Add parallel Print Page Options

Ang Pagdiriwang ng Paskwa sa Panahon ni Haring Josias(A)

35 Iniutos ni Josias na ang Paskwa ni Yahweh ay ipagdiwang sa Jerusalem noong ikalabing apat na araw ng unang buwan. Kaya't pinatay nila ang mga korderong pampaskwa. Ibinalik niya ang mga pari sa kani-kanilang tungkulin at pinagbilinang pagbutihin ang paglilingkod sa loob ng Templo ni Yahweh. Sinabi naman niya sa mga Levita, na mga tagapagturo sa mga Israelita at matatapat kay Yahweh: “Dalhin ninyo ang Kaban ng Tipan sa Templong ipinagawa ni Solomon na anak ni David. Hindi na ninyo ito papasanin ngayon. Panahon na upang paglingkuran ninyo ang Diyos ninyong si Yahweh at ang bayang Israel. Ayusin(B) ninyo ang inyong mga pangkat na manunungkulan ayon sa kani-kanilang sambahayan batay sa mga tagubilin ni Haring David at ng anak niyang si Solomon. Pagbukud-bukurin ninyo sa bulwagan ng Templo ang inyong mga kababayang hindi Levita ayon din sa sambahayan. Bawat pangkat ay pasasamahan ninyo ng isang pangkat ng mga Levita. Patayin ninyo ang korderong pampaskwa, linisin ninyo ang inyong mga sarili ayon sa Kautusan at ihanda ang mga handog upang magampanan ng inyong mga kababayan ang ayon sa mga bilin ni Yahweh sa pamamagitan ni Moises.”

Nagbigay si Josias ng 30,000 kordero at mga batang kambing bilang handog na susunugin bukod pa sa 3,000 torong panghandog para pagsalu-saluhan. Ang mga pinuno sa ilalim niya ay buong puso ring nagkaloob ng handog para sa bayan, sa mga pari at sa mga Levita. Ang mga punong-katiwala naman sa Templo na sina Hilkias, Zacarias at Jehiel ay nagbigay ng dalawang libo at animnaraang tupa para sa mga pari at tatlong daang toro bilang handog pampaskwa. Ang mga pinuno naman ng mga Levita na sina Conanias, Semaya, Nathanael, Hosabias, Jehiel at Jozabad ay nagbigay ng limanlibong kordero at batang kambing para sa mga Levita at limandaang toro bilang handog na pampaskwa.

10 Matapos ihanda ang lahat, tumayo na sa kanya-kanyang puwesto ang mga pari. Ang mga Levita nama'y kasama ng kani-kanilang pangkat ayon sa utos ng hari. 11 Pinatay nila ang mga korderong pampaskwa at ang dugo nito ay ibinuhos ng mga pari sa ibabaw ng altar samantalang binabalatan naman ng mga Levita ang mga hayop. 12 Pagkatapos, kinuha nila ang taba nito at ipinamahagi sa mga tao ayon sa kani-kanilang sambahayan upang ihandog kay Yahweh ayon sa nakasulat sa Aklat ni Moises. Ganoon din ang ginawa nila sa mga toro. 13 Nilitson(C) nila ang korderong pampaskwa ayon sa tuntunin. Ang iba namang karneng handog ay inilaga sa mga palayok, kaldero at kawa at ipinamigay sa mga tao. 14 Pagkatapos nito, naghanda ang mga Levita ng pagkain para sa kanila at sa mga paring mula sa angkan ni Aaron. Sila rin ang naghanda ng pagkain ng mga pari sapagkat hanggang sa gabi ang mga ito'y abalang-abala sa pag-aalay ng mga handog na susunugin at ng mga taba. 15 Nanatili(D) sa kanilang mga puwesto ang mga mang-aawit, ang mga anak ni Asaf ayon sa tuntuning itinakda ni Haring David at ng mga lingkod niyang sina Asaf, Heman at Jeduthun na propeta ng hari. Hindi na rin kailangang umalis ang mga bantay sa pinto sapagkat lahat sila'y dinadalhan ng pagkain ng mga Levita.

16 Ang lahat ay ginawa ayon sa tagubilin ni Haring Josias: ang pagpupuri kay Yahweh, ang pagdiriwang ng Paskwa at ang paghahandog. 17 Pitong(E) araw na ipinagdiwang ng mga Israelita ang Paskwa at ang Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa. 18 Mula pa noong panahon ni propeta Samuel, wala pang ganitong pagdiriwang ng Paskwa na naganap sa Israel. Wala ring ibang hari sa Israel na nakagawa ng ginawang ito ni Haring Josias. Siya lamang ang nakapagtipon ng lahat ng pari, Levita at ng mga taga-Juda at taga-Israel kasama ang mga taga-Jerusalem upang ipagdiwang ang Paskwa. 19 Naganap ito noong ikalabing walong taon ng kanyang paghahari.

Ang Buod ng Kasaysayan ni Haring Josias(F)

20 Nang maisaayos na ni Josias ang lahat ng nauukol sa Templo, sinalakay ni Haring Neco ng Egipto ang Carquemis sa may Ilog Eufrates. Hindi ito nagustuhan ni Josias kaya't hinarap niya ito. 21 Dahil dito, nagpadala ng sugo si Neco at sinabi, “Wala tayong dapat pag-awayan, mahal na hari ng Juda. Hindi ikaw ang pinuntahan ko rito kundi ang aking mga kaaway. Sinabi sa akin ng Diyos na tapusin ko agad ito. Kakampi ko ang Diyos kaya't huwag mo na akong hadlangan kung ayaw mong puksain ka niya.” 22 Ngunit hindi nagbago ng isip si Josias. Ipinasiya niyang lumaban. Hindi siya naniwala sa sinabi ng Diyos sa pamamagitan ni Neco. Nagbalatkayo siya at pumunta sa labanan sa kapatagan ng Megido. 23 Sa kainitan ng labanan ay tinamaan si Haring Josias ng palaso at malubhang nasugatan. Kaya't iniutos niya sa kanyang mga tauhan na ilayo na siya roon. 24 Inilipat siya ng mga ito sa ikalawang karwahe at dinala sa Jerusalem. Subalit namatay din siya at inilibing sa libingan ng kanyang mga ninuno. Nagluksa ang buong Juda at Jerusalem dahil sa kanyang pagkamatay. 25 Nagluksa rin si Jeremias at lumikha pa siya ng isang awit ng pagluluksa sa pagkamatay ni Josias. Inaawit pa ito hanggang ngayon ng mga mang-aawit bilang pag-alala sa kanya. Naging kaugalian na ito sa Israel at ang awiting ito'y matatagpuan sa Aklat ng mga Pagluluksa.

26 Ang iba pang mga ginawa ni Josias at ang kanyang paglilingkod sa Diyos, pagsunod sa Kautusan ni Yahweh, 27 buhat sa simula hanggang wakas, ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Israel at Juda.

35 At ipinagdiwang ni Josias ang isang paskua sa Panginoon sa Jerusalem; at kanilang pinatay ang kordero ng paskua, sa ikalabing apat na araw ng unang buwan.

At inilagay niya ang mga saserdote sa kanilang mga katungkulan, at pinatapang sila sa paglilingkod sa bahay ng Panginoon.

At sinabi niya sa mga Levita na nangagturo sa buong Israel, na mga banal sa Panginoon, Ilagay ninyo ang banal na kaban sa bahay na itinayo ni Salomon na anak ni David na hari sa Israel; hindi na magkakaroon pa ng pasan sa inyong mga balikat. Maglingkod kayo ngayon sa Panginoon ninyong Dios, at sa kaniyang bayang Israel;

At magsihanda kayo ayon sa mga sangbahayan ng inyong mga magulang ayon sa inyong mga bahagi, ayon sa sulat ni David na hari sa Israel, at ayon sa sulat ni Salomon sa kaniyang anak.

At magsitayo kayo sa dakong banal ayon sa mga bahagi ng mga sangbahayan ng mga magulang ng inyong mga kapatid na mga anak ng bayan, at maukol sa bawa't isa'y isang bahagi ng sangbahayan ng mga magulang ng mga Levita.

At patayin ninyo ang kordero ng paskua, at mangagpakabanal kayo, at ihanda ninyo sa inyong mga kapatid, upang magsigawa ng ayon sa salita ng Panginoon sa pamamagitan ng kamay ni Moises.

At si Josias ay nagbigay sa mga anak ng bayan, buhat sa kawan, ng mga kordero at ng mga anak ng kambing, lahat ng yaon ay mga pinakahandog sa paskua, sa lahat na nakaharap, sa bilang na tatlong pung libo, at tatlong libo na baka: ang mga ito'y mga pag-aari ng hari.

At ang kaniyang mga prinsipe ay nangagbigay ng pinakakusang handog sa bayan, sa mga saserdote, at sa mga Levita. Si Hilcias at si Zacharias at si Jehiel, na mga pinuno sa bahay ng Dios, nangagbigay sa mga saserdote ng mga pinakahandog sa paskua, na dalawang libo at anim na raang tupa at kambing, at tatlong daang baka.

Si Chonanias naman, at si Semeias, at si Nathanael, na kaniyang mga kapatid, at si Hasabias at si Jehiel at si Josabad, na mga pinuno ng mga Levita, nangagbigay sa mga Levita ng mga pinakahandog sa paskua, na limang libong tupa at kambing, at limang daang baka.

10 Sa gayo'y ang paglilingkod ay nahanda, at ang mga saserdote ay nagsitayo sa kanilang dako, at ang mga Levita ayon sa kanilang mga bahagi, ayon sa utos ng hari.

11 At kanilang pinatay ang kordero ng paskua, at iwinisik ng mga saserdote ang dugo, na tinangnan nila sa kanilang kamay, at mga nilapnusan ng mga Levita.

12 At kanilang ibinago ang mga handog na susunugin, upang kanilang ipamigay ayon sa mga bahagi ng mga sangbahayan ng mga magulang ng mga anak ng bayan, upang ihandog sa Panginoon, gaya ng nasusulat sa aklat ni Moises. At gayon ang ginawa nila sa mga baka.

13 At kanilang inihaw ang kordero ng paskua, sa apoy ayon sa ayos: at ang mga banal na handog ay niluto sa mga palayok, at sa mga kaldera, at sa mga kawali, at pinagdadalang madali sa lahat na anak ng bayan.

14 At pagkatapos ay nangaghanda sila sa kanilang sarili, at sa mga saserdote; sapagka't ang mga saserdote na mga anak ni Aaron ay nangasa paghahandog ng mga handog na susunugin at ng taba hanggang sa kinagabihan: kaya't ang mga Levita ay nangaghanda sa kanilang sarili, at sa mga saserdote na mga anak ni Aaron.

15 At ang mga mangaawit na mga anak ni Asaph, ay nangasa kanilang dako, ayon sa utos ni David, at ni Asaph, at ni Heman, at ni Jeduthun na tagakita ng hari; at ang mga tagatanod-pinto ay nangasa bawa't pintuang-daan: sila'y hindi nangagkakailangang magsialis sa kanilang paglilingkod; sapagka't ipinaghanda sila ng kanilang mga kapatid na mga Levita.

16 Sa gayo'y ang lahat na paglilingkod sa Panginoon ay nahanda nang araw ding yaon, upang ipagdiwang ang paskua, at upang maghandog ng mga handog na susunugin sa ibabaw ng dambana ng Panginoon, ayon sa utos ng haring Josias.

17 At ang mga anak ni Israel na nangakaharap ay nangagdiwang ng paskua nang panahong yaon, at ng kapistahan ng tinapay na walang lebadura na pitong araw.

18 At hindi nagkaroon ng paskua na gaya ng ipinagdiwang na yaon sa Israel mula sa mga araw ni Samuel na propeta; ni nagdiwang man ang sinoman sa mga hari sa Israel ng gayong paskua na gaya ng ipinagdiwang ni Josias, at ng mga saserdote, at ng mga Levita, at ng buong Juda at Israel na nangakaharap, at ng mga taga Jerusalem.

19 Nang ikalabing walong taon ng paghahari ni Josias ay ipinagdiwang ang paskuang ito.

20 Pagkatapos ng lahat ng ito, nang maihanda ni Josias ang templo, si Nechao na hari sa Egipto ay umahon upang makipaglaban sa Carchemis sa siping ng Eufrates: at si Josias ay lumabas laban sa kaniya.

21 Nguni't siya'y nagsugo ng mga sugo sa kaniya, na ipinasasabi, Anong aking ipakikialam sa iyo, ikaw na hari sa Juda? ako'y hindi naparirito laban sa iyo sa araw na ito, kundi laban sa sangbahayan na kinakalaban ko: at iniutos sa akin ng Dios na ako'y magmamadali: iwan mo ang pakikialam sa Dios, na nasa akin nga, upang huwag ka niyang lipulin.

22 Gayon ma'y hindi itinalikod ni Josias ang kaniyang mukha sa kaniya, kundi nagpakunwaring iba, upang siya'y makipaglaban sa kaniya, at hindi dininig ang salita ni Nechao, na mula sa bibig ng Dios, at naparoong nakipaglaban sa libis ng Megiddo.

23 At pinana ng mga mamamana si Josias: at sinabi ng hari sa kaniyang mga lingkod, Ilabas ninyo ako; sapagka't ako'y nasugatan ng mabigat.

24 Sa gayo'y inalis siya ng kaniyang mga lingkod sa karo, at inilagay siya sa ikalawang karo, na kaniyang dala, at dinala siya sa Jerusalem; at siya'y namatay, at nalibing sa mga libingan ng kaniyang mga magulang. At ang buong Juda at Jerusalem ay tumangis kay Josias.

25 At tinaghuyan ni Jeremias si Josias: at ang lahat na mangaawit na lalake at babae ay nagsipanambitan tungkol kay Josias sa kanilang mga panaghoy, hanggang sa araw na ito; at sila'y nagsigawa ng alituntunin sa Israel; at, narito, nangasusulat sa mga panaghoy.

26 Ang iba nga sa mga gawa ni Josias, at ang kaniyang mga mabuting gawa, ayon sa nasusulat sa kautusan ng Panginoon,

27 At ang kaniyang mga gawa, na una at huli, narito, nangasusulat sa aklat ng mga hari sa Israel at Juda.