Add parallel Print Page Options

137 Sa tabi ng mga ilog ng Babilonia, doo'y nangaupo tayo, oo, nagiyak tayo, nang ating maalaala ang Sion.

Sa mga punong sauce sa gitna niyaon ating ibinitin ang ating mga alpa.

Sapagka't doo'y silang nagsibihag sa atin ay nagsihiling sa atin ng mga awit, at silang magpapahamak sa atin ay nagsihiling sa atin ng kasayahan, na nangagsasabi: Awitin ninyo sa amin ang sa mga awit ng Sion.

Paanong aawitin namin ang awit sa Panginoon sa ibang lupain?

Kung kalimutan kita, Oh Jerusalem, kalimutan nawa ng aking kanan ang kaniyang kasanayan.

Dumikit nawa ang aking dila sa ngalangala ng aking bibig, kung hindi kita alalahanin; kung hindi ko piliin ang Jerusalem ng higit sa aking pinakapangulong kagalakan.

Alalahanin mo Oh Panginoon, laban sa mga anak ni Edom ang kaarawan ng Jerusalem; na nagsabi, Sirain, sirain, pati ng patibayan niyaon.

Oh anak na babae ng Babilonia, na sira; magiging mapalad siya, na gumaganti sa iyo na gaya ng iyong ginawa sa amin.

Magiging mapalad siya, na kukuha at maghahagis sa iyong mga bata sa malaking bato.

137 Sa tabi ng mga ilog ng Babilonia,
    doon tayo'y naupo at umiyak;
    nang ang Zion ay ating maalala;
sa mga punong sauce sa gitna nito,
    ating ibinitin ang mga alpa natin doon.
Sapagkat doo'y ang mga bumihag sa atin
    ay humingi sa atin ng mga awitin,
at tayo'y hiningan ng katuwaan ng mga nagpahirap sa atin doon:
    “Awitin ninyo sa amin ang isa sa mga awit ng Zion.”

Paano namin aawitin ang awit ng Panginoon
    sa isang lupaing banyaga?

O Jerusalem, kung kita'y kalimutan,

    makalimot nawa ang aking kanang kamay!
Dumikit nawa ang aking dila sa aking ngalangala,
    kung hindi kita maalala,
kung ang Jerusalem ay hindi ko ilagay
    sa ibabaw ng aking pinakamataas na kagalakan!
Alalahanin mo, O Panginoon, laban sa mga anak ni Edom
    ang araw ng Jerusalem,
kung paanong sinabi nila, “Ibuwal, ibuwal!”
    Hanggang sa kanyang saligan!
O(A) anak na babae ng Babilonia, ikaw na mangwawasak!
    Magiging mapalad siya na gumaganti sa iyo
    ng kabayaran na siyang ibinayad mo sa amin!
Magiging mapalad siya na kukuha sa iyong mga musmos,
    at sa malaking bato sila'y sasalpok.

Ang Panaghoy ng mga Taga-Israel nang Silaʼy Nabihag

137 Nang maalala namin ang Zion, umupo kami sa pampang ng mga ilog ng Babilonia at umiyak.
Isinabit na lang namin ang aming mga alpa sa mga sanga ng kahoy.
Pinaaawit kami ng mga bumihag sa amin.
    Inuutusan nila kaming sila ay aliwin.
    Ang sabi nila,
    “Awitan ninyo kami ng mga awit tungkol sa Zion!”
Ngunit paano kami makakaawit ng awit ng Panginoon sa lupain ng mga bumihag sa amin?
Sanaʼy hindi na gumalaw ang kanan kong kamay kung kalilimutan ko ang Jerusalem!
Sanaʼy maging pipi ako kung hindi ko aalalahanin at ituturing na malaking kasiyahan ang Jerusalem.
Panginoon, alalahanin nʼyo ang ginawa ng mga taga-Edom nang lupigin ng Babilonia ang Jerusalem.
    Sinabi nila,
    “Sirain ninyo ito at wasakin nang lubos!”

Kayong mga taga-Babilonia, kayoʼy wawasakin!
    Mapalad ang mga taong lilipol sa inyo gaya ng ginawa ninyong paglipol sa amin.
Mapalad silang kukuha ng inyong mga sanggol,
    at ihahampas sa mga bato.