Job 37
Ang Dating Biblia (1905)
37 Oo, dahil din dito'y nanginginig ang aking puso, at napapabago sa kaniyang kinaroroonang dako.
2 Dinggin ninyo oh dinggin ang hiyaw ng kaniyang tinig, at ang sigaw na lumalabas sa kaniyang bibig.
3 Kaniyang ipinadadala sa silong ng buong langit, at ang kidlat niya'y sa mga wakas ng lupa.
4 Sumunod nito'y isang hugong na dumadagundong; siya'y kumukulog ng hugong ng kaniyang karilagan: at hindi tumitigil doon kung naririnig ang kaniyang tinig.
5 Ang Dios ay kumukulog na kagilagilalas ng kaniyang tinig; dakilang mga bagay ang ginawa niya, na hindi natin matalastas.
6 Sapagka't sinabi niya sa nieve, Lumagpak ka sa lupa; gayon din sa ambon, at sa bugso ng kaniyang malakas na ulan,
7 Tinatatakan niya ang kamay ng bawa't tao: upang maalaman ng lahat ng mga tao na kaniyang nilalang.
8 Kung gayo'y nagsisipasok ang mga hayop sa mga lungga, at namamalagi sa kanilang mga tahanan.
9 Mula sa timog nanggagaling ang bagyo: at ang ginaw ay mula sa hilagaan.
10 Sa pamamagitan ng hinga ng Dios ay nayayari ang hielo: at ang kaluwangan ng tubig ay naiipit.
11 Oo, kaniyang nilalagyan ang masinsing ulap ng halomigmig; kaniyang pinangangalat ang alapaap ng kaniyang kidlat:
12 At pumipihit sa palibot sa pamamagitan ng kaniyang patnubay, upang kanilang gawin ang anomang iutos niya sa kanila, sa ibabaw ng balat ng sanglibutang natatahanan:
13 Maging sa saway, o maging sa kaniyang lupain, o maging sa kaawaan ay pinalilitaw niya.
14 Dinggin mo ito, Oh Job: Tumigil ka, at bulayin ang kagilagilalas na mga gawa ng Dios.
15 Nalalaman mo ba kung paanong pinararatangan sila ng Dios, at pinasisilang ang kidlat ng kaniyang alapaap?
16 Nalalaman mo ba ang mga pagtitimbang ng mga alapaap, ang kagilagilalas na mga gawa niya na sakdal sa kaalaman?
17 Paanong umiinit ang inyong mga suot, pagka tumatahimik ang lupa sa pamamagitan ng hanging timugan?
18 Mailalatag mo ba na kasama niya ang langit, na matibay na gaya ng isang salaming binubo?
19 Ituro mo sa amin kung anong aming sasabihin sa kaniya; sapagka't hindi namin maayos ang aming pananalita dahil sa kadiliman.
20 Sasaysayin ba sa kaniya na ako'y magsasalita? O iisipin ba ng isang tao na siya'y sasakmalin.
21 At ngayo'y hindi nakikita ng mga tao ang makinang na liwanag na nasa mga langit: nguni't ang hangin ay dumadaan, at pinapalis ang mga yaon.
22 Karilagang ginto ay nagmumula sa hilagaan; may taglay ang Dios na kakilakilabot na karilagan.
23 Tungkol sa Makapangyarihan sa lahat, hindi natin mauunawa; siya'y marilag sa kapangyarihan; at sa kahatulan at saganang kaganapan siya'y hindi pipighati.
24 Kinatatakutan nga siya ng mga tao: hindi niya binibigyang pitagan ang sinomang pantas sa puso.
Job 37
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
37 “Kumakabog ang dibdib ko dahil sa bagyo. 2 Pakinggan ninyo ang dumadagundong na tinig ng Dios na parang kulog. 3 Pinakikidlat niya ang buong kalangitan at pinaaabot ito hanggang sa dulo ng mundo. 4 Pagkatapos ay maririnig ang dagundong ng kanyang tinig na parang isang kulog. Hindi niya ito pinipigilan. 5 Kagila-gilalas ang dumadagundong na tinig ng Dios. Gumagawa siya ng mga kahanga-hangang bagay, mga bagay na hindi natin kayang unawain. 6 Inuutusan niya ang yelo na pumatak sa lupa, ganoon din ang ulan na bumuhos nang malakas, 7 para ang taoʼy makapagpahinga sa kanilang mga ginagawa at makapagbulay-bulay sa mga ginawa ng Dios. 8 Nagtatago ang mga hayop sa kanilang mga taguan at nananatili roon kapag may bagyo. 9 Dumadating ang bagyo at ang hanging malamig mula sa kanilang taguan. 10 Sa pamamagitan ng hininga ng Dios nabubuo ang yelo, at nagiging yelo ang malalawak na bahagi ng tubig. 11 Pinupuno niya ng tubig ang mga ulap at pinakikidlat ito. 12 Sa kanyang utos, nagpapaikot-ikot sa buong mundo ang mga ulap. 13 Ginagamit niya ang mga ito upang ituwid ang tao, o ipadama ang kanyang pag-ibig.
14 “Job, pakinggan mo ito, at pagbulay-bulayan ang mga kahanga-hangang bagay na ginagawa ng Dios. 15 Alam mo ba kung paano inuutusan ng Dios ang ulap, at kung paano siya nagpapakidlat mula rito? 16 Alam mo ba kung paano lumulutang ang mga ulap? Ang lahat ng itoʼy kahanga-hangang gawa ng Dios na ang dunong ay walang hangganan. 17 Ikaʼy pagpapawisan dahil sa mainit na hangin mula sa timog, 18 matutulungan mo ba ang Dios na ilatag ang kalangitan at patigasin na parang tansong salamin?
19 “Kung matalino ka, sabihin mo sa amin kung ano ang dapat naming sabihin sa Dios. Hindi namin alam kung paano kami mangangatwiran dahil kulang ang aming kaalaman. 20 Hindi ko gugustuhing makipagtalo sa Dios, dahil baka akoʼy kanyang ipahamak. 21 Walang sinumang makakatitig sa araw na nagliliwanag sa himpapawid, pagkatapos mahawi ng hangin ang mga ulap. 22 Mula sa hilaga, paparating ang Dios na nagniningning na parang ginto at ang kanyang liwanag ay kahanga-hanga. 23 Hindi natin lubos na maunawaan ang Makapangyarihang Dios na napakadakila. Lubos siyang makatarungan, matuwid at hindi nang-aapi, 24 kaya iginagalang siya ng mga tao. Hindi niya pinapansin ang mga taong nagsasabing sila ay marunong.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.
