Isaias 27
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon)
Ililigtas ang Israel
27 Sa(A) araw na iyon, gagamitin ni Yahweh
ang kanyang malupit at matalim na espada;
paparusahan niya ang Leviatan,[a] ang tumatakas na dragon,
at papatayin niya ang halimaw na nakatira sa dagat.
2 Sa araw na iyon,
sasabihin niya sa kanyang mainam na ubasan,
3 “Akong si Yahweh ang nag-aalaga ng ubasang ito
na dinidilig bawat sandali,
at binabantayan ko araw at gabi
upang walang manira.
4 Hindi na ako galit sa aking ubasan,
ngunit sa sandaling may makita akong mga tinik,
ang mga ito'y titipunin ko
at saka susunugin.
5 Ngunit kung nais nilang sila'y aking ingatan,
ang dapat nilang gawin, makipagkasundo sa akin.
6 Darating ang araw na mag-uugat ang lahi ni Jacob,
mamumulaklak ang Israel, magbubunga ng marami
at mapupuno ang buong daigdig.
7 Pinarusahan ba ng Diyos ang Israel gaya ng ginawa sa mga kaaway nito?
Pinatay ba niya ang mga Israelita tulad ng ginawa sa pumaslang sa kanila?
8 Hinayaan ni Yahweh na mabihag ang kanyang bayan bilang parusa;
tinangay sila ng malakas na hangin buhat sa silangan.
9 Patatawarin lang sila kung wawasakin nila ang mga altar
at itatapon ang larawan ng diyus-diyosang si Ashera,
at dudurugin ang altar na sunugan ng insenso.
10 Wasak na ang lunsod na siyang tanggulan,
para itong disyerto na walang nakatira,
at ginawang pastulan na lamang ng mga baka.
11 Nabali at natuyo ang mga sanga ng punongkahoy,
pupulutin naman ng mga babae at gagawing panggatong.
Sapagkat ang bayang ito'y walang pagkaunawa,
kaya hindi sila kahahabagan ng Diyos na kanilang Manlilikha.
12 Sa araw na iyon ay titipunin ni Yahweh,
ang mga Israelita gaya ng inaning trigo;
mula sa Ilog Eufrates hanggang sa hangganan ng Egipto.
13 Pagtunog ng trumpeta, tatawagin pabalik sa Jerusalem,
ang mga Israelitang nangalat sa Asiria at Egipto
upang sambahin nila si Yahweh sa banal na bundok sa Jerusalem.
Footnotes
- 1 LEVIATAN: Isang mala-alamat na dambuhalang halimaw sa karagatan na sumisimbolo sa kaguluhan at kasamaan.
Isaias 27
Ang Biblia (1978)
Ang ubasan ng Panginoon.
27 (A)Sa araw na yaon ay parurusahan ng Panginoon, ng kaniyang matigas at malaki at matibay na tabak (B)ang leviatan na maliksing ahas, at ang leviatan na lumilikaw na ahas, at kaniyang papatayin (C)ang buwaya na nasa dagat.
2 Sa araw na yaon: (D)Awitin ninyo sa kaniya ang tungkol sa isang (E)ubasang pinagkunan ng alak.
3 Akong Panginoon ang nagiingat; aking didiligin (F)tuwituwina: baka saktan ng sinoman, aking iingatan gabi't araw.
4 Kagalitan ay hindi sumasa akin: kung (G)makipagbaka sana ang mga dawag at mga tinik laban sa akin! akin yaong yayapakan, aking susunuging magkakasama.
5 O manghawak sana siya sa (H)aking lakas, upang siya'y makipagpayapaan sa akin; oo, makipagpayapaan siya sa akin.
6 Sa mga araw na darating ay (I)maguugat ang Jacob; ang Israel ay mamumulaklak at magbubuko: at pupunuin nila ng bunga ang ibabaw ng sanglibutan.
7 Sinaktan baga niya siya na gaya ng pagsakit niya sa mga yaon, na nanakit sa kaniya? o pinatay siya ng ayon sa pagpatay nila, na napatay niya?
8 Sa sukat, pagka iyong pinayayaon siya, ikaw ay nakikipagtalo sa kaniya; kaniyang binago siya ng kaniyang pagispis na hihip sa kaarawan ng silanganang hangin.
9 Kaya't sa pamamagitan nito ay malilinis ang kasamaan ng Jacob, at ito ang buong bunga ng pagaalis ng kaniyang kasalanan: pagka kaniyang ginagawa ang mga bato ng dambana na gaya ng mga malambot na batong naluluray upang (J)ang mga Asera at ang mga larawang araw ay hindi na matatayo.
10 Sapagka't ang bayang nakukutaan ay nagiisa, isang tahanang (K)pinabayaan at iniwanan gaya ng ilang: doon manginginain ang guya, at doon hihiga, at kakainin ang mga sanga niyaon.
11 Pagka ang mga sanga niyaon ay nangatuyo, babaliin; paroroonan ng mga babae at igagatong sa apoy: (L)sapagka't bayan na walang unawa; kaya't ang gumawa (M)sa kanila ay hindi magdadalang habag sa kanila, at ang naganyo sa kanila ay hindi magpapakita sa kanila ng lingap.
12 At mangyayari sa araw na yaon, na lalagasin ng Panginoon ang bunga niyaon mula sa agos (N)ng ilog (O)hanggang sa batis ng Egipto, at kayo'y mapipisang isa isa, Oh kayong mga anak ni Israel.
13 At mangyayari sa araw na yaon, (P)na ang malaking pakakak ay hihipan; at silang nangapapahamak sa lupain ng Asiria ay magsisiparito, at (Q)silang mga tapon sa lupain ng Egipto; (R)at sila'y magsisisamba sa Panginoon sa banal na bundok ng Jerusalem.
Isaias 27
Ang Biblia, 2001
Ililigtas ang Israel
27 Sa(A) araw na iyon ay parurusahan ng Panginoon, ng kanyang matigas, malaki, at matibay na tabak ang leviatan na tumatakas na ahas, ang leviatan na pumupulupot na ahas, at kanyang papatayin ang dambuhala na nasa dagat.
2 Sa araw na iyon:
“Isang magandang ubasan, umawit kayo tungkol doon!
3 Akong Panginoon ang siyang nag-aalaga,
bawat sandali ay dinidilig ko iyon.
Baka saktan ng sinuman,
aking binabantayan ito gabi't araw.
4 Wala akong galit.
Kung mayroon sana akong mga dawag at mga tinik para makipaglaban!
Ako'y hahayo laban sa kanila, sama-sama ko silang susunugin.
5 O kung hindi ay kumapit sila sa akin upang mapangalagaan,
makipagpayapaan sila sa akin,
makipagpayapaan sila sa akin.”
6 Sa mga araw na darating ay mag-uugat ang Jacob,
ang Israel ay uusbong at mamumulaklak
at pupunuin nila ng bunga ang buong sanlibutan.
7 Kanya bang sinaktan siya na gaya ng pananakit niya sa mga nanakit sa kanila?
O pinatay ba sila na gaya ng pagpatay sa mga pumatay sa kanila?
8 Sa pamamagitan ng pagpapalayas, sa pamamagitan ng pagkabihag ay nakipagtunggali ka laban sa kanila,
kanyang inalis siya ng kanyang malakas na ihip sa araw ng hangin mula sa silangan.
9 Kaya't sa pamamagitan nito ay mapagbabayaran ang pagkakasala ng Jacob,
at ito ang buong bunga ng pag-aalis ng kanyang kasalanan:
kapag kanyang pinagdurug-durog na gaya ng batong tisa
ang lahat ng mga bato ng dambana,
walang Ashera o dambana ng insenso ang mananatiling nakatayo.
10 Sapagkat ang lunsod na may kuta ay nag-iisa,
isang tahanang pinabayaan at iniwanan gaya ng ilang.
Doon manginginain ang guya,
doo'y humihiga siya, at babalatan ang mga sanga niyon.
11 Kapag ang mga sanga niyon ay natuyo, ang mga iyon ay babaliin;
darating ang mga babae at gagawa ng apoy mula sa mga iyon.
Sapagkat ito ay isang bayan na walang unawa;
kaya't ang gumawa sa kanila ay hindi mahahabag sa kanila,
siya na humubog sa kanila ay hindi magpapakita sa kanila ng lingap.
12 Sa araw na iyon, mula sa Ilog Eufrates hanggang sa batis ng Ehipto, gigiikin ng Panginoon ang bunga niyon, at kayo'y titipuning isa-isa, O kayong mga anak ni Israel.
13 At sa araw na iyon, ang malaking trumpeta ay hihipan; at silang nawala sa lupain ng Asiria, at silang mga itinaboy sa lupain ng Ehipto ay darating upang sumamba sa Panginoon sa banal na bundok sa Jerusalem.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.
