Deuteronomio 4:44-5:21
Ang Biblia (1978)
Pinagtibay na muli ang utos.
44 At ito ang kautusang sinalaysay ni Moises sa harap ng mga anak ni Israel:
45 Ito ang mga patotoo, at ang mga palatuntunan, at ang mga kahatulan, na sinalita ni Moises sa mga anak ni Israel, nang sila'y lumabas sa Egipto;
46 Sa dako pa roon ng Jordan, (A)sa libis na nasa tapat ng Beth-peor, sa lupain ni Sehon na hari ng mga Amorrheo na tumatahan sa Hesbon, (B)na siyang sinaktan ni Moises at ng mga anak ni Israel, nang sila'y umalis sa Egipto;
47 At kanilang sinakop ang kaniyang lupain na pinakaari, (C)at ang lupain ni Og na hari sa Basan, ang dalawang hari ng mga Amorrheo, na nangasa dako pa roon ng Jordan sa dakong sinisikatan ng araw;
48 (D)Mula sa Aroer na nasa hangganan ng libis ng Arnon, hanggang sa bundok ng Sion (na siya ring (E)Hermon),
49 At ang buong Araba sa dako roon ng Jordan sa dakong silanganan, hanggang sa dagat ng Araba sa ibaba ng gulod ng Pisga.
Ang sangpung utos na ibinigay sa Horeb. Ang takot ng tao sa Sinai.
5 At tinawag ni Moises ang buong Israel, at sinabi sa kanila, Dinggin mo, Oh Israel, ang mga palatuntunan at mga kahatulan na aking sinalita sa inyong mga pakinig sa araw na ito, upang matutunan ninyo sila, at ingatan at isagawa sila.
2 (F)Ang Panginoong ating Dios ay nakipagtipan sa atin sa Horeb.
3 (G)Hindi pinagtibay ng Panginoon ang tipang ito sa ating mga magulang, kundi sa atin, sa atin ngang nangariritong lahat na buháy sa araw na ito.
4 (H)Sinalita ng Panginoon sa inyo ng mukhaan sa bundok mula sa gitna ng apoy
5 (I)(Ako'y tumayo sa pagitan ng Panginoon at ninyo nang panahong yaon, upang ipatalastas sa inyo ang salita ng Panginoon: sapagka't (J)kayo'y natatakot dahil sa apoy, at hindi kayo sumampa sa bundok;) na sinasabi,
6 (K)Ako ang Panginoon mong Dios na naglabas sa iyo sa lupain ng Egipto, sa bahay ng pagkaalipin.
7 Huwag kang magkakaroon ng ibang mga Dios sa harap ko.
8 Huwag kang gagawa para sa iyo ng larawang inanyuan na kawangis ng anomang anyong nasa itaas sa langit, o ng nasa ibaba sa lupa, o ng nasa tubig sa ilalim ng lupa:
9 Huwag mong yuyukuran sila o paglilingkuran man sila: sapagka't akong Panginoon mong Dios ay mapanibughuing Dios, na aking dinadalaw ang kasamaan ng mga magulang sa mga anak, sa ikatlo at sa ikaapat na salin ng nangapopoot sa akin;
10 At (L)pinagpapakitaan ko ng kaawaan ang libolibong umiibig sa akin at tumutupad ng aking mga utos.
11 Huwag mong babanggitin ang pangalan ng Panginoon mong Dios sa walang kabuluhan; sapagka't hindi aariin ng Panginoon na walang sala ang bumanggit ng kaniyang pangalan sa walang kabuluhan.
12 Iyong ipagdiwang ang araw ng sabbath, upang ipangilin, gaya ng iniuutos sa iyo ng Panginoon mong Dios.
13 Anim na araw na gagawa ka, at iyong gagawin ang lahat ng iyong gawain:
14 Nguni't ang ikapitong araw ay (M)sabbath sa Panginoon mong Dios: sa araw na iyan ay huwag kang gagawa ng anomang gawa, ikaw, ni ang iyong anak na lalake ni babae, ni ang iyong aliping lalake ni babae, ni ang iyong baka, ni ang iyong asno, ni anoman sa iyong hayop, ni ang iyong taga ibang lupa na nasa loob ng iyong mga pintuang-daan; upang ang iyong aliping lalake at babae ay makapagpahingang gaya mo.
15 (N)At iyong aalalahanin na ikaw ay naging alipin sa lupain ng Egipto, at ikaw ay inilabas ng Panginoon mong Dios doon sa pamamagitan ng isang (O)makapangyarihang kamay at unat na bisig: kaya't iniutos sa iyo ng Panginoon mong Dios, na ipangilin mo ang araw ng sabbath.
16 Igalang mo ang iyong ama at ang iyong ina, gaya ng iniutos sa iyo ng Panginoon mong Dios: (P)upang ang iyong mga araw ay lumawig at upang ikabuti mo sa lupain na ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Dios.
17 Huwag kang papatay.
18 (Q)Ni mangangalunya.
19 Ni magnanakaw.
20 Ni sasaksi sa di katotohanan laban sa iyong kapuwa.
21 Ni huwag mong iimbutin ang asawa ng iyong kapuwa; ni huwag mong pagnanasaan ang bahay ng iyong kapuwa, ang kaniyang bukid, ni ang kaniyang aliping lalake, o babae, ni ang kaniyang baka, ni ang kaniyang asno, ni anomang bagay ng iyong kapuwa.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978