1 Cronica 23
Magandang Balita Biblia
Ang Gawain ng mga Levita
23 Nang(A) matandang matanda na si David, ginawa niyang hari ng Israel ang anak niyang si Solomon.
2 Tinipon ni David ang mga pinuno ng Israel, ang mga pari at ang mga Levita. 3 Ang mga nabilang na Levita mula sa gulang na tatlumpung taon pataas ay 38,000. 4 Ang mga inatasan sa pangangalaga at paglilingkod sa Templo ay 24,000. Ang ginawang mga opisyal at mga hukom ay 6,000, 5 at 4,000 ang kinuhang mga bantay sa pintuan. Ang magpupuri kay Yahweh sa saliw ng mga instrumentong ginawa ni David ay 4,000 rin. 6 Pinagtatlong pangkat ni David ang mga Levita ayon sa tatlong anak ni Levi na sina Gershon, Kohat at Merari.
7 Ang mga anak ni Gershon ay sina Ladan at Simei. 8 Tatlo ang anak ni Ladan: si Jehiel na pinuno, si Zetam at si Joel. 9 Tatlo rin ang anak ni Simei: sina Zelomit, Haziel at Haran. Sila ang mga pinuno ng mga angkan na nagbuhat kay Ladan. 10 Apat ang anak ni Simei na kapatid ni Ladan: sina Jahat, Zina, Jeus at Berias. 11 Si Jahat ang pinuno at si Zisa naman ang kanang kamay. Kakaunti ang mga anak na lalaki nina Jeus at Berias kaya't pinagsama na sila at ibinilang na iisang angkan.
12 Apat ang anak ni Kohat: sina Amram, Izar, Hebron at Uziel. 13 Mga(B) anak ni Amram sina Aaron at Moises. Si Aaron at ang kanyang mga anak ay ibinukod upang mangalaga sa mga ganap na sagradong bagay habang panahon. Sila ang magsusunog ng mga handog sa harapan ni Yahweh, maglilingkod at magbabasbas sa pangalan ni Yahweh magpakailanman. 14 Ngunit ang mga anak ni Moises, ang lingkod ng Diyos, ay ibinilang na kasama ng mga Levita. 15 Ang mga anak ni Moises ay sina Gershon at Eliezer. 16 Sa mga anak ni Gershon, si Sebuel ang pinuno; 17 kay Eliezer naman ay si Rehabias na kaisa-isa niyang anak na lalaki. Si Rehabias naman ay maraming anak.
18 Sa mga anak ni Izar, na pangalawang anak ni Kohat, si Zelomit ang pinuno. 19 Ang apat na anak ni Hebron ay sina Jerias na pinuno, Amarias, Jahaziel at Jecamiam. 20 Sa mga anak naman ni Uziel, si Micas ang pinuno at si Isias ang pangalawa.
21 Ang mga anak ni Merari ay sina Mahli at Musi. Mga anak ni Mahli sina Eleazar at Kis. 22 Namatay si Eleazar na walang anak na lalaki, kundi panay babae. Sila ay napangasawa ng kanilang mga pinsan na mula sa angkan ni Kish. 23 Tatlo naman ang mga anak ni Musi: sina Mahli, Eder at Jeremot.
24 Ito ang bumubuo sa lipi ni Levi ayon sa angkan at sambahayan. Bawat isa, mula sa edad na dalawampu pataas ay katulong sa paglilingkod sa Templo ni Yahweh.
25 Sinabi ni David, “Binigyan na ni Yahweh, na Diyos ng Israel, ng kapayapaan ang kanyang bayan, at maninirahan na siya sa Jerusalem magpakailanman. 26 Dahil(C) dito'y hindi na bubuhatin ng mga Levita ang tabernakulo at ang mga kagamitan sa paglilingkod dito.” 27 Iyan ang dahilan kaya ipinapalista ang mga Levita mula sa gulang na dalawampu pataas. 28 Sila'y(D) tutulong na lamang sa mga paring mula sa angkan ni Aaron sa paglilingkod sa loob ng Templo ni Yahweh. Sila ang mangangalaga sa mga bulwagan, mga silid, mga sagradong kasangkapan, at iba pang mga gawain sa Templo ng Diyos. 29 Sila rin ang tutulong sa paghahanda ng tinapay na panghandog, ng harinang panghalo sa mga panghandog, ng manipis na tinapay na walang pampaalsa, mga nilutong handog, at ng harinang hinaluan ng langis. Tutulong din sila sa pagtakal at pagsukat ng mga handog. 30 Umaga't hapon, haharap sila kay Yahweh upang magpuri at magpasalamat, 31 at kung may handog na susunugin, sa mga Araw ng Pamamahinga, Pista ng Bagong Buwan at mga takdang kapistahan ayon sa bilang at patakarang ipinag-uutos, sa harapan ni Yahweh, sa lahat ng panahon. 32 Ang mga Levita nga ang mangangalaga sa Toldang Tipanan at sa dakong banal, at tutulungan nila ang mga paring kamag-anak nila sa lahat ng paglilingkod sa Templo ni Yahweh.
1 Cronica 23
Ang Biblia (1978)
Itinatag ni David ang katungkulan ng mga Levita.
23 Si David nga ay matanda na at puspos ng mga araw: (A)at ginawa niyang hari si Salomon na kaniyang anak sa Israel.
2 At pinisan niya ang lahat na prinsipe ng Israel, pati ang mga saserdote at ng mga Levita.
3 At ang mga Levita ay binilang mula sa tatlongpung taon (B)na patanda: at ang kanilang bilang, (C)ayon sa kanilang mga ulo, lalake't lalake, ay (D)tatlongpu't walong libo.
4 Sa mga ito, dalawangpu't apat na libo ang nagsisitingin ng gawa sa bahay ng Panginoon; at anim na libo ay mga (E)pinuno at mga hukom:
5 At apat na libo ay tagatanodpinto: at apat na libo ay mangaawit sa Panginoon na may mga panugtog na aking ginawa, sabi ni David, upang ipangpuri.
6 At (F)hinati sila ni David sa (G)mga hanay ayon sa mga (H)anak ni Levi; si Gerson, si Coath, at si Merari.
7 (I)Sa mga Gersonita: si (J)Ladan, at si Simi.
8 Ang mga anak ni Ladan: si Jehiel na pinuno, at si Zetham, at si Joel, tatlo.
9 Ang mga anak ni Simi: si Selomith, at si Haziel, at si Aran, tatlo. Ang mga ito ang mga pangulo sa mga sangbahayan ng mga magulang ni Ladan.
10 At ang mga anak ni Simi: si Jahath, si Zinat, at si Jeus, at si Berias. Ang apat na ito ang mga anak ni Simi.
11 At si Jahath ay siyang pinuno, at si Zinat ang ikalawa: nguni't si Jeus at si Berias ay hindi nagkaroon ng maraming anak; kaya't sila'y naging isang sangbahayan ng mga magulang sa isang bilang.
12 Ang mga anak ni Coath: si Amram, si Ishar, si Hebron, at si Uzziel, apat.
13 Ang mga anak ni (K)Amram: si Aaron at si Moises: at si Aaron ay (L)nahiwalay, upang kaniyang ariing banal ang mga kabanalbanalang bagay, niya at ng kaniyang mga anak magpakailan man, upang magsunog ng kamangyan sa harap ng Panginoon, upang mangasiwa sa kaniya, at upang (M)bumasbas sa pamamagitan ng kaniyang pangalan, magpakailan man.
14 Nguni't tungkol kay Moises na (N)lalake ng Dios, ang kaniyang mga anak (O)ay ibinilang na lipi ni Levi.
15 (P)Ang mga anak ni Moises: si Gerson at si Eliezer.
16 Ang mga anak ni Gerson: si (Q)Sebuel na pinuno.
17 At ang mga anak ni Eliezer: si Rehabia na pinuno. At si Eliezer ay hindi nagkaroon ng ibang mga anak; nguni't ang mga anak ni Rehabia ay totoong marami.
18 Ang mga anak ni Ishar: si (R)Selomith na pinuno.
19 Ang mga anak ni Hebron: si Jeria ang pinuno, si Amarias ang ikalawa, si Jahaziel ang ikatlo, at si Jecaman ang ikaapat.
20 Ang mga anak ni Uzziel: si Micha ang pinuno, at si Isia ang ikalawa.
21 (S)Ang mga anak ni Merari: si Mahali at si Musi. Ang mga anak ni Mahali: si Eleazar at si Cis.
22 At si Eleazar ay namatay, at hindi nagkaanak ng lalake, kundi mga babae lamang: at nangagasawa sa kanila ang kanilang mga kapatid na mga anak ni Cis.
23 Ang mga anak ni Musi: si Mahali, at si Eder, at si Jerimoth, tatlo.
24 Ang mga ito ang mga anak ni (T)Levi, ayon sa mga sangbahayan ng kanilang mga magulang, sa makatuwid baga'y mga pangulo sa mga sangbahayan ng mga magulang doon sa mga (U)nabilang, sa bilang ng mga pangalan, ayon sa kanilang mga ulo, na nagsigawa ng gawain sa paglilingkod sa bahay ng Panginoon, (V)mula sa dalawangpung taong gulang na patanda.
25 Sapagka't sinabi ni David, Ang Panginoon, ang Dios ng Israel ay nagbigay ng kapahingahan sa kaniyang bayan; at siya'y tumatahan sa Jerusalem magpakailan man:
26 At ang mga Levita naman ay hindi na magkakailangan pang pasanin (W)ang tabernakulo at ang lahat na kasangkapan niyaon sa paglilingkod doon.
27 Sapagka't ayon sa mga huling salita ni David ay nabilang ang mga anak ni Levi, mula sa dalawangpung taong gulang na patanda.
28 Sapagka't ang kanilang katungkulan ay tumulong sa mga anak ni Aaron sa paglilingkod sa bahay ng Panginoon, sa mga looban, at sa mga silid, at sa paglilinis ng lahat na banal na bagay, sa gawain na paglilingkod sa bahay ng Dios;
29 Gayon din sa tinapay na handog, at sa mainam na harina na pinakahandog na harina, maging sa mga manipis na tinapay na walang lebadura, at doon sa niluto sa kawali, at doon sa pinirito; at sa lahat na sarisaring takalan at panakal;
30 At upang tumayo tuwing umaga na pasalamat at pumuri sa Panginoon, at gayon din naman sa hapon;
31 At upang maghandog ng lahat na handog sa Panginoon na susunugin sa mga sabbath, sa mga bagong buwan, at sa mga (X)takdang kapistahan, sa bilang alinsunod sa utos tungkol sa kanila, na palagi sa harap ng Panginoon:
32 At sila ang magsisipagingat ng (Y)katungkulan sa tabernakulo ng kapisanan, at (Z)ng katungkulan sa banal na dako, at ng katungkulan ng mga anak ni Aaron na kanilang mga kapatid, sa paglilingkod sa bahay ng Panginoon.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978
