Add parallel Print Page Options

Mangingibig

Napakaganda ng iyong mga paa sa mga sandalyas
    O mala-reynang babae!
Ang mga bilugan mong hita ay gaya ng mga hiyas,
    na gawa ng bihasang kamay.
Ang iyong pusod ay gaya ng bilog na mangkok,
    na hindi nawawalan ng alak na may halo.
Ang iyong tiyan ay bunton ng trigo,
    na napapaligiran ng mga liryo.
Ang iyong dalawang suso ay gaya ng dalawang batang usa,
    na mga kambal ng inahing usa.
Ang iyong leeg ay gaya ng toreng garing.
Ang iyong mga mata ay gaya ng mga tipunan ng tubig sa Hesbon,
    sa tabi ng pintuang-bayan ng Batrabbim.
Ang iyong ilong ay gaya ng tore ng Lebanon
    na nakatanaw sa Damasco.
Pinuputungan ka ng iyong ulo gaya ng Carmel,
    at ang umaalon mong buhok ay gaya ng kulay ube;
    ang hari ay nabibihag sa mga tirintas niyon.

Napakaganda at kaaya-aya ka!
    O minamahal, kaakit-akit na dalaga!
Ikaw ay magilas na parang puno ng palma,
    at ang iyong mga suso ay tulad ng mga kumpol nito.
Sinasabi kong ako'y aakyat sa puno ng palma,
    at hahawak sa mga sanga niyon.
Ang iyong mga suso sana ay maging gaya ng mga buwig ng puno ng ubas,
    at ang bango ng iyong hininga ay gaya ng mga mansanas,
at ang iyong mga halik ay gaya ng pinakamainam na alak,
    na tumutulo nang marahan,
    na dumudulas sa mga labi at ngipin.

Babae

10 Ako'y sa aking minamahal,
    at ang kanyang pagnanasa ay para sa akin.
11 Halika, sinta ko,
    pumunta tayo sa mga bukid,
    manirahan tayo sa mga nayon;
12 magtungo tayo nang maaga sa mga ubasan,
    at tingnan natin kung may buko na ang puno ng ubas,
kung ang kanyang mga bulaklak ay bumuka na,
    at kung ang mga granada ay namumulaklak.
Doo'y ibibigay ko sa iyo ang aking pag-ibig.
13 Ang mga mandragora ay nagsasabog ng bango,
    at nasa ating mga pintuan ang lahat ng piling bunga,
mga luma at bago,
    na aking inilaan para sa iyo, O sinta ko.

Pagkaganda ng iyong mga paa sa mga panyapak, Oh anak na babae ng pangulo! Ang mga pagkakaugpong ng iyong mga hita ay gaya ng mga hiyas, na gawa ng mga kamay ng bihasang manggagawa.

Ang iyong katawan ay gaya ng mabilog na tasa, na hindi pinagkukulangan ng alak na may halo: ang iyong tiyan ay gaya ng bunton ng trigo na nalalagay sa palibot ng mga lila.

Ang iyong dalawang suso ay gaya ng dalawang batang usa na mga kambal na usa.

Ang iyong leeg ay gaya ng moog na garing; ang iyong mga mata ay gaya ng mga lawa sa Hesbon sa siping ng pintuang-bayan ng Batrabbim; ang iyong ilong ay gaya ng moog ng Libano na nakaharap sa Damasco.

Ang iyong ulo sa iyo ay gaya ng Carmelo, at ang buhok ng iyong ulo ay gaya ng kulay ube; ang hari ay nabibihag sa mga kinulot niyaon.

Pagkaganda at pagkaligaya mo, Oh sinta, sa mga kaluguran!

Itong iyong tayo ay parang puno ng palma, at ang iyong mga suso ay sa mga buwig ng mga ubas.

Aking sinabi, ako'y aakyat sa puno ng palma, ako'y hahawak sa mga sanga niyaon; ang iyong mga suso ay maging gaya ng mga buwig ng puno ng ubas, at ang amoy ng iyong hinga ay gaya ng mga mansanas;

At ang iyong bibig ay gaya ng pinakamainam na alak, na tumutulong marahan para sa aking sinisinta, na dumudulas sa mga labi ng nangatutulog.

10 Ako'y sa aking sinisinta, at ang kaniyang nasa ay sa akin.

11 Parito ka, sinisinta ko, lumabas tayo sa parang; tumigil tayo sa mga nayon.

12 Sampahin nating maaga ang mga ubasan: tingnan natin kung ang puno ng ubas ay nagbubuko, at kung ang kaniyang mga bulaklak ay nagsisibuka, at kung ang mga granada ay namumulaklak: doo'y idudulot ko sa iyo ang aking pagsinta.

13 Ang mga mandragora ay nagpapahalimuyak ng bango, at nasa ating mga pintuan ang lahat na sarisaring mahalagang bunga, bago at luma, na aking inilapag para sa iyo, Oh sinisinta ko.

O maharlikang babae, napakaganda ng mga paa mong may sandalyas. Hugis ng iyong mga hitaʼy parang mga alahas na gawa ng bihasa. Ang pusod moʼy kasimbilog ng tasang laging puno ng masarap na alak. Ang baywang moʼy parang ibinigkis na trigong napapaligiran ng mga liryo. Ang dibdib moʼy tila kambal na batang usa. Ang leeg moʼy parang toreng gawa sa pangil ng elepante. Ang mga mata moʼy kasinglinaw ng batis sa Heshbon, malapit sa pintuang bayan ng Bet Rabim. Ang ilong moʼy kasingganda ng tore ng Lebanon na nakaharap sa Damasco. Ang ulo moʼy kasingganda ng Bundok ng Carmel. Ang buhok moʼy kasingkintab ng mga maharlikang kasuotan at ang hariʼy nabihag sa kagandahan nito.

O napakaganda mo, aking sinta, umaapaw ka sa kariktan. Ang tindig moʼy parang puno ng palma at ang dibdib moʼy parang mga bunga nito. At aking sinabi, “Aakyat ako sa palma at hahawak sa kanyang mga bunga.” Ang iyong dibdib ay parang katulad ng kumpol ng ubas, at ang samyo ng iyong hiningaʼy parang mansanas. Ang halik moʼy kasingtamis ng pinakamasarap na alak. Ang alak na itoʼy dahan-dahang dumadaloy mula sa labi ng aking minamahal.

Babae

10 Ako ay sa kanya lang, at ako lamang ang kanyang inaasam. 11 Halika mahal ko, pumunta tayo sa bukid at doon magpalipas ng gabi, sa tabi ng mga bulaklak ng henna.[a] 12 Maaga tayong gumising at ating tingnan kung namulaklak at namunga na ang ubasan. Tingnan din natin kung namumukadkad na ang mga pomegranata. At doon, ipadarama ko sa iyo ang aking pagmamahal. 13 Maaamoy mo ang bango ng mandragora, at malapit sa ating pintuan ay may mga piling hain na prutas, luma at bago. Sapagkat ang mga itoʼy sadyang inihanda ko para sa iyo, aking mahal.

Footnotes

  1. 7:11 mga bulaklak ng henna: o, mga baryo.