2 Samuel 23
Ang Dating Biblia (1905)
23 Ito nga ang mga huling salita ni David. Sinabi ni David na anak ni Isai, At sinabi ng lalake na pinapangibabaw, Na pinahiran ng langis ng Dios ni Jacob, At kalugodlugod na mangaawit sa Israel:
2 Ang Espiritu ng Panginoon ay nagsalita sa pamamagitan ko, At ang kaniyang salita ay suma aking dila.
3 Sinabi ng Dios ng Israel, Ang malaking bato ng Israel ay nagsalita sa akin: Ang naghahari sa mga tao na may katuwiran, Na mamamahala sa katakutan sa Dios,
4 Siya'y magiging gaya ng liwanag sa kinaumagahan pagka ang araw ay sumisikat, Sa isang umagang walang mga alapaap; Pagka ang malambot na damo ay sumisibol sa lupa, Sa maliwanag na sikat pagkatapos ng ulan.
5 Katotohanang ang aking sangbahayan ay hindi gayon sa Dios; Gayon ma'y nakipagtipan siya sa akin ng isang tipang walang hanggan, Maayos sa lahat ng mga bagay, at maasahan: Sapagka't siyang aking buong kaligtasan, at buong nasa. Bagaman hindi niya pinatubo.
6 Nguni't ang mga di banal ay ipaghahagis na gaya ng mga tinik, Sapagka't hindi nila matatangnan ng kamay:
7 Kundi ang lalake na humipo sa kanila, Marapat magsakbat ng bakal at ng puluhan ng sibat; At sila'y lubos na susunugin ng apoy sa kanilang kinaroroonan.
8 Ito ang mga pangalan ng mga makapangyarihang lalake na nasa kay David: Si Josebbasebet na Tachemonita, na pinuno ng mga kapitan; na siya ring si Adino na Eznita, na siyang dumaluhong laban sa walong daan na nangapatay ng paminsan.
9 At pagkatapos niya'y si Eleazar, na anak ni Dodo, na anak ng isang Ahohita, na isa sa tatlong malalakas na lalake na kasama ni David, nang sila'y mangakipagaway sa mga Filisteo, na nangapipisan doon upang makipagbaka, at ang mga lalake ng Israel ay nagsialis:
10 Siya'y bumangon, at sinaktan ang mga Filisteo hanggang sa ang kaniyang kamay ay nangalay, at ang kaniyang kamay ay nadikit sa tabak: at ang Panginoo'y gumawa ng dakilang pagtatagumpay sa araw na yaon: at ang bayan ay bumalik na kasunod niya, upang manamsam lamang.
11 At pagkatapos niya'y si Samma na anak ni Age, na Araita. At ang mga Filisteo ay nagpipisan sa isang pulutong, na kinaroroonan ng isang putol na lupa sa puno ng lentehas; at tinakasan ng bayan ang mga Filisteo.
12 Nguni't siya'y tumayo sa gitna ng putol na yaon, at ipinagsanggalang niya, at pinatay ang mga Filisteo: at ang Panginoo'y gumawa ng dakilang pagtatagumpay.
13 At tatlo sa tatlong pung pinuno ay nagsilusong at nagsiparoon kay David sa pagaani sa yungib ng Adullam; at ang pulutong ng mga Filisteo ay nagsihantong sa libis ng Rephaim.
14 At si David nga'y nasa katibayan, at ang pulutong nga ng mga Filisteo ay nasa Bethlehem.
15 At nagnais si David, at nagsabi, Oh may magbigay sana sa akin ng tubig sa balon ng Bethlehem, na nasa tabi ng pintuang-bayan!
16 At ang tatlong malalakas na lalake ay nagsisagasa sa hukbo ng mga Filisteo, at nagsiigib ng tubig sa balon ng Bethlehem, na nasa siping ng pintuang bayan, at kinuha, at dinala kay David: nguni't hindi niya ininom yaon, kundi kaniyang ibinuhos na handog sa Panginoon.
17 At kaniyang sinabi, Malayo sa akin, Oh Panginoon, na aking gawin ito: iinumin ko ba ang dugo ng mga lalake na nagsiparoon na ipinain ang kanilang buhay? kaya't hindi niya ininom. Ang mga bagay na ito ay ginawa ng tatlong malalakas na lalake.
18 At si Abisai, na kapatid ni Joab, na anak ni Sarvia, ay pinuno ng tatlo. At kaniyang itinaas ang kaniyang sibat laban sa tatlong daan at pinatay niya sila, at nagkapangalan sa tatlo.
19 Hindi ba siya ang lalong marangal sa tatlo? kaya't siya'y ginawang punong kawal nila: gayon ma'y hindi siya umabot sa unang tatlo.
20 At si Benaia, na anak ni Joiada, na anak ng matapang na lalake na taga Cabseel, na gumawa ng makapangyarihang gawa, na kaniyang pinatay ang dalawang anak ni Ariel na taga Moab; siya'y lumusong din at pumatay ng isang leon sa gitna ng isang hukay sa kapanahunan ng niebe.
21 At siya'y pumatay ng isang taga Egipto na malakas na lalake: at ang taga Egipto ay may sibat sa kaniyang kamay; nguni't siya'y nilusong niyang may tungkod, at inagaw niya ang sibat sa kamay ng taga Egipto, at pinatay niya siya ng kaniyang sariling sibat.
22 Ang mga bagay na ito ay ginawa ni Benaias, na anak ni Joiada, at nagkapangalan sa tatlong malalakas na lalake.
23 Siya'y marangal kay sa tatlongpu, nguni't sa unang tatlo'y hindi siya umabot. At inilagay ni David siya sa kaniyang bantay.
24 At si Asael na kapatid ni Joab ay isa sa tatlongpu; si Elhaanan na anak ni Dodo, na taga Bethlehem,
25 Si Samma na Harodita, si Elica na Harodita,
26 Si Heles na Paltita, si Hira na anak ni Jecces na Tecoita.
27 Si Abiezer na Anathothita, si Mebunai na Husatita,
28 Si Selmo na Hahohita, si Maharai na Netophathita,
29 Si Helec na anak ni Baana, na Netophathita, si Ithai na anak ni Ribai, na taga Gabaa, sa mga anak ng Benjamin.
30 Si Benaia na Pirathonita, si Hiddai sa mga batis ng Gaas,
31 Si Abi-albon na Arbathita, si Azmaveth na Barhumita,
32 Si Eliahba na Saalbonita, ang mga anak ni Jassen, si Jonathan,
33 Si Samma na Ararita, si Ahiam na anak ni Sarar, na Ararita,
34 Si Elipheleth na anak ni Asbai, na anak ni Maachateo, si Eliam na anak ni Achitophel na Gelonita,
35 Si Hesrai na Carmelita, si Pharai na Arbita;
36 Si Igheal na anak ni Nathan na taga Soba, si Bani na Gadita,
37 Si Selec na Ammonita, si Naharai na Beerothita, na mga tagadala ng sandata ni Joab na anak ni Sarvia;
38 Si Ira na Ithrita, si Gareb na Ithrita,
39 Si Uria na Hetheo: silang lahat ay tatlong pu't pito.
2 Samuel 23
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Ang Mga Huling Pangungusap ni David
23 Pinatanyag ng Kataas-taasang Dios si David na anak ni Jesse. Pinili siya ng Dios ni Jacob para maging hari, at sumulat siya ng magagandang awit ng Israel. Ito ang mga huling pangungusap niya:
2 “Nagsalita ang Espiritu ng Panginoon sa pamamagitan ko;
ang mga mensahe niyaʼy nasa aking mga labi.
3 Sinabi sa akin ng Dios, na bato na kanlungan ng Israel,
‘Ang namumuno nang matuwid at may takot sa Dios,
4 tulad ng liwanag ng araw na sumisikat sa umaga na walang maitim na ulap,
na nagpapakinang sa mga damo pagkatapos ng ulan!’
5 Ganyan ang pamilya ko sa paningin ng Dios,
at gumawa siya ng kasunduang walang hanggan sa akin.
Maayos at detalyado ang kasunduang ito at hindi na mapapalitan.
Kaya nakatitiyak ako na palagi akong ililigtas ng Dios
at ibibigay niya sa akin ang lahat ng aking mga ninanais.
6-7 Ngunit ang masasamang taoʼy gaya ng matitinik na mga halaman na itinatapon.
Hindi sila pwedeng kunin sa pamamagitan lang ng kamay, kailangan pa itong gamitan ng kagamitang gawa sa bakal o kahoy,
at susunugin sila sa lugar na kinaroroonan nila.”
Ang Matatapang na Tauhan ni David(A)
8 Ito ang mga matatapang na tauhan ni David:
Si Josheb Bashebet na taga-Takemon ang nangunguna sa tatlo na matatapang na tauhan ni David. Sa isang labanan lang, nakapatay siya ng 800 tao sa pamamagitan ng sibat niya.
9 Ang sumunod sa kanya ay si Eleazar na anak ni Dodai na angkan ni Ahoa, na isa sa tatlo na matatapang na tauhan ni David. Isa siya sa mga kasama ni David na humamon sa mga Filisteong nagtipon sa Pas Damim[a] sa pakikipaglaban. Tumakas ang mga Israelita, 10 pero nagpaiwan siya at pinagpapatay niya ang mga Filisteo hanggang sa mapagod na ang kamay niya at manigas sa pagkahawak sa espada. Pinagtagumpay sila ng Panginoon nang araw na iyon. Bumalik kay Eleazar ang mga tumakas na Israelita para kunin ang mga armas ng mga namatay.
11 Ang sumunod ay si Shama na anak ni Agee na taga-Harar. Isang araw, nagtipon ang mga Filisteo sa Lehi, at sinalakay nila ang mga Israelita sa taniman ng mga gisantes. Tumakas ang mga Israelita, 12 pero nagpaiwan si Shama sa gitna ng taniman para protektahan ito, at pinatay niya ang mga Filisteo. Pinagtagumpay sila ng Panginoon nang araw na iyon.
13 Nang panahon ng tag-ani, pumunta kay David ang tatlo niyang tauhan doon sa kweba ng Adulam. Ang tatlong taong itoʼy kasama sa 30 matatapang na tauhan ni David. Nagkakampo noon ang mga Filisteo sa Lambak ng Refaim 14 at naagaw nila ang Betlehem. Habang naroon si David sa isang matatag na kublihan, 15 nauhaw siya. Sinabi niya, “Mabuti sana kung may kukuha sa akin ng tubig na maiinom doon sa balon malapit sa pintuang bayan ng Betlehem.” 16 Kaya palihim na pumasok ang tatlong matatapang na iyon sa kampo ng mga Filisteo, malapit sa pintuang bayan ng Betlehem. Kumuha sila ng tubig sa balon at dinala ito kay David. Pero hindi ito ininom ni David, sa halip ay ibinuhos niya ito bilang handog sa Panginoon. 17 Sinabi niya, “Panginoon, hindi ko po ito maiinom dahil kasinghalaga ito ng dugo ng mga taong nagtaya ng kanilang buhay sa pagkuha nito.” Kaya hindi ito ininom ni David.
Iyon ang ginawa ng tatlong matatapang na tauhan ni David.
18 Si Abishai na kapatid ni Joab, na anak ni Zeruya ang pinuno ng 30[b] tauhan ni David. Nakapatay siya ng 300 Filisteo sa pamamagitan ng sibat niya. Kaya naging tanyag siya katulad ng tatlong matatapang na tauhan. 19 At dahil sa siya ang pinakatanyag sa 30, naging pinuno nila siya pero hindi siya kabilang sa tatlong matatapang.
20 May isa pang matapang na tao na ang pangalan ay Benaya. Taga-Kabzeel siya, at ang ama niya ay si Jehoyada. Marami siyang kabayanihang ginawa, kabilang na rito ang pagpatay sa dalawang pinakamahuhusay na sundalo ng Moab. Minsan, kahit umuulan ng yelo, bumaba siya sa pinagtataguan ng leon at pinatay ito. 21 Bukod dito, pinatay niya ang isang napakalaking Egipcio na may armas na sibat, habang isang pamalo lang ang armas niya. Inagaw niya ang sibat sa Egipcio at ito rin ang ipinampatay niya rito. 22 Ito ang mga ginawa ni Benaya na anak ni Jehoyada. Naging tanyag din siya gaya ng tatlong matatapang na tao, 23 pero hindi siya kabilang sa kanila. At dahil siya ang pinakatanyag sa kanyang 30 kasama, ginawa siyang pinuno ni David ng kanyang mga personal na tagapagbantay.
24 Ito ang iba pang miyembro ng 30 matatapang na tao:
si Asahel na kapatid ni Joab;
si Elhanan na anak ni Dodo na taga-Betlehem;
25 sina Shama at Elika na taga-Harod;
26 si Helez na taga-Palti;
si Ira na anak ni Ikkes na taga-Tekoa;
27 si Abiezer na taga-Anatot;
si Mebunai[c] na taga-Husha;
28 si Zalmon na taga-Ahoa;
si Maharai na taga-Netofa;
29 si Heleb[d] na anak ni Baana na taga-Netofa;
si Itai na anak ni Ribai na taga-Gibea, na sakop ng Benjamin;
30 si Benaya na taga-Piraton;
si Hidai[e] na nakatira malapit sa mga daluyan ng tubig sa Gaas;
31 si Abi Albon na taga-Arba;
si Azmavet na taga-Bahurim;
32 si Eliaba na taga-Shaalbon;
mga anak ni Jasen;
33 si Jonatan na anak ni Shama[f] na taga-Harar;
si Ahiam na anak ni Sharar na taga-Harar;
34 si Elifelet na anak ni Ahasbai na taga-Maaca;
si Eliam na anak ni Ahitofel na taga-Gilo;
35 si Hezro na taga-Carmel;
si Paarai na taga-Arba;
36 si Igal na anak ni Natan na taga-Zoba;
ang anak ni Haggadi;[g]
37 si Zelek na taga-Ammon;
si Naharai na taga-Beerot (ang tagadala ng armas ni Joab na anak ni Zeruya);
38 sina Ira at Gareb na mga taga-Jatir;
39 at si Uria na Heteo.
Silang lahat ay 37.
Footnotes
- 23:9 sa Pas Damim: sa Hebreo, doon. Tingnan sa 1 Cro. 11:13.
- 23:18 30: Ito ang nasa Syriac at sa ibang teksto ng Hebreo. Sa karamihang teksto ng Hebreo, tatlo. Ganito rin sa talatang 19.
- 23:27 Mebunai: o, Sibecai.
- 23:29 Heleb: o, Heled.
- 23:30 Hidai: o, Hurai.
- 23:33 si Jonatan na anak ni Shama: o, si Jonatan, si Shama.
- 23:36 anak ni Haggadi: o, Bani na taga-Gad.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®