1 Samuel 17
Magandang Balita Biblia
Ang Hamon ni Goliat
17 Nagsama-sama ang mga hukbong Filisteo sa Soco na sakop ng Juda upang lusubin ang Israel. Nagkampo sila sa Efes-Dammim na nasa pagitan ng Soco at Azeka. 2 Si Saul naman at ang mga Israelita ay nagkampo sa may libis ng Ela, at doo'y naghanda sila sa pakikipaglaban sa mga Filisteo. 3 Magkaharap ang dalawang pangkat: ang mga Filisteo'y nasa isang burol, at nasa kabila naman ang mga Israelita; isang libis ang nakapagitan sa kanila.
4 Isang pangunahing mandirigma ang lumabas mula sa kampo ng mga Filisteo. Ang pangalan niya'y Goliat, at siya'y mula sa lunsod ng Gat. Ang kanyang taas ay halos tatlong metro. Hinamon niya ang mga Israelita na makipaglaban sa kanya. 5 Tanso ang kanyang helmet, gayundin ang kanyang kasuotang pandigma na tumitimbang ng 57 kilo. 6 Tanso rin ang nakabalot sa kanyang binti at hita, pati ang tabak na nakasakbat sa kanyang balikat. 7 Ang hawakan ng sibat niya'y napakalaki at ang bakal naman na tulis nito ay tumitimbang ng dalawampung libra. Nasa unahan niya ang tagadala ng kanyang kalasag. 8 Sumigaw si Goliat sa mga Israelita, “Bakit nakahanay kayong lahat diyan para lumaban? Ako'y isang Filisteo at kayo nama'y mga alipin ni Saul. Pumili na lang kayo ng ilalaban sa akin. 9 Kapag ako'y natalo, alipinin ninyo kaming lahat; ngunit kapag siya naman ang natalo, kayo ang aalipinin namin. 10 Hinahamon ko ngayon ang hukbo ng Israel. Pumili kayo ng ilalaban ninyo sa akin!” 11 Nang marinig ito ni Saul at ng mga Israelita, nanghina ang kanilang loob at sila'y natakot.
Si David sa Kampo ni Saul
12 Si David ay anak ni Jesse na isang Efratita mula sa Bethlehem, Juda. Nang panahong iyon, si Jesse ay mahina na dahil sa katandaan. Walo ang anak niyang lalaki; si David ang pinakabata. 13 Sina Eliab, Abinadab at Samma, ang tatlong pinakamatatanda niyang anak ay kasama ni Saul sa labanan. 14 Habang sila'y kasama ni Saul, ang bunso namang si David 15 ay pabalik-balik kay Saul at sa Bethlehem para alagaan ang mga tupa ng kanyang ama.
16 Sa loob ng apatnapung araw, umaga't hapong hinahamon ni Goliat ang mga Israelita.
17 Isang araw, inutusan ni Jesse si David, “Anak, dalhin mo agad itong limang salop ng sinangag na trigo at sampung tinapay sa iyong mga kapatid na nasa kampo. 18 Ibigay mo naman ang sampung hiwang kesong ito sa pinuno nila. Tingnan mo na rin ang kalagayan nila at ibalita mo sa akin. Mag-uwi ka ng kahit anong bagay na makapagpapatunay na galing ka nga roon.” 19 Ang tatlong anak ni Jesse ay kasama nga ni Saul at ng mga Israelita sa libis ng Ela at nakikipaglaban sa mga Filisteo.
20 Kinabukasan, maagang bumangon si David. Ipinagbilin niya sa iba ang mga tupang inaalagaan at nagpunta sa lugar ng labanan, dala ang pagkaing ipinabibigay ng kanyang ama. Nang dumating siya sa kampo, palusob na ang buong hukbo at isinisigaw ang kanilang sigaw pandigma. 21 Nagharap na ang mga pangkat ng Israelita at ng mga Filisteo. 22 Iniwan ni David sa tagapag-ingat ng kagamitan ang kanyang dala at tumuloy siya sa lugar ng labanan upang kumustahin ang kanyang mga kapatid. 23 Samantalang sila'y nag-uusap, tumayo na naman si Goliat sa unahan ng mga Filisteo at muling hinamon ang mga Israelita. Narinig ito ni David. 24 Nang makita si Goliat, ang mga Israelita ay nagtakbuhan dahil sa matinding takot. 25 Sinabi nila, “Tingnan ninyo siya! Pakinggan ninyo ang kanyang hamon sa Israel! Sinumang makapatay sa kanya ay gagantimpalaan ng hari: bibigyan ng kayamanan, ipakakasal sa prinsesa, at ang buong sambahayan ng kanyang ama ay hindi na pagbabayarin pa ng buwis.”
26 Tinanong ni David sa mga katabi niya, “Ano raw ang gantimpala sa sinumang makakapatay sa Filisteong iyan at sa makakapag-alis ng kahihiyan sa Israel? At sino ba ang paganong ito na humahamon sa hukbo ng Diyos na buháy?”
27 “Tulad ng narinig mo, ganoon ang gagawin ng hari sa makakapatay sa Filisteong iyan,” sagot ng mga kausap niya.
28 Narinig ni Eliab, ang panganay na kapatid ni David ang pakikipag-usap niya sa mga kawal. Nagalit ito kay David at sinabi, “Anong ginagawa mo rito? At kanino mo iniwan ang iilang tupa na pinapaalagaan sa iyo? Alam ko kung anong nasa isip mo! Gusto mo lang manood ng labanan.”
29 Sumagot si David, “Bakit, ano ba ang ginawa ko? Masama bang magtanong?” 30 Tinalikuran niya si Eliab at nagtanong sa iba, ngunit ganoon din ang sagot sa kanya.
31 Nakarating kay Saul ang mga sinabi ni David at ipinatawag niya ito. 32 Pagdating kay Saul, sinabi ni David, “Hindi po tayo dapat masiraan ng loob dahil lang sa Filisteong iyon. Ako po ang lalaban sa kanya.”
33 Sinabi ni Saul, “Hindi mo kaya ang Filisteong iyon! Batambata ka pa, samantalang siya'y isang mahusay na mandirigma mula pa sa kanyang kabataan.”
34 Ngunit sinabi ni David kay Saul, “Ako po ang nag-aalaga sa kawan ng aking ama. Kapag ang isa sa mga tupang inaalagaan ko ay tinatangay ng leon o oso, 35 hinahabol ko po ito at inaagaw ang tupa. Kapag hinarap ako ng leon o ng oso, hinahawakan ko ito sa panga at pinapatay. 36 Nakapatay na po ako ng mga leon at mga oso. Isasama ko po sa mga ito ang Filisteong iyon sapagkat ang nilalait niya'y ang hukbo ng Diyos na buháy.” 37 Idinugtong pa ni David, “Iniligtas ako ni Yahweh mula sa mga mababangis na leon at mga oso. Ililigtas din niya ako sa kamay ng Filisteong iyon.”
Kaya't sinabi ni Saul, “Kung gayon, labanan mo siya at samahan ka nawa ni Yahweh.” 38 At ipinasuot niya kay David ang kanyang kasuotang pandigma: ang helmet at ang tansong pambalot sa katawan. 39 Nang maisakbat na ni David ang tabak ni Saul at sinubukang lumakad, hindi siya halos makahakbang sapagkat hindi siya sanay sa ganoong kasuotan. Kaya sinabi niya kay Saul, “Hindi ko na po gagamitin ang mga ito.” At hinubad niya ang nasabing kasuotang pandigma. 40 Pagkatapos, dinampot niya ang kanyang tungkod. Namulot siya ng limang makikinis na bato sa sapa, inilagay sa kanyang supot na pampastol at lumakad upang harapin si Goliat.
Natalo ni David si Goliat
41 Si Goliat naman ay lumakad ding papalapit kay David, sa hulihan ng tagadala ng kanyang panangga. 42 Nang makita niyang si David ay isa lamang kabataang may maamong hitsura, nilait niya ito, at 43 pakutyang tinanong, “Anong akala mo sa akin? Aso ba ang lalabanan mo at may dala kang patpat?” At si David ay sinumpa ng Filisteo sa pangalan ng kanyang diyos. 44 Sinabi pa niya, “Halika nga rito at nang maipakain ko ang bangkay mo sa mga ibon at mga hayop.”
45 Sumagot si David, “Ang dala mo'y tabak, sibat at pantusok, ngunit lalabanan kita sa pangalan ni Yahweh, ang Makapangyarihang Diyos ng Israel na iyong hinahamak. 46 Ngayong araw na ito'y ibibigay ka ni Yahweh sa aking mga kamay! Pababagsakin kita at pupugutin ko ang ulo mo. At ipapakain ko sa mga ibon at sa mga mababangis na hayop ang mga bangkay ng mga kawal ng hukbong Filisteo. Sa gayon, malalaman ng buong daigdig na may Diyos sa Israel. 47 At makikita ng lahat ng narito na makakapagligtas si Yahweh kahit walang tabak at sibat. Kay Yahweh ang labanang ito at ibinigay na niya kayo sa aming mga kamay.”
48 Nagpatuloy ng paglapit si Goliat. Patakbo siyang sinalubong ni David sa lugar ng labanan. 49 Dumukot siya ng bato sa kanyang supot at tinirador niya si Goliat. Tinamaan ito sa noo at bumaon ang bato roon. Si Goliat ay pasubsob na bumagsak sa lupa. 50 Natalo(A) nga ni David si Goliat sa pamamagitan ng tirador at bato. Napatay niya ito kahit wala siyang tabak. 51 Patakbong(B) lumapit si David, tumayo sa likod ni Goliat, hinugot ang tabak ni Goliat mula sa suksukan nito, at pinugutan ng ulo.
Nang makita ng mga Filisteo na patay na ang kanilang pangunahing mandirigma, sila'y nagtakbuhan. 52 Sumigaw ang mga kawal ng Israel at Juda at hinabol nila ang mga Filisteo hanggang sa Gat, sa may pagpasok ng Ekron. Naghambalang sa daan ang bangkay ng mga Filisteo, mula sa Saaraim hanggang sa Gat at Ekron. 53 At nang magbalik ang mga Israelita buhat sa paghabol sa mga Filisteo, hinalughog nila ang kampo ng mga ito at kinuha ang lahat ng kanilang magustuhan. 54 Dinala ni David sa Jerusalem ang ulo ni Goliat, ngunit iniuwi niya sa kanyang tolda ang mga sandata nito.
Iniharap si David kay Saul
55 Nakita ni Saul nang sinusugod ni David si Goliat. Itinanong niya sa pinuno ng kanyang hukbo, “Abner, kaninong anak ang batang iyon?”
“Hindi ko po alam, Kamahalan,” sagot ni Abner.
56 “Kung gayo'y ipagtanong mo kung sino ang kanyang ama,” utos ng hari.
57 Nang magbalik si David, sinalubong siya ni Abner at sinamahan sa hari, dala pa rin ang ulo ni Goliat. 58 At tinanong siya ni Saul, “Kanino kang anak, binata?”
Sumagot si David, “Anak po ako ni Jesse na taga-Bethlehem.”
1 Samuel 17
Ang Biblia (1978)
Ang paghamon ni Goliath.
17 Ngayo'y pinisan ng mga Filisteo ang kanilang hukbo upang bumaka at sila'y nagpipisan sa Socho, na nauukol sa Juda, at nagsihantong sa pagitan ng Socho at ng Azeca, sa Ephesdammim.
2 At nagpipisan si Saul at ang mga lalake ng Israel, at nagsihantong sa (A)libis ng Ela, at nagsihanay sa pakikipagbaka laban sa mga Filisteo.
3 At nagsitayo ang mga Filisteo sa isang dako sa bundok, at tumayo ang Israel sa kabilang dako sa bundok: at may isang libis sa pagitan nila.
4 At lumabas ang isang bayani sa kampamento ng mga Filisteo na nagngangalang Goliath, taga (B)Gath, na ang taas ay anim na siko at isang dangkal.
5 At siya'y mayroong isang turbanteng tanso, sa kaniyang ulo, at siya'y nasusuutan ng isang baluti sa katawan; at ang bigat ng baluti ay limang libong siklong tanso.
6 At siya'y mayroong kasuutang tanso sa kaniyang mga hita, at isang sibat na tanso sa pagitan ng kaniyang mga balikat.
7 At ang puluhan ng kaniyang sibat ay gaya ng panghabi ng manghahabi; at ang dulo ng kaniyang sibat ay may anim na raang siklong bakal ang bigat: at ang kaniyang tagadala ng kalasag ay nauuna sa kaniya.
8 At siya'y tumayo at humiyaw sa mga hukbo ng Israel, at nagsabi sa kanila, Bakit kayo'y lumabas na nagsihanay sa pakikipagbaka? hindi ba ako'y Filisteo, at kayo'y (C)mga lingkod ni Saul? pumili kayo ng isang lalake sa inyo, at pababain ninyo siya sa akin.
9 Kung siya'y makalaban sa akin at mapatay ako, magiging alipin nga ninyo kami; nguni't kung ako'y manaig laban sa kaniya, at mapatay ko siya ay magiging alipin nga namin kayo at maglilingkod sa amin.
10 At sinabi ng Filisteo, (D)Aking hinahamon ang mga hukbo ng Israel sa araw na ito; bigyan ninyo ako ng isang lalake, upang maglaban kami.
11 At nang marinig ni Saul at ng buong Israel ang mga salitang yaon ng Filisteo, sila'y nanglupaypay, at natakot na mainam.
12 (E)Si David nga ay anak niyaong (F)Ephrateo sa Beth-lehem-juda, na ang pangala'y Isai; at may (G)walong anak: at ang lalaking yaon ay matanda na sa mga kaarawan ni Saul na totoong napakatanda sa gitna ng mga tao.
13 At ang tatlong pinakamatandang anak ni Isai ay naparoong sumunod kay Saul sa pakikipagbaka: (H)at ang mga pangalan ng kaniyang tatlong anak na naparoon sa pakikipagbaka ay si Eliab na panganay, at ang kasunod niya ay si Abinadab, at ang ikatlo ay si Samma.
14 At si David ang bunso: at ang tatlong pinakamatanda ay sumunod kay Saul.
15 Nguni't si David ay nagpaparoo't parito mula kay Saul (I)upang pasabsabin ang mga tupa ng kaniyang ama sa Beth-lehem.
16 At lumalapit ang Filisteo sa umaga at hapon, at humarap na apat na pung araw.
Si David ay dumalaw sa kampamento at narinig ang hamon ni Goliath.
17 At sinabi ni Isai kay David na kaniyang anak, Dalhin mo ngayon sa iyong mga kapatid ang isang epa nitong trigo na sinangag, at itong sangpung tinapay, at dalhin mong madali sa kampamento, sa iyong mga kapatid;
18 At dalhin mo ang sangpung kesong ito sa kapitan ng kanilang libo, (J)at tingnan mo kung ano ang kalagayan ng iyong mga kapatid, at kumuha ka ng pinakakatunayan.
19 Si Saul nga, at sila at ang lahat ng mga lalake ng Israel ay nasa libis ng Ela, na nakikipaglaban sa mga Filisteo.
20 At si David ay bumangong maaga sa kinaumagahan, at iniwan ang tupa na may isang tagapagalaga, at nagdala at yumaon, na gaya ng iniutos sa kaniya ni Isai; (K)at siya'y naparoon sa kinaroroonan ng mga karo, habang ang hukbo na lumalabas sa pakikipaglaban ay sumisigaw ng pakikipagbaka.
21 At ang Israel at ang mga Filisteo ay nakahanay na sa pagbabaka, hukbo laban sa hukbo.
22 At iniwan ni David ang kaniyang daladalahan sa kamay ng tagapagingat ng (L)daladalahan, at tumakbo sa hukbo, at naparoon, at bumati sa kaniyang mga kapatid.
23 At sa kaniyang pakikipagusap sa kanila, narito, dumating (M)ang bayani, ang Filisteo na taga Gath, na Goliath ang pangalan, mula sa hanay ng mga Filisteo, (N)at nagsalita ng ayon sa mga gayon ding salita: at narinig ni David.
24 At lahat ng mga lalake sa Israel pagkakita sa lalaking yaon ay tumakas mula sa kaniyang harapan, at natakot na mainam.
25 At ang mga lalake ng Israel ay nagsabi, Nakita ba ninyo ang lalaking iyan na sumasampa? Tunay na sumasampa siya upang manghamon sa Israel: at mangyayari, na (O)ang lalaking makapatay sa kaniya, ay payayamanin ng hari ng malaking kayamanan, at ibibigay sa kaniya ang kaniyang anak na babae, at palalayain sa Israel ang sangbahayan ng kaniyang ama.
26 At nagsalita si David sa mga lalaking nakatayo sa siping niya, na nagsasabi, (P)Ano ang gagawin sa lalaking makapatay sa Filisteong ito, at mag-alis sa Israel ng kadustaang ito? sapagka't sinong Filisteong ito na (Q)hindi tuli na siya'y humahamon sa mga hukbo ng (R)buhay na Dios?
27 At sumagot sa kaniya ang bayan, ng ganitong paraan, na sinabi, (S)Ganito ang gagawin sa lalake na makapatay sa kaniya.
28 At narinig ni Eliab na kaniyang pinakamatandang kapatid, nang siya'y magsalita sa mga lalake; at ang galit ni Eliab ay nagalab laban kay David, at kaniyang sinabi, Bakit ka lumusong dito? at kanino mo iniwan ang ilang tupang yaon sa ilang? Talastas ko ang iyong kahambugan, at ang kalikutan ng iyong puso; sapagka't ikaw ay lumusong upang iyong makita ang pagbabaka.
29 At sinabi ni David, Anong aking ginawa ngayon? Wala bang dahilan?
30 At tinalikdan niya siya na napatungo sa iba, at siya'y (T)nagsalita ng gayon ding paraan: at sinagot siya uli ng bayan na gaya ng una.
Si David ang sumagot sa hamon ni Goliath.
31 At nang marinig ang mga salita na sinalita ni David, ay sinaysay nila sa harap ni Saul; at siya'y ipinasundo niya.
32 At sinabi ni David kay Saul, Huwag manglupaypay ang puso ng sinoman dahil sa kaniya; ang (U)iyong lingkod ay yayaon at makikipaglaban sa Filisteong ito.
33 At sinabi ni Saul kay David: Hindi ka makaparoroon laban sa Filisteong ito upang makipaglaban sa kaniya: sapagka't ikaw ay isang bata, at siya'y isang lalaking mangdidigma mula sa kaniyang pagkabata.
34 At sinabi ni David kay Saul, Ang iyong lingkod ay nagaalaga ng mga tupa ng kaniyang ama; at pagka pumaroon ang isang leon, o isang oso, at kinukuha ang isang kordero sa kawan,
35 Ay lumalabas akong hinahabol ko siya, at aking sinasaktan, at aking inililigtas sa kaniyang bibig: at pagka dinadaluhong ako ay aking pinapangahan, at aking sinasaktan, at aking pinapatay.
36 Pinapatay ng iyong lingkod ang leon at gayon din ang oso: at ang Filisteong ito na (V)hindi tuli ay magiging isa sa kanila, yamang kaniyang hinahamon ang mga hukbo ng Dios na buhay.
37 (W)At sinabi ni David, Ang Panginoon na nagligtas sa akin sa mga pangamot ng leon, at sa pangamot ng oso, ay siyang magliligtas sa akin sa kamay ng Filisteong ito. At sinabi ni Saul kay David, Yumaon ka, at ang (X)Panginoon ay sasa iyo.
38 At sinandatahan ni Saul si David ng kaniyang mga sandata, at kaniyang inilagay ang isang turbanteng tanso sa kaniyang ulo, at kaniyang sinuutan siya ng isang baluti sa katawan.
39 At ibinigkis ni David, ang tabak niya sa kaniyang sandata, at kaniyang tinikmang yumaon; sapagka't hindi pa niya natitikman. At sinabi ni David kay Saul, Hindi ako makayayaon na dala ko ang mga ito; sapagka't hindi ko pa natitikman. At pawang hinubad ni David sa kaniya.
40 At tinangnan niya ang kaniyang tungkod sa kaniyang kamay, at pumili siya ng limang makinis na bato mula sa batis, at isinilid sa supot na kaniyang dala, sa makatuwid baga'y sa kaniyang supot pastor; at ang kaniyang panghilagpos ay nasa kaniyang kamay: at siya'y lumapit sa Filisteo.
Pinatay si Goliath.
41 At nagpatuloy ang Filisteo at lumapit kay David; at (Y)ang lalake na may dala ng kalasag ay nangunguna sa kaniya.
42 At nang tumingin ang Filisteo, at makita si David, ay kaniyang niwalan ng kabuluhan siya; sapagka't siya'y bata pa, at (Z)mapula ang pisngi, at may magandang bikas.
43 At sinabi ng Filisteo kay David, (AA)Ako ba ay aso, na ikaw ay paririto sa akin na may mga tungkod? At nilait ng Filisteo si David sa pamamagitan ng kaniyang mga dios.
44 At sinabi ng Filisteo kay David, Halika, at aking ibibigay ang iyong laman sa mga ibon sa himpapawid at sa mga hayop sa parang.
45 Nang magkagayo'y sinabi ni David sa Filisteo, Ikaw ay naparirito sa akin na may tabak, at may malaking sibat at may (AB)kalasag; nguni't ako'y naparirito laban sa iyo sa pangalan ng Panginoon ng mga hukbo, ng Dios ng mga kawal ng Israel (AC)na iyong hinahamon.
46 Sa araw na ito ay ibibigay ka ng Panginoon sa aking kamay; at sasaktan kita, at pupugutin ko ang ulo mo; at ibibigay ko ang mga bangkay sa hukbo ng mga Filisteo sa mga ibon sa himpapawid sa araw na ito, at sa mababangis na hayop sa lupa; (AD)upang maalaman ng buong lupa na may Dios sa Israel:
47 At upang maalaman ng (AE)buong kapisanang ito na hindi nagliligtas ang Panginoon sa pamamagitan ng tabak o ng sibat: (AF)sapagka't ang pagbabakang ito ay sa Panginoon, at ibibigay niya kayo sa aming kamay.
48 At nangyari, nang bumangon ang Filisteo, at sumulong at lumapit upang salubungin si David, na si David ay nagmadali, at tumakbo sa dako ng kawal upang salubungin ang Filisteo.
49 At isinuot ni David ang kaniyang kamay sa kaniyang supot; at kumuha roon ng isang bato, at inihilagpos, at tinamaan ang Filisteo sa kaniyang noo; at ang bato ay bumaon sa kaniyang noo, at nabuwal na pasubsob sa lupa.
Ang mga Filisteo ay nangalat.
50 (AG)Sa gayo'y nanaig si David sa Filisteo sa pamamagitan ng isang panghilagpos at ng isang bato, at sinaktan ang Filisteo at pinatay niya siya; nguni't walang tabak sa kamay ni David.
51 Nang magkagayo'y tumakbo si David, at tinunghan ang Filisteo, at kinuha ang kaniyang tabak, at binunot sa kaniyang kaluban, at pinatay siya, at (AH)ipinagpugot ng kaniyang ulo. At nang makita ng mga Filisteo na ang kanilang bayani ay patay na, sila'y tumakas.
52 At nagsibangon ang mga lalake ng Israel at ng Juda, at humiyaw at hinabol ang mga Filisteo hanggang sa Gath, at sa mga pintuang-bayan ng (AI)Ecron. At ang mga sugatan sa mga Filisteo ay nabuwal sa daang patungo sa (AJ)Saraim, hanggang sa Gath, at sa Ecron.
53 At nagsibalik ang mga anak ni Israel sa paghabol sa mga Filisteo, at kanilang sinamsam ang kanilang kampamento.
54 At kinuha ni David ang ulo ng Filisteo, at dinala sa (AK)Jerusalem; nguni't kaniyang inilagay ang sandata niya sa kaniyang tolda.
Si David ay dinala kay Saul.
55 At nang makita ni Saul si David na lumalabas laban sa Filisteo, kaniyang sinabi kay (AL)Abner, na kapitan ng hukbo, Abner, (AM)kaninong anak ang batang ito? At sinabi ni Abner, (AN)Buhay ang iyong kaluluwa, Oh hari, hindi ko masabi.
56 At sinabi ng hari, Usisain mo kung kaninong anak ang (AO)batang ito.
57 At pagbalik ni David sa pagpatay sa Filisteo, kinuha siya ni Abner, at dinala siya sa harap ni Saul (AP)na dala ang ulo ng Filisteo sa kaniyang kamay.
58 At sinabi ni Saul sa kaniya, Kaninong anak ka, binata? At sumagot si David, Ako'y anak ng iyong lingkod na si Isai na Beth-lehemita.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.
