Add parallel Print Page Options

Ang Pista ng Paskwa

12 Sinabi(A) ni Yahweh kina Moises at Aaron sa Egipto, “Mula ngayon, ang buwang ito ang siyang magiging unang buwan ng taon para sa inyo. At sabihin ninyo sa buong sambayanan ng Israel na sa ikasampung araw ng buwang ito, bawat pamilya ay pipili ng isang tupa o batang kambing para sa kanila. Kung maliit ang pamilya at hindi makakaubos ng isang buong tupa, magsasalo sila ng malapit na kapitbahay, na hindi rin makakaubos ng isang buo. Ang dami ng magsasalu-salo sa isang tupa ay ibabatay sa dami ng makakain ng bawat isa. Kailangang lalaki ang tupa o ang kambing, isang taóng gulang, walang kapintasan. Aalagaan ito hanggang sa ikalabing apat ng buwan at sa kinagabihan, sabay-sabay na papatayin ng buong bayan ang kani-kanilang inalagaang hayop. Kukuha sila ng dugo nito at ipapahid sa magkabilang poste at itaas ng pintuan ng bahay na kakainan ng kinatay na hayop. Sa gabi ring iyon, lilitsunin ito at kakaining kasama ng tinapay na walang pampaalsa at ng mapapait na gulay. Huwag ninyong kakainin nang hilaw o nilaga ang hayop; kundi lilitsunin ninyo ito nang buo, kasama ang ulo, ang mga pata at ang laman-loob. 10 Huwag kayong magtitira para sa kinabukasan. Kung may matira, kailangang sunugin kinaumagahan. 11 Kapag kakainin na ninyo ito, dapat nakabihis na kayo, nakasandalyas at may hawak na tungkod. Magmadali kayo sa pagkain nito. Ito ang Paskwa ni Yahweh.

12 “Sa gabing iyon, lilibutin ko ang buong Egipto at papatayin ang lahat ng panganay na lalaki, maging tao man o hayop. At paparusahan ko ang lahat ng diyus-diyosan sa Egipto. Ako si Yahweh. 13 Dugo ang magsisilbing palatandaan ng mga bahay na inyong tinitirhan. Lahat ng bahay na makita kong may pahid ng dugo ay lalampasan ko, at walang pinsalang mangyayari sa inyo habang pinaparusahan ko ang buong Egipto. 14 Ang(B) araw na ito'y ipagdiriwang ninyo sa lahat ng inyong salinlahi bilang pista ni Yahweh. Sa pamamagitan nito'y maaalala ninyo ang aking ginawa.

Ang Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa

15 “Pitong araw kayong kakain ng tinapay na walang pampaalsa. Sa unang araw pa lamang, aalisin ninyo sa inyong tahanan ang lahat ng pampaalsa, sapagkat ititiwalag ang sinumang kumain ng tinapay na may pampaalsa sa loob ng pitong araw na iyon. 16 Sa una at ikapitong araw ay magtitipun-tipon kayo upang sumamba. Sa loob ng dalawang araw na ito ay walang gagawa ng anuman liban sa paghahanda ng pagkain. 17 Ang pagdiriwang ng Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa ay gaganapin ninyo taun-taon sapagkat sa araw na ito, inilabas ko sa Egipto ang inyong mga lipi. Ito'y gagawin ninyo sa habang panahon ng inyong mga salinlahi. 18 Tinapay na walang pampaalsa ang inyong kakainin simula sa gabi ng ikalabing apat na araw hanggang sa gabi ng ikadalawampu't isa ng unang buwan ng taon. 19 Sa loob ng pitong araw, hindi dapat magkaroon ng pampaalsa sa inyong mga bahay. Ititiwalag sa sambayanan ng Israel ang sinumang kumain ng tinapay na may pampaalsa, maging siya'y dayuhan o purong Israelita. 20 Saanman kayo naroroon, huwag kayong kakain ng tinapay na may pampaalsa tuwing ganitong panahon. Ang kakainin ninyo'y tinapay na walang pampaalsa.”

Ang Unang Paskwa

21 Tinawag nga ni Moises ang mga pinuno ng Israel at sinabi sa kanila, “Pumili kayo ng isang tupa para sa inyong sari-sariling pamilya at katayin ninyo ito para sa Paskwa. 22 Kumuha kayo ng sanga ng halamang hisopo, basain ito ng dugo ng tupa at ipahid sa magkabilang poste at itaas ng inyong pintuan. At isa man sa inyo ay huwag lalabas ng bahay hanggang kinabukasan. 23 Sa(C) gabing iyon, lilibutin ni Yahweh ang buong Egipto at papatayin ang mga Egipcio. Lahat ng bahay na makita niyang may pahid na dugo sa magkabilang poste at itaas ng pintuan ay hindi niya hahayaang pasukin ng Anghel ng Kamatayan. 24 Sundin ninyo ang mga tuntuning ito at palagiang ganapin, pati ng inyong mga anak. 25 Patuloy ninyong ganapin ito maging sa lupaing ipinangako sa inyo ni Yahweh. 26 Kapag itinanong ng inyong mga anak kung bakit ninyo ginagawa ito, 27 sabihin ninyong ito'y pag-aalaala sa Paskwa ni Yahweh nang lampasan niya ang bahay ng mga Israelita at patayin niya ang mga Egipcio.”

Nang masabi ito ni Moises, yumuko ang buong bayan at sumamba sa Diyos. 28 Pagkatapos, umuwi na sila at isinagawa ang iniutos ni Yahweh sa pamamagitan nina Moises at Aaron.

Ang Huling Salot: Namatay ang Lahat ng Panganay

29 Nang(D) hating-gabing iyon, pinatay ni Yahweh ang lahat ng panganay na lalaki sa buong Egipto, mula sa panganay ng Faraon at tagapagmana ng trono, hanggang sa anak ng bilanggong nasa piitan; namatay din ang panganay ng mga hayop. 30 Nang gabing iyon, nagising ang Faraon, ang kanyang mga tauhan at lahat ng Egipcio, at nagkaroon ng napakalakas na iyakan sa buong Egipto, sapagkat lahat ng bahay ay namatayan ng panganay na lalaki. 31 Nang gabi ring iyo'y ipinatawag ng Faraon sina Moises at Aaron at kanyang sinabi, “Sige, umalis na kayo sa Egipto! Lumakad na kayo at sumamba kay Yahweh tulad ng hinihiling ninyo. 32 Dalhin na ninyo pati inyong mga tupa, kambing at baka. Umalis na kayo at ipanalangin din ninyo ako.”

33 Inapura sila ng mga Egipcio at sinabi sa kanila, “Mamamatay kaming lahat kapag hindi pa kayo umalis dito.” 34 Kaya, binalot nila ng damit ang minamasang harina na di na nalagyan ng pampaalsa, ni alisin sa sisidlan; pinasan nila iyon at umalis. 35 Noo'y(E) nahingi na nila sa mga Egipcio ang mga alahas na pilak at ginto at mga damit, tulad ng iniutos sa kanila ni Moises. 36 Ibinigay ng mga Egipcio ang anumang hingin ng mga Israelita sapagkat niloob na ni Yahweh na sila'y igalang ng mga ito. Sa ganitong paraan, nasamsam nila ang kayamanan ng mga Egipcio.

Ang Pag-alis ng mga Israelita sa Egipto

37 Mula sa Rameses, naglakbay ang mga Israelita patungong Sucot; humigit-kumulang sa animnaraang libo ang mga lalaki bukod pa sa mga babae at mga bata. 38 Maraming hindi Israelita ang sumama sa kanila; marami rin silang dalang tupa, kambing at baka. 39 At niluto nila ang dala nilang gagawing tinapay na wala pang pampaalsa. Hindi nila ito nakuhang lagyan pa ng pampaalsa sapagkat apurahan ang kanilang pag-alis sa Egipto; wala na silang panahong magluto ng pagkain.

40 Nanirahan(F) ang mga Israelita sa Egipto nang 430 taon. 41 Huling araw ng ika-430 taon nang umalis sa Egipto ang lahat ng lipi ng bayan ni Yahweh. 42 Nang gabing iyon sila iniligtas ni Yahweh at inilabas sa Egipto, kaya ang gabing iyon ay itinalaga nila sa pag-aalaala sa pagliligtas sa kanila ni Yahweh. Ang pag-aalaalang iyon ay patuloy nilang gagawin habang panahon.

Ang mga Tuntunin tungkol sa Paskwa

43 Sinabi ni Yahweh kina Moises at Aaron, “Ito ang mga tuntunin tungkol sa Paskwa: Bawal kumain nito ang mga dayuhan; 44 ngunit ang alilang binili ninyo ay maaaring pakainin nito kung siya ay tuli na. 45 Hindi rin maaaring kumain nito ang mga dayuhang nakikipanuluyan lamang sa inyo, o kaya'y ang mga upahang manggagawa. 46 Ang(G) korderong pampaskwa ay dapat kainin sa loob ng bahay na pinaglutuan nito. Huwag ilalabas kahit kapiraso nito at huwag ding babaliin kahit isang buto. 47 Ang Pista ng Paskwa ay ipagdiriwang ng buong Israel. 48 Lahat ng dayuhang nakikipamayan sa inyo na gustong makipagdiwang sa Paskwa ay kailangang tuliin muna pati ang kanyang mga anak na lalaki bago pasalihin sa pagdiriwang. Sa gayo'y ituturing silang katutubong Israelita. Huwag hahayaang kumain nito ang sinumang hindi tuli. 49 Lahat ay saklaw ng mga tuntuning ito, maging siya'y katutubong Israelita o dayuhan.” 50 Sinunod ng lahat ng mga Israelita ang iniutos ni Yahweh kina Moises at Aaron. 51 Nang araw na iyon, inilabas ni Yahweh sa Egipto ang mga Israelita na nakahanay ayon sa kani-kanilang lipi.

12 At ang Panginoon ay nagsalita kay Moises at kay Aaron sa lupain ng Egipto, na sinasabi,

Ang buwang ito'y magiging sa inyo'y pasimula ng mga buwan: siyang magiging unang buwan ng taon sa inyo.

Salitain ninyo sa buong kapisanan ng Israel na inyong sabihin: Sa ikasangpung araw ng buwang ito ay magsisikuha sila sa ganang kanila, bawa't lalake, ng isang kordero, ayon sa mga sangbahayan ng kanikanilang mga magulang, isang kordero sa bawa't sangbahayan:

At kung ang sangbahayan ay napakakaunti upang kumain ng isang kordero, ay siya nga at ang kaniyang malapit na kapitbahay ay magsasalosalo sa isa ayon sa bilang ng mga tao; ayon sa bawa't tao na kumakain gagawin ninyo ang pagbilang, sa kordero.

Ang inyong korderong pipiliin ay yaong walang kapintasan, isang lalake, na iisahing taon: inyong kukunin sa mga tupa, o sa mga kambing:

At inyong aalagaan hanggang sa ikalabing apat na araw ng buwang ito, at papatayin ng buong kapulungan ng kapisanan ng Israel, sa paglubog ng araw.

At kukuha sila ng dugo niyan, at ilalagay sa dalawang haligi ng pinto at sa itaas ng pintuan, sa mga bahay na kanilang kakainan.

At kanilang kakanin ang laman sa gabing yaon, na inihaw sa apoy, at tinapay na walang lebadura, kakanin nilang kaulam ng mapapait na gulay.

Huwag ninyong kaning hilaw, o luto man sa tubig, kundi inihaw sa apoy; ang kaniyang ulo pati ng kaniyang mga paa at pati ng kaniyang mga lamang loob.

10 At huwag kayong magtitira ng anoman niyaon hanggang sa kinaumagahan; kundi yaong matitira niyaon sa kinaumagahan ay inyong susunugin sa apoy.

11 At ganito ninyo kakanin; may bigkis ang inyong baywang, ang inyong mga pangyapak ay nakasuot sa inyong mga paa, at ang inyong tungkod ay tangnan ninyo sa inyong kamay; at inyong kakaning dalidali; siyang paskua ng Panginoon.

12 Sapagka't ako'y dadaan sa lupain ng Egipto sa gabing yaon, at aking lilipulin ang lahat ng mga panganay sa lupain ng Egipto, maging tao at maging hayop; at gagawa ako ng kahatulan laban sa lahat ng mga dios sa Egipto, ako ang Panginoon.

13 At ang dugo ay magiging sa inyo'y isang tanda sa mga bahay na inyong kinaroroonan: at pagka aking nakita ang dugo, ay lalampasan ko kayo, at walang salot na sasainyo, na papatay sa inyo, pananakit ko sa lupaing Egipto.

14 At ang araw na ito'y magiging sa inyo'y isang alaala, at inyong ipagdidiwang na pinakapista sa Panginoon; sa buong panahon ng inyong lahi ay inyong ipagdidiwang na pinakapista na bilang tuntunin magpakailan man.

15 Pitong araw na kakain kayo ng tinapay na walang lebadura; sa unang araw ay inyong ihihiwalay sa inyong mga bahay ang lebadura; sapagka't sinomang kumain ng tinapay na may lebadura mula sa unang araw hanggang sa ikapitong araw ay ihihiwalay sa Israel, ang taong yaon.

16 At sa unang araw ay magkakaroon kayo ng isang banal na pagkakatipon at sa ikapitong araw man ay magkakaroon ding kayo ng isang banal na pagkakatipon; walang anomang gawa na gagawin sa mga araw na iyan, liban na yaong nararapat kanin ng bawa't tao, na siya lamang maaaring gawin ninyo.

17 At iyong ipangingilin ang pista ng tinapay na walang lebadura; sapagka't sa araw ring ito kinuha ko ang inyong mga hukbo sa lupain ng Egipto: kaya't inyong ipangingilin ang araw na ito sa buong panahon ng inyong lahi, na bilang tuntunin magpakailan man.

18 Sa unang buwan ng ikalabing apat na araw ng buwan sa paglubog ng araw ay kakain kayo ng tinapay na walang lebadura, hanggang sa ikadalawang pu't isang araw ng buwan, sa paglubog ng araw.

19 Pitong araw, na walang masusumpungang lebadura sa inyong mga bahay: sapagka't sinomang kumain niyaong may lebadura, ay ihihiwalay sa kapisanan ng Israel, ang taong yaon, maging taga ibang lupa, o maging ipinanganak sa lupain.

20 Huwag kayong kakain ng anomang bagay na may lebadura; sa lahat ng inyong mga tahanan ay kakain kayo ng tinapay na walang lebadura.

21 Nang magkagayo'y ipinatawag ni Moises ang lahat ng matanda sa Israel, at sinabi sa kanila, Kayo'y lumabas at kumuha kayo ng mga kordero ayon sa inyo-inyong sangbahayan, at magpatay kayo ng kordero ng paskua.

22 At kayo'y kukuha ng isang bigkis na hisopo, at inyong babasain sa dugo, na nasa palanggana, at inyong papahiran ng dugo na nasa palanggana, ang itaas ng pinto at ang dalawang haligi ng pinto: at sinoman sa inyo ay huwag lalabas sa pinto ng kaniyang bahay hanggang sa kinaumagahan.

23 Sapagka't ang Panginoon ay daraan upang sugatan ang mga Egipcio; at pagkakita niya ng dugo sa itaas ng pinto at sa dalawang haligi ng pinto, ay lalampasan ng Panginoon ang pintong yaon, at hindi niya papayagan ang manunugat ay pumasok sa inyong mga bahay na sugatan kayo.

24 At inyong ipangingilin ang bagay na ito, na pinakatuntunin sa iyo at sa iyong mga anak magpakailan man.

25 At mangyayaring pagdating ninyo sa lupain na ibibigay sa inyo ng Panginoon, gaya ng kaniyang ipinangako, ay inyong tutuparin ang paglilingkod na ito.

26 At mangyayaring pagsasabi sa inyo ng inyong mga anak: Anong ibig ninyong sabihin sa paglilingkod na ito?

27 Na inyong sasabihin: Siyang paghahain sa paskua ng Panginoon, na kaniyang nilampasan ang mga bahay ng mga anak ni Israel sa Egipto, nang kaniyang sugatan ang mga Egipcio, at iniligtas ang aming mga sangbahayan. At ang bayan ay nagyukod ng ulo at sumamba.

28 At ang mga anak ni Israel ay yumaon at ginawang gayon; kung paanong iniutos ng Panginoon kay Moises at kay Aaron, ay gayong ginawa nila.

29 At nangyari sa hating gabi, na nilipol ng Panginoon ang lahat ng mga panganay sa lupain ng Egipto, mula sa panganay ni Faraon na nakaluklok sa kaniyang luklukan, hanggang sa panganay ng bilanggo na nasa bilangguan; at lahat ng panganay sa mga hayop.

30 At si Faraon ay bumangon sa kinagabihan, siya at lahat ng kaniyang mga lingkod, at lahat ng mga Egipcio, at nagkaroon ng isang malakas na hiyawan sa Egipto; sapagka't walang bahay na di mayroong isang patay.

31 At kaniyang tinawag si Moises at si Aaron sa kinagabihan, at sinabi, Kayo'y bumangon, umalis kayo sa gitna ng aking bayan kayo at sangpu ng mga anak ni Israel; at kayo'y yumaong maglingkod sa Panginoon, gaya ng inyong sinabi.

32 Dalhin ninyo kapuwa ang inyong mga kawan at ang inyong mga bakahan, gaya ng inyong sinabi, at kayo'y yumaon: at pagpalain din naman ninyo ako.

33 At pinapagmadali ng mga Egipcio, ang bayan, na madaliang pinaalis sila sa lupain; sapagka't kanilang sinabi, Kaming lahat ay patay na.

34 At dinala ng bayan ang kanilang masa bago humilab, na nababalot ang kanilang mga masa sa kanikanilang damit sa ibabaw ng kanikanilang balikat.

35 At ginawa ng mga anak ni Israel ayon sa salita ni Moises; at sila'y humingi sa mga Egipcio ng mga hiyas na pilak, at mga hiyas na ginto, at mga damit:

36 At pinagbiyayaan ng Panginoon ang bayan sa paningin ng mga Egipcio, ano pa't ibinigay sa kanila anomang hingin nila. At kanilang hinubaran ang mga Egipcio.

37 At ang angkan ni Israel ay naglakbay mula sa Rameses hanggang sa Succoth, na may anim na raang libong lalake na naglakad, bukod pa ang mga bata.

38 At isang karamihang samasama ang sumampa rin namang kasabay nila; at mga kawan, at mga bakahan, na napakaraming hayop.

39 At kanilang nilutong mga munting tinapay na walang lebadura ang masa na kanilang kinuha sa Egipto, sapagka't hindi pa humihilab, sapagka't sila'y itinaboy sa Egipto, at hindi sila nakatigil o nakapaghanda man ng anomang pagkain.

40 Ang pakikipamayan nga ng mga anak ni Israel, na ipinakipamayan nila sa Egipto, ay apat na raan at tatlong pung taon.

41 At nangyari sa katapusan ng apat na raan at tatlong pung taon, ng araw ding yaon ay nangyari, na ang lahat ng mga hukbo ng Panginoon ay umalis sa lupain ng Egipto.

42 Ito ay isang gabing pangingilin sa Panginoon dahil sa paglalabas niya sa kanila sa lupain ng Egipto: ito ay yaong gabi ng Panginoon na ipangingilin ng lahat ng mga anak ni Israel sa buong panahon ng kanilang lahi.

43 At sinabi ng Panginoon kay Moises at kay Aaron, Ito ang tuntunin sa paskua: walang sinomang taga ibang lupa na kakain niyaon:

44 Datapuwa't ang alipin ng bawa't lalake na nabili ng salapi, pagkatuli sa kaniya'y makakakain nga niyaon.

45 Ang nakikipamayan at ang alilang binabayaran ay hindi kakain niyaon.

46 Sa isang bahay kakanin; huwag kang magdadala ng laman sa labas ng bahay, ni sisira kayo ng kahit isang buto niyaon.

47 Ipangingilin ng buong kapisanan ng Israel.

48 At pagka ang isang taga ibang lupa ay makikipamayan kasama mo, at mangingilin ng paskua sa Panginoon, ay tuliin lahat ang kaniyang mga lalake at saka siya lumapit at ipangilin: at siya'y magiging parang ipinanganak sa lupain ninyo; datapuwa't sinomang di tuli ay hindi makakakain niyaon.

49 Isang kautusan magkakaroon sa ipinanganak sa lupain, at sa taga ibang bayan na nakikipamayang kasama ninyo.

50 Gayon ginawa ng lahat ng mga anak ni Israel; kung paanong iniutos ng Panginoon kay Moises at kay Aaron, gayon nila ginawa.

51 At nangyari nang araw ding yaon, na kinuha ng Panginoon ang mga anak ni Israel sa lupain ng Egipto, ayon sa kanilang mga hukbo.

'Exodo 12 ' not found for the version: Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version.