Isaias 50
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon)
50 Sinabi(A) ni Yahweh:
“Pinalayas ko ba ang aking bayan,
tulad ng isang lalaking pinalayas at hiniwalayan ang kanyang asawa?
Kung gayon, nasaan ang kasulatan ng ating paghihiwalay?
Pinagtaksilan ko ba kayo para maging bihag,
tulad ng amang nagbenta ng anak upang maging alipin?
Hindi! Nabihag kayo dahil sa inyong kasalanan,
itinapon kayo dahil sa inyong kasamaan.
2 Bakit ang bayan ko'y hindi kumilos
nang sila'y lapitan ko para iligtas?
Nang ako'y tumawag isa ma'y walang sumagot.
Bakit? Wala ba akong lakas para iligtas sila?
Kaya kong tuyuin ang dagat sa isang salita lamang.
Magagawa kong disyerto ang ilog
upang mamatay sa uhaw ang mga isda roon.
3 Ang bughaw na langit ay magagawa kong
kasing-itim ng damit-panluksa.”
Ang Pagsunod ng Lingkod ni Yahweh
4 Ang Panginoong Yahweh ang nagturo sa akin ng aking sasabihin,
para tulungan ang mahihina.
Tuwing umaga'y nananabik akong malaman
kung ano ang ituturo niya sa akin.
5 Binigyan ako ng Panginoong Yahweh ng pang-unawa,
hindi ako naghimagsik
o tumalikod sa kanya.
6 Hindi(B) ako gumanti nang bugbugin nila ako,
hindi ako kumibo nang insultuhin nila ako.
Pinabayaan ko silang bunutin ang aking balbas
at luraan ang aking mukha.
7 Hindi ko pinansin ang mga pag-insultong ginawa nila sa akin,
sapagkat ang Panginoong Yahweh ang tumutulong sa akin.
Handa akong magtiis,
sapagkat aking nalalaman na ako'y hindi mapapahiya.
8 Ang(C) Diyos ay malapit,
at siya ang magpapatunay na wala akong sala.
May mangangahas bang ako'y usigin?
Magharap kami sa hukuman,
at ilahad ang kanyang paratang.
9 Ang Panginoong Yahweh mismo ang magtatanggol sa akin.
Sino ang makapagpapatunay na ako ay may sala?
Mawawalang lahat ang nagbibintang sa akin,
tulad ng damit na nginatngat ng insekto.
10 Kayong lahat na may paggalang kay Yahweh,
at sumusunod sa utos ng kanyang lingkod,
maaaring ang landas ninyo ay maging madilim,
gayunma'y magtiwala kayo at umasa
sa kapangyarihan ng Diyos na si Yahweh.
11 Kayo namang nagbabalak magpahamak sa iba
ang siyang magdurusa sa inyong binabalak.
Kahabag-habag ang sasapitin ninyo
sapagkat si Yahweh ang gagawa nito.
Isaias 50
Ang Biblia, 2001
50 Ganito ang sabi ng Panginoon:
“Nasaan ang sulat ng pagkakahiwalay ng iyong ina,
na aking ipinaghiwalay sa kanya?
O kanino sa mga nagpapautang sa akin ipinagbili kita?
Narito, dahil sa inyong mga kasamaan ay ipinagbili kayo,
at dahil sa inyong mga pagsuway ay inilayo ang ina ninyo.
2 Bakit nang ako'y pumarito ay walang tao?
Nang ako'y tumawag, bakit walang sumagot?
Naging maikli na ba ang aking kamay, anupa't hindi makatubos?
O wala akong kapangyarihang makapagligtas?
Narito, sa saway ko ay aking tinutuyo ang dagat,
aking ginawang ilang ang mga ilog.
Ang kanilang isda ay bumabaho sapagkat walang tubig,
at namamatay dahil sa uhaw.
3 Aking binibihisan ng kaitiman ang langit,
at aking ginagawang damit-sako ang kanyang panakip.”
Ang Pagsunod ng Lingkod ng Diyos
4 Binigyan ako ng Panginoong Diyos
ng dila ng mga naturuan,
upang aking malaman kung paanong aalalayan
ng mga salita ang nanlulupaypay.
Siya'y nagigising tuwing umaga,
ginigising niya ang aking pandinig
upang makinig na gaya ng mga naturuan.
5 Binuksan ng Panginoong Diyos ang aking pandinig,
at ako'y hindi naging mapaghimagsik,
o tumalikod man.
6 Iniharap(A) ko ang aking likod sa mga tagahampas,
at ang aking mga pisngi sa mga bumunot ng balbas;
hindi ko ikinubli ang aking mukha
sa kahihiyan at sa paglura.
7 Sapagkat tinulungan ako ng Panginoong Diyos;
kaya't hindi ako napahiya;
kaya't inilagay ko ang aking mukha na parang batong kiskisan,
at alam ko na hindi ako mapapahiya.
8 Siya(B) na magpapawalang-sala sa akin ay malapit.
Sinong makikipaglaban sa akin?
Tayo'y tumayong magkakasama.
Sino ang aking kaaway?
Bayaang lumapit siya sa akin.
9 Narito, tinutulungan ako ng Panginoong Diyos;
sino ang magsasabi na ako ay nagkasala?
Tingnan mo, silang lahat ay malulumang parang bihisan;
lalamunin sila ng tanga.
10 Sino sa inyo ang natatakot sa Panginoon,
na sumusunod sa tinig ng kanyang lingkod,
na lumalakad sa kadiliman,
at walang liwanag?
Magtiwala siya sa pangalan ng Panginoon,
at umasa sa kanyang Diyos.
11 Narito, kayong lahat na nagpapaningas ng apoy,
na nagsisindi ng mga suló!
Lumakad kayo sa liyab ng inyong apoy,
at sa gitna ng mga suló na inyong sinindihan!
Ito ang makakamit ninyo sa aking kamay:
kayo'y hihiga sa pagpapahirap.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.
