Mga Awit 113
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon)
Awit ng Pagpupuri kay Yahweh
113 Purihin si Yahweh!
Dapat na magpuri ang mga alipin,
    ang ngalan ni Yahweh ay dapat purihin.
2 Ang kanyang pangalan ay papupurihan,
    magmula ngayo't magpakailanman,
3 buhat sa silangan, hanggang sa kanluran,
    ang ngalan ni Yahweh, dapat papurihan.
4 Siya'y naghahari sa lahat ng bansa,
    lampas pa sa langit ang pagkadakila.
5 Sino bang katulad ng Diyos na si Yahweh,
    na sa kalangitan doon nakaluklok?
6 Buhat sa itaas siya'y tumutunghay,
    ang lupa at langit kanyang minamasdan.
7 Mula kapanglawa'y itong mahihirap,
    kanyang itinataas, kanyang nililingap.
8 Sa mga prinsipe ay isinasama,
    sa mga prinsipe nitong bayan niya.
9 Ang babaing baog pinagpapala niya,
    binibigyang anak para lumigaya.
Purihin si Yahweh!
Mga Awit 113
Ang Biblia (1978)
Ang Panginoon ay pinuri dahil sa pagpuri sa nagpapakababa.
113 Purihin ninyo ang Panginoon. Purihin ninyo, Oh ninyong mga lingkod ng Panginoon,
Purihin ninyo ang pangalan ng Panginoon.
2 (A)Purihin ang pangalan ng Panginoon
Mula sa panahong ito at magpakailan man.
3 (B)Mula sa pagsikat ng araw hanggang sa paglubog niyaon
Ang pangalan ng Panginoon ay pupurihin,
4 Ang Panginoon ay (C)mataas na higit sa lahat ng mga bansa,
At ang kaniyang kaluwalhatian ay (D)sa itaas ng mga langit.
5 (E)Sino ang gaya ng Panginoon nating Dios,
Na may kaniyang upuan sa itaas,
6 (F)Na nagpapakababang tumitingin
Ng mga bagay na nangasa sa langit at sa lupa?
7 (G)Kaniyang ibinabangon ang dukha mula sa alabok,
At itinataas ang mapagkailangan mula sa dumi;
8 Upang maupo siya na kasama ng mga pangulo,
Sa makatuwid baga'y ng mga pangulo ng kaniyang bayan.
9 (H)Kaniyang pinapagiingat ng bahay ang baog na babae,
At maging masayang ina ng mga anak.
Purihin ninyo ang Panginoon.
Mga Awit 113
Ang Biblia, 2001
Bilang Pagpupuri sa Kabutihan ng Panginoon
113 Purihin ang Panginoon!
Purihin ninyo, O mga lingkod ng Panginoon,
    purihin ang pangalan ng Panginoon!
2 Purihin ang pangalan ng Panginoon
    mula sa panahong ito at magpakailanman.
3 Mula sa pagsikat ng araw hanggang sa paglubog nito,
    ang pangalan ng Panginoon ay dapat purihin!
4 Ang Panginoon ay higit na mataas sa lahat ng mga bansa,
    at ang kanyang kaluwalhatian sa itaas ng kalangitan.
5 Sino ang gaya ng Panginoon nating Diyos,
    na nakaupo sa itaas,
6 na nagpapakababang tumitingin
    sa kalangitan at sa lupa?
7 Ibinabangon niya ang dukha mula sa alabok,
    at itinataas ang nangangailangan mula sa bunton ng abo,
8 upang kasama ng mga pinuno ay paupuin sila,
    mga pinuno ng kanyang bayan ang kanilang kasama.
9 Ginagawa niyang manatili sa bahay ang baog na babae,
    isang masayang ina ng mga anak.
Purihin ang Panginoon!
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.
