Add parallel Print Page Options

Ang mga Unang Tagasunod ni David Mula sa Lipi ni Benjamin

12 Narito ang mga lalaking pumunta sa Ziklag at sumama kay David noong siya'y nagtatago kay Saul. Sila'y kilalang mandirigma, kaliwa't kanan kung gumamit ng pana, at asintado sa tirador. Sa lipi ni Benjamin mula sa angkan ni Saul: si Ahiezer, ang pinakapinuno at si Joas ang pangalawa, parehong anak ni Semaa na taga-Gibea; sina Jeziel at Pelet na mga anak ni Azmavet; sina Beraca at Jehu na parehong taga-Anatot; si Ismaias, na taga-Gibeon, isa sa mga pinuno ng Tatlumpu; sina Jeremias, Jahaziel, Johanan at Jozabad na mga taga-Gedera; sina Eluzai, Jerimot, Bealias, Semarias at Sefatias na taga-Haruf; sina Elkana, Isaias, Azarel, Joezer at Jasobeam na buhat sa angkan ni Korah; sina Jocla at Zebadias na mga anak ni Jeroham na taga-Gedor.

Ang mga Tagasunod ni David Mula sa Lipi ni Gad

Sa lipi ni Gad, ang sumama kay David ay mga mahusay na mandirigma at sanay sa paggamit ng sibat at kalasag, mababagsik na parang leon at kung kumilos ay simbilis ng mga usa sa bundok. Ang pinakapinuno nila ay si Eser at ang iba pa ayon sa pagkakasunud-sunod ay sina Obadias, Eliab, 10 Mismana, Jeremias, 11 Atai, Eliel, 12 Johanan, Elzabad, 13 Jeremias at Macbanai. 14 Ang mga ito'y mga opisyal ng hukbo na ang pinakamaliit na pinapamahalaan ay hindi bababâ sa isang daan at ang pinakamalaki ay isang libo. 15 Sila ang tumawid sa Ilog Jordan nang unang buwan na ito'y umaapaw at naging dahilan nang paglikas ng mga taong naninirahan sa silangan at kanluran ng kapatagan doon.

Ang mga Tagasunod ni David Mula sa mga Lipi nina Benjamin at Juda

16 May iba pang mga tauhan mula sa mga lipi nina Benjamin at Juda na sumama na rin kay David. 17 Ang mga ito'y sinalubong ni David na nagsasabing, “Kung naparito kayo bilang mga kaibigan, tatanggapin ko kayo. Ngunit kung mga kaaway, kahit wala pa akong nagagawang karahasan, hatulan nawa kayo ng Diyos ng aming mga ninuno.” 18 Noon din si Amasai na pinuno ng Tatlumpu ay kinasihan ng Espiritu ng Diyos at nagsabi:

“Kami'y sa iyo, O David, kami'y kakampi mo, anak ni Jesse!
Kapayapaan nawa'y sumaiyo at sa mga kapanalig mo!
Sapagkat Diyos ang iyong katulong.”

Malugod silang tinanggap ni David at ginawa silang mga pinuno sa kanyang hukbo.

Ang mga Tagasunod ni David Mula sa Lipi ni Manases

19 Mayroon ding mula sa lipi ni Manases na nakiisa kay David nang kanilang sasalakayin si Saul, kasama ng mga Filisteo. Hindi na natuloy ang pagtulong niya sa mga Filisteo sapagkat hindi nagtiwala sa kanya ang mga pinuno nito. Siya'y pinaalis at sinabi, “Malalagay lamang sa panganib ang ating buhay, sapagkat tiyak na kay Saul pa rin papanig ang taong iyan!” 20 Nang bumalik na si David sa Ziklag, dumating nga sa kanya ang mga tauhan mula sa lipi ni Manases. Ito'y sina Adna, Jozabad, Jediael, Micael, Jozabad, Eliu at Zilletai. Bawat isa sa kanila'y pinuno ng sanlibong kawal. 21 Malaki ang naitulong nila kay David at sa kanyang mga tauhan, sapagkat sanay silang mandirigma. Ang mga ito'y ginawa niyang mga opisyal sa kanyang hukbo. 22 Araw-araw, may dumarating kay David upang tumulong, kaya't nakabuo siya ng napakalaking hukbo.

Ang Listahan ng Hukbo ni David

23 Ito ang bilang ng mga kawal na nagpunta kay David sa Hebron upang ilipat sa kanya ang pagiging hari ni Saul ayon sa pangako ni Yahweh:

24-37 Juda: 6,800 na mahuhusay gumamit ng sibat at kalasag; Simeon: 7,100 na mga kilala sa tapang at lakas; Levi: 4,600; Aaron sa pamumuno ni Joiada: 3,700; Zadok kasama ang 22 pinuno ng kanilang angkan; Benjamin, lipi ni Saul: 3,000, karamihan sa kanila'y nanatiling tapat sa angkan ni Saul; Efraim: 20,800 matatapang at kilala sa kanilang sambayanan; Kalahating lipi ni Manases: 18,000 na pinapunta upang gawing hari si David; Isacar: 200 mga pinuno kasama ang mga angkang kanilang pinamumunuan. Ang mga ito'y marunong humula ng panahon at nagpapasya kung ano ang hakbang na gagawin ng bansang Israel; Zebulun: 50,000 kawal na bihasa sa labanan at sanay sa lahat ng uri ng sandata; Neftali: 1,000 pinuno at 37,000 kawal na armado ng kalasag at sibat; Dan: 28,600 kawal na sanay sa labanan; Asher: 40,000 kawal na handa na sa labanan; Mula naman sa lipi nina Ruben, Gad at kalahating lipi ni Manases na nasa ibayo ng Jordan: 120,000 armado at bihasa sa lahat ng uri ng sandata.

38 Ang lahat ng ito ay handang makipagdigma, at nagpunta sa Hebron na iisa ang layunin: gawing hari ng Israel si David. 39 Tatlong araw silang kumain at uminom na kasama ni David sapagkat sila'y ipinaghanda roon ng kanilang mga kababayan. 40 Maging ang mga taga kalapit-bayan ng Isacar, Zebulun at Neftali ay nagdala sa kanila ng pagkain. Dumating sila roon na dala ang mga asno, kamelyo, bisiro at toro, at sari-saring pagkain tulad ng harina, igos, mga kumpol ng tinuyong ubas, alak, langis, mga toro at tupa. Nagkaroon ng malaking pagdiriwang sa buong Israel.

'1 Paralipomeno 12 ' not found for the version: Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version.

Ang mga kaibigan ni David sa Siclag.

12 Ang mga ito nga ang nagsiparoon kay David (A)sa Siclag, samantalang siya'y nagkukubli pa dahil kay Saul na anak ni Cis: at sila'y nasa mga makapangyarihang lalake, na kaniyang mga katulong sa pakikipagdigma.

Sila'y nasasakbatan ng mga busog, at kanilang ginagamit kapuwa ang kanang kamay at kaliwa sa pagpapahilagpos ng mga bato, at sa pagpapahilagpos ng mga pana mula sa busog; sila'y sa mga kapatid ni Saul sa Benjamin.

Ang pinuno ay si Ahiezer, saka si Joas, na mga anak ni Semaa na Gabaathita; at si Jeziel, at si Pheleth, na mga anak ni Azmaveth; at si Beraca, at si Jehu na Anathothita;

At si Ismaias na Gabaonita, na makapangyarihang lalake sa tatlongpu, at pinuno ng tatlongpu; at si Jeremias, at si Jahaziel, at si Joanan, at si Jozabad na Gederathita;

Si Eluzai, at si Jeremoth, at si Bealias, at si Semarias, at si Sephatias na Haruphita;

Si Elcana, at si Isias, at si Azareel, at si Joezer, at si Jasobam, na mga Corita:

At si Joela, at si Zebadias, na mga anak ni Jeroham na taga Gedor.

Ang mga Gadita na nagsisunod kay David.

At sa mga Gadita ay nagsihiwalay na nagsilakip kay David sa katibayan sa ilang, ang mga makapangyarihang lalaking may tapang, na mga lalaking bihasa sa pakikidigma, na makahahawak ng kalasag at sibat; na ang mga mukha nila ay gaya ng mga mukha ng mga leon, at sila'y maliliksing gaya ng mga usa sa mga bundok;

Si Eser ang pinuno, si Obadias ang ikalawa, si Eliab ang ikatlo;

10 Si Mismana ang ikaapat, si Jeremias ang ikalima;

11 Si Attai ang ikaanim, si Eliel ang ikapito;

12 Si Johanan ang ikawalo, si Elzabad ang ikasiyam;

13 Si Jeremias ang ikasangpu, si Machbani ang ikalabingisa.

14 Ang mga ito sa mga anak ni Gad ay mga pinunong kawal ng hukbo; ang pinakamaliit ay katimbang ng isang daan, at ang pinakamalaki ay ng isang libo.

15 Ang mga ito ang nagsitawid sa Jordan sa unang buwan, nang apawan ang lahat niyang mga pangpang; at kanilang pinatakas ang lahat na sa mga libis, ang sa dakong silanganan, at gayon din ang sa dakong kalunuran.

16 At nagsiparoon ang ilan sa mga anak ni Benjamin at ni Juda sa katibayan kay David.

17 At si David ay lumabas na sinalubong sila, at sumagot at nagsabi sa kanila, Kung kayo'y nagsisiparitong payapa sa akin upang tulungan ako, ang aking puso ay malalakip sa inyo: nguni't kung upang pagliluhan ako sa aking mga kaaway, dangang walang kasamaan sa aking mga kamay, masdan ng Dios ng ating mga magulang, at sawayin.

18 Nang magkagayo'y ang Espiritu ay dumating kay (B)Amasai, na siyang pinuno ng tatlongpu, at sinabi niya, Iyo kami, David, at para sa iyo, ikaw anak ni Isai: kapayapaan, kapayapaan ang sumaiyo, at kapayapaan ang sumaiyong mga katulong; sapagka't tinutulungan ka ng iyong Dios. Nang magkagayo'y tinanggap ni David sila, at ginawa silang mga pinunong kawal ng pulutong.

19 Sa Manases naman ay nagsihilig ang ilan kay David, (C)nang siya'y pumaroong kasama ng mga Filisteo laban kay Saul upang bumaka: nguni't hindi nila tinulungan sila: sapagka't pinapagpaalam siya ng mga panginoon ng mga Filisteo sa payo na sinasabi, Siya'y mahihilig sa kaniyang panginoong kay Saul sa pamumuhunan ng ating mga ulo.

20 Sa pagparoon niya sa Siclag, ay nagsihilig sa kaniya mula sa Manases, si Adnas, at si Jozabad, at si Jediaiel, at si Michael, at si Jozabad at si Eliu, at si Sillethai, na mga pinunong kawal ng mga lilibuhin na nasa Manases.

21 At kanilang tinulungan si David laban sa pulutong (D)ng mga magnanakaw: sapagka't silang lahat ay mga makapangyarihang lalake na may tapang, at mga pinunong kawal sa hukbo.

22 Sapagka't araw-araw ay may naparoon kay David upang tumulong sa kaniya, hanggang sa naging malaking hukbo, na gaya ng hukbo ng Dios.

Ang ibang mga kaibigan ni David.

23 At ito ang bilang ng mga ulo nila na mga may sandata na handa sa pakikidigma, na (E)nagsiparoon kay David sa Hebron, upang ibalik ang kaharian ni Saul sa kaniya, ayon sa salita ng Panginoon.

24 Ang mga anak ni Juda na nagsisihawak ng kalasag at sibat ay anim na libo at walong daan, na may mga sandata sa pakikipagdigma.

25 Sa mga anak ni Simeon, na mga makapangyarihang lalake na may tapang na handa sa pakikipagdigma, pitong libo at isang daan.

26 Sa mga anak ni Levi ay apat na libo at anim na raan.

27 At si Joiada ang tagapamatnugot ng sangbahayan ni Aaron, at kasama niya'y tatlong libo at pitong daan;

28 At si Sadoc, na isang binatang makapangyarihan na may tapang, at sa sangbahayan ng kaniyang magulang ay dalawang pu at dalawang pinunong kawal.

29 At sa mga anak ni Benjamin, na mga kapatid ni Saul, tatlong libo: sapagka't ang kalakhang bahagi sa kanila ay nagsisipagingat ng kanilang pakikipagkasundo sa sangbahayan ni Saul.

30 At sa mga anak ni Ephraim, dalawang pung libo at walong daan, na mga makapangyarihang lalaking may tapang, mga bantog na lalake sa mga sangbahayan ng kanilang mga magulang.

31 At sa kalahating lipi ng Manases ay labing walong libo, na mga nasaysay sa pamamagitan ng pangalan, upang magsiparoon at gawing hari si David.

32 At sa mga anak ni Issachar, na mga lalaking maalam ng mga panahon, upang matalastas kung ano ang marapat gawin ng Israel; ang mga pinuno sa kanila ay dalawang daan; at ang lahat nilang kapatid ay nasa kanilang utos.

33 Sa Zabulon, yaong mga makalalabas sa hukbo, na makahahanay sa pagbabaka na may sarisaring kasangkapang pangdigma, ay limangpung libo; at makapagaayos sa hanay sa pagbabaka, at hindi nagaalinlangan ang loob.

34 At sa Nephtali ay isang libong pinunong kawal, at may kasama silang mga may kalasag at sibat na tatlong pu't pitong libo.

35 At sa mga Danita na makahahanay sa pagbabaka ay dalawangpu't walong libo at anim na raan.

36 At sa Aser, yaong mga makalalabas sa hukbo, na makahahanay sa pagbabaka, apat na pung libo.

37 At sa kabilang dako ng Jordan, sa mga Rubenita, at sa mga Gadita, at sa kalahating lipi ni Manases, na may sarisaring kasangkapang pangdigma sa pakikipagbaka, isang daan at dalawangpung libo.

Ang mga tumulong kay David upang maging hari.

38 Lahat ng mga ito na mga lalaking mangdidigma na makahahanay sa pagbabaka, ay nagsiparoong may sakdal na puso sa Hebron, upang gawing hari si David sa buong Israel: at ang lahat na nangalabi sa Israel ay nagkaisang loob din naman upang gawing hari si David.

39 At sila'y dumoong kasama ni David na tatlong araw, na kumain at uminom: sapagka't ipinaghanda sila ng kanilang mga kapatid.

40 Bukod dito'y silang malapit sa kaniya, sa makatuwid baga'y hanggang sa Issachar, at Zabulon at Nephtali, ay nagsipagdala ng tinapay na nasa ibabaw ng mga asno, at ng mga kamelyo, at ng mga mula, at ng mga baka, mga pagkaing harina, at mga binilong igos, at mga buwig ng pasas, at alak, at langis, at mga baka, at mga tupa na sagana: sapagka't may kagalakan sa Israel.