aking paghibik.

Ang buong lupa ay nauga at nayanig,
    pundasyon ng mga bundok ay nanginig,
    sapagkat ang Diyos ay galit na galit!
Lumabas ang usok sa kanyang ilong,
    mula sa kanyang bibig ay mga baga at apoy.
Nahawi ang langit at siya'y bumabâ,
    makapal na ulap ang tuntungan niya.
10 Sa isang kerubin siya ay sumakay;
    sa papawirin mabilis na naglakbay.
11 Ang kadilima'y ginawa niyang takip,
    maitim na ulap na puno ng tubig.
12 Gumuhit ang kidlat sa harapan niya,
    at mula sa ulap, bumuhos kaagad
    ang maraming butil ng yelo at baga.

13 Nagpakulog si Yahweh mula sa langit,
    tinig ng Kataas-taasan, agad narinig.
14 Dahil sa mga palaso na kanyang itinudla, ang mga kaaway ay nangalat sa lupa;
    nagsala-salabat ang guhit ng kidlat, lahat ay nagulo kaya't nagsitakas.
15 Dahil sa galit mo, O Yahweh,
    sa ilong mo galing ang bugso ng hangin;
kaya't ang pusod ng dagat ay nalantad,
    mga pundasyon ng lupa ay nahayag.

16 Mula sa kalangitan, itong Panginoon,
    sa malalim na tubig, ako'y iniahon.
17 Iniligtas ako sa kapangyarihan
    ng mga kaaway na di ko kayang labanan;
18 Sinalakay nila ako noong ako'y naguguluhan,
    ngunit si Yahweh ang sa aki'y nagsanggalang.
19 Nang nasa panganib, ako'y kanyang tinulungan,
    ako'y iniligtas sapagkat kanyang kinalulugdan!

20 Pinagpapala ako ni Yahweh pagkat ako'y matuwid,
    binabasbasan niya ako dahil kamay ko'y malinis.
21 Mga utos ni Yahweh ay aking sinunod,
    hindi ko tinalikuran ang aking Diyos.
22 Lahat ng utos niya ay aking tinupad,
    mga batas niya ay hindi ko nilabag.
23 Nalalaman niyang ako'y walang kasalanan,
    paggawa ng masama ay aking iniwasan.
24 Kaya naman ako'y ginagantimpalaan niya,
    sapagkat alam niyang ako'y totoong walang sala.

25 Tapat ka, O Diyos, sa mga tapat sa iyo,
    at napakabuti mo sa mabubuting tao.
26 Ikaw ay mabait sa taong matuwid,
    ngunit sa masama, ikaw ay malupit.
27 Ang mapagpakumbaba ay inililigtas mo,
    ngunit iyong ibinabagsak ang mga palalo.

28 Ikaw, O Yahweh, ang nagbibigay sa akin ng ilaw;
    inaalis mo, O Diyos, ang aking kadiliman.
29 Pinapalakas mo ako laban sa kaaway,
    upang tanggulan nito ay aking maagaw.

30 Ang Diyos na ito ay sakdal ang gawa,
    at maaasahan ang kanyang salita!
Siya ay kalasag ng mga umaasa,
    at ng naghahanap ng kanyang kalinga.
31 Si Yahweh lamang ang Diyos na tunay;
    tanging Diyos lamang ang batong tanggulan.
32 Ang Diyos na sa aki'y nagbibigay-lakas,
    sa daraanan ko'y siyang nag-iingat.
33 Tulad(B) ng usa, tiyak ang aking mga hakbang,
    inaalalayan niya ako sa mga kabundukan.
34 Sinasanay niya ako sa pakikipagdigma,
    upang mabanat ko ang pinakamatigas na pana.

35 Iniingatan mo ako at inililigtas;
    sa iyong pagkalinga, ako ngayo'y tanyag,
    sa iyong pagtulong, ako'y naging matatag.
36 Inalalayan mo sa bawat paghakbang,
    ang mga paa ko'y ni hindi nadulas.
37 Mga kaaway ko'y aking hinahabol,
    di ako tumitigil hanggang di sila nalilipol.
38 Di sila makabangon kapag ako'y sumalakay;
    sa paanan ko'y bagsak sila at talunan.
39 Pinapalakas mo ako para sa labanan,
    at pinagtatagumpay sa aking mga kaaway.
40 Mga kaaway ko'y pinapaatras mo,
    mga napopoot sa akin ay pinupuksa ko.
41 Humihingi sila ng saklolo ngunit walang tumutulong,
    tumatawag rin kay Yahweh ngunit hindi siya tumutugon.
42 Dinurog ko sila, hanggang sa matulad
    sa pinong alikabok na ipinapadpad;
aking itinapon, niyapak-yapakan kagaya ng putik sa mga lansangan.

43 Sa mapanghimagsik na bayan ako'y iniligtas mo,
    sa maraming bansa'y ginawa mo akong pangulo.
Ang aking nasasakupan ngayo'y marami na,
    kahit na nga sila ay hindi ko kilala.
44 Sa bawat utos ko, sila'y sumusunod,
    maging mga dayuhan, sa aki'y yumuyukod.
45 Nawawalan sila ng lakas ng loob,
    nanginginig papalabas sa kanilang muog.

46 Buháy si Yahweh, Diyos ko't Tagapagligtas,
    matibay kong muog, purihin ng lahat!
    Ang kanyang kadakilaa'y ating ipahayag!
47 Pinagtatagumpay niya ako sa mga kaaway,
    mga bansa'y ipinapailalim niya sa aking paanan;
48     at inililigtas niya ako sa aking mga kalaban.

Laban sa mararahas, ako'y pinagtatagumpay,
    sa aking kaaway, ika'y aking kalasag at patnubay.
49 Sa(C) lahat ng bansa ika'y aking pupurihin,
    ang karangalan mo'y aking aawitin,
    ang iyong pangalan, aking sasambahin.

50 Dakilang tagumpay ibinibigay ng Diyos sa kanyang hari;
    tapat na pag-ibig ipinadarama niya sa kanyang pinili,
    kay David at sa lahat ng kanyang salinlahi.

Ang Panginoon ay pinuri dahil sa pagbibigay ng tagumpay at kapangyarihan. Sa Pangulong Manunugtog. Awit (A)ni David na lingkod ng Panginoon, na siyang nagsalita sa Panginoon ng mga salita ng awit na ito sa kaarawan na iniligtas siya ng (B)Panginoon sa kamay ng lahat niyang kaaway, at sa kamay ni Saul; at kaniyang sinabi,

18 (C)Iniibig kita, Oh Panginoon, na aking (D)kalakasan.
Ang Panginoon ay aking (E)malaking bato, at aking kuta, at aking tagapagligtas;
Aking Dios, aking malaking bato na sa kaniya'y manganganlong ako;
Aking kalasag, at siyang sungay ng aking kaligtasan, aking matayog na moog.
Ako'y tatawag sa Panginoon, na marapat na purihin:
Sa gayo'y maliligtas ako sa aking mga kaaway.
Pinamuluputan ako ng mga tali ng kamatayan,
At tinakot ako ng mga baha ng kasamaan.
Ang mga tali ng Sheol ay nasa buong palibot ko:
Ang mga silo ng kamatayan ay dumating sa akin.
Sa aking kapanglawan ay tumawag ako sa Panginoon,
At dumaing ako sa aking Dios:
Dininig niya ang aking tinig mula sa kaniyang templo,
At ang aking daing sa harap niya ay dumating sa loob ng kaniyang mga pakinig.
Nang magkagayo'y nauga at nayanig ang lupa,
Ang mga patibayan naman (F)ng mga bundok ay nakilos,
At nauga, sapagka't siya'y napoot.
Napailanglang ang usok mula sa kaniyang mga butas ng ilong,
At (G)apoy na mula sa kaniyang bibig ay sumupok:
Mga baga ay nangagalab sa pamamagitan niyaon.
Kaniya namang iniyuko ang mga langit, at ibinaba;
At salimuot na kadiliman ay nasa ilalim ng kaniyang mga paa.
10 At siya'y sumakay sa isang querubin, at lumipad:
(H)Oo, siya'y lumipad na maliksi sa mga pakpak ng hangin.
11 Ginawa niya ang kadiliman na kaniyang kublihang dako, (I)ang kaniyang kulandong sa buong palibot niya;
Mga kadiliman ng tubig, masinsing mga alapaap sa langit.
12 Sa kakinangan sa harap niya ay dumaan ang kaniyang mga masinsing alapaap,
(J)Mga granizo at mga bagang apoy.
13 Ang Panginoon naman ay kumulog sa mga langit,
(K)At pinatunog ng Kataastaasan ang kaniyang tinig;
Mga granizo, at mga bagang apoy.
14 (L)At kaniyang inihilagpos ang kaniyang mga pana, at pinapangalat sila;
Oo, mga kidlat na di masayod at ginulo sila.
15 (M)Nang magkagayo'y nagsilitaw ang mga lagusan ng tubig,
At ang mga patibayan ng sanglibutan ay nangahubdan,
Sa iyong pagsaway, Oh Panginoon,
Sa hihip ng hinga ng iyong mga butas ng ilong.
16 Siya'y nagsugo mula sa itaas, kinuha niya ako;
Sinagip niya ako sa maraming tubig.
17 Iniligtas niya ako sa aking malakas na kaaway,
At sa mga nangagtatanim sa akin, sapagka't sila'y totoong makapangyarihan sa ganang akin.
18 Sila'y nagsidating sa akin sa kaarawan ng aking kasakunaan,
Nguni't ang Panginoon ay siyang aking gabay.
19 (N)Inilabas naman niya ako sa maluwag na dako;
Iniligtas niya ako, sapagka't siya'y nalulugod sa akin.
20 (O)Ginanting-pala ako ng Panginoon ayon sa aking katuwiran;
Ayon sa kalinisan ng aking mga kamay ay ginanting-pala niya ako.
21 Sapagka't aking iningatan ang mga daan ng Panginoon,
At hindi ako humiwalay ng masama sa aking Dios.
22 Sapagka't lahat niyang mga kahatulan ay nangasa harap ko,
At (P)hindi ko inihiwalay ang kaniyang mga palatuntunan sa akin.
23 Ako rin nama'y sakdal sa kaniya,
At ako'y nagingat ng aking sarili sa aking kasamaan.
24 (Q)Kaya't ginanting-pala ako ng Panginoon ayon sa aking katuwiran,
Ayon sa kalinisan ng aking mga kamay sa kaniyang paningin.
25 (R)Sa mahabagin ay pakikilala kang mahabagin;
Sa sakdal na tao ay pakikilala kang sakdal;
26 Sa dalisay ay pakikilala kang dalisay;
At sa matigas na loob ay pakikilala kang (S)mapagmatigas.
27 Sapagka't iyong ililigtas ang napipighating bayan:
Nguni't ang mga (T)mapagmataas na mata ay iyong ibababa.
28 (U)Sapagka't iyong papagniningasin ang aking ilawan;
Liliwanagan ng Panginoon kong Dios ang aking kadiliman.
29 Sapagka't sa pamamagitan mo ay dadaluhungin ko ang isang hukbo;
At sa pamamagitan ng aking Dios ay lulukso ako sa kuta.
30 Tungkol sa Dios ang kaniyang lakad ay sakdal:
(V)Ang salita ng Panginoon ay subok;
Siya'y kalasag ng lahat na nanganganlong sa kaniya,
31 (W)Sapagka't sino ang Dios, liban sa Panginoon?
At sino ang malaking bato maliban sa ating Dios?
32 Ang Dios na nagbibigkis sa akin ng kalakasan,
At nagpapasakdal sa aking lakad.
33 (X)Kaniyang ginagawa ang aking mga paa na gaya ng mga paa ng mga usa:
At (Y)inilalagay niya ako sa aking mga mataas na dako.
34 (Z)Kaniyang tinuturuan ang aking mga kamay na makipagdigma,
Na anopa't ang aking mga kamay ay bumabali ng busog na tanso.
35 Iyo namang ibinigay sa akin ang kalasag na iyong pangligtas:
At inalalayan ako ng iyong kanan,
At pinadakila ako ng iyong kahinahunan.
36 Iyong pinalaki ang aking mga hakbang sa ilalim ko,
At ang aking mga paa ay hindi nangadulas.
37 Aking hahabulin ang aking mga kaaway, at aabutan ko sila:
Hindi man ako babalik hanggang sa sila'y malipol.
38 Aking sasaktan sila, na anopa't sila'y huwag makatayo:
Sila'y mangalulugmok sa ilalim ng aking mga paa.
39 Sapagka't iyong binigkisan ako ng kalakasan sa pagbabaka:
Iyong pinasuko sa akin yaong nagsisibangon laban sa akin.
40 Iyo rin namang pinatatalikod sa akin ang aking mga kaaway,
Upang aking maihiwalay silang nangagtatanim sa akin.
41 Sila'y nagsihiyaw, nguni't walang magligtas:
(AA)Pati sa Panginoon, nguni't hindi niya sinagot sila.
42 Nang magkagayo'y aking dinurog sila na gaya ng alabok sa harap ng hangin:
(AB)Aking inihagis sila na gaya ng putik sa mga lansangan.
43 (AC)Iniligtas mo ako sa mga pakikipagtalo sa bayan;
(AD)Iyong ginawa ako na pangulo ng mga bansa:
(AE)Isang bayan na hindi ko nakilala ay maglilingkod sa akin.
44 (AF)Pagkarinig nila sa akin ay tatalimahin nila ako;
Ang mga taga ibang lupa ay magsisisuko sa akin.
45 Ang mga taga ibang lupa ay manganghihiluka,
At sila'y magsisilabas na nanganginginig mula sa kanilang mga taguang dako.
46 Mabuhay nawa ang Panginoon at maging mapalad nawa ang aking malaking bato;
At dakilain ang Dios ng aking kaligtasan:
47 Sa makatuwid baga'y ang Dios na ipinanghihiganti ako,
At (AG)nagpapasuko ng mga bayan sa akin.
48 Kaniyang inililigtas ako sa aking mga kaaway:
Oo, itinataas mo ako sa nagsisibangon laban sa akin:
Iyong inililigtas ako sa mangdadahas na tao.
49 (AH)Kaya't ako'y magpapasalamat sa iyo, Oh Panginoon, sa gitna ng mga bansa,
At aawit ako ng mga pagpupuri sa iyong pangalan.
50 (AI)Dakilang kaligtasan ay ibinibigay niya sa kaniyang hari;
At nagpapakita ng kagandahang-loob sa (AJ)kaniyang pinahiran ng langis.
Kay David at sa kaniyang binhi (AK)magpakailan man.

'Awit 18 ' not found for the version: Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version.