Add parallel Print Page Options

Namatay si Nadab at Abihu

10 Ang dalawang anak ni Aaron na sina Nadab at Abihu ay kapwa kumuha ng lalagyan ng insenso. Nilagyan nila ito ng mga baga at insenso at inihandog sa Panginoon. Pero ang ginawa nilang itoʼy hindi ayon sa utos ng Panginoon, dahil iba ang apoy na kanilang ginamit para rito.[a] Kaya nagpadala ng apoy ang Panginoon at sinunog sila hanggang sa silaʼy mamatay sa presensya ng Panginoon doon sa Toldang Tipanan. Sinabi ni Moises kay Aaron, “Iyan ang ibig sabihin ng Panginoon nang sabihin niya,

‘Dapat malaman ng mga pari[b] na akoʼy banal,
at dapat akong parangalan ng lahat ng tao.’ ”

Hindi umimik si Aaron. Ipinatawag ni Moises si Mishael at si Elzafan na mga anak ni Uziel na tiyuhin ni Aaron at sinabi niya sa kanila, “Kunin ninyo ang mga bangkay ng inyong mga pinsan sa Tolda at dalhin ninyo sa labas ng kampo.” Kaya kinuha nila ang mga bangkay, sa pamamagitan ng paghawak sa mga damit nito at dinala sa labas ng kampo ayon sa utos ni Moises. Pagkatapos, sinabi ni Moises kay Aaron at sa mga anak niyang sina Eleazar at Itamar, “Huwag ninyong guguluhin ang inyong buhok o pupunitin man ang inyong damit para ipakita ang inyong pagluluksa sa namatay. Kapag ginawa ninyo iyon, pati kayo ay mamamatay at magagalit ang Panginoon sa lahat ng taga-Israel. Pero maaaring magluksa ang mga Israelitang kamag-anak ninyo para sa kanilang dalawa na sinunog ng Panginoon. Huwag muna kayong umalis sa pintuan ng Tolda.[c] Mamamatay kayo kapag umalis kayo, dahil pinili kayo ng Panginoon para maging mga pari sa pamamagitan ng pagpahid sa inyo ng langis.” At sinunod nila ang iniutos ni Moises.

Sinabi ng Panginoon kay Aaron, “Ikaw at ang iyong mga anak ay hindi dapat uminom ng alak o ng anumang inuming nakakalasing kapag papasok sa Tolda. Kapag ginawa ninyo iyon, mamamatay kayo. Dapat ninyong sundin ang tuntuning ito, kayo at ng susunod pang mga henerasyon. 10 Dapat ninyong malaman kung alin ang para sa Panginoon at kung alin ang para sa lahat, kung alin ang malinis at marumi. 11 Kinakailangang turuan ninyo ang kapwa ninyo Israelita tungkol sa lahat ng tuntuning ibinigay ko sa inyo sa pamamagitan ni Moises.”

12 Sinabi ni Moises kay Aaron at sa dalawang anak niyang natitira na sina Eleazar at Itamar, “Kunin ninyo ang natirang handog na pagpaparangal mula sa mga handog sa pamamagitan ng apoy para sa Panginoon. Lutuin ninyo iyon nang walang pampaalsa at kainin ninyo malapit sa altar dahil napakabanal niyon. 13 Iyon ang inyong bahagi mula sa handog sa pamamagitan ng apoy para sa Panginoon. Ito ang iniutos sa akin ng Panginoon. 14 Pero ang pitso at hita ng hayop na itinaas at inihandog sa Panginoon ay para sa iyo at sa iyong buong sambahayan. Kainin ninyo iyon sa lugar na itinuturing nating malinis. Itoʼy ibinibigay sa inyo bilang bahagi ninyo mula sa handog ng mga taga-Israel na handog para sa mabuting relasyon. 15 Kapag naghandog ang mga taga-Israel, ihandog nila ang pitso, at hita ng hayop pati na ang mga taba bilang handog sa pamamagitan ng apoy. Ang pitso at hita ay itataas nila sa Panginoon bilang handog na itinataas. Pagkatapos, ibibigay nila ito sa inyo dahil ito ang inyong bahagi sa handog. Itoʼy para sa inyo, at sa inyong mga angkan magpakailanman ayon sa iniutos ng Panginoon.”

16 Nang siyasatin ni Moises ang tungkol sa kambing na handog sa paglilinis,[d] napag-alaman niyang nasunog na itong lahat.[e] Kaya nagalit siya kina Eleazar at Itamar at sinabihan, 17 “Bakit hindi ninyo kinain ang handog sa paglilinis sa banal na lugar? Ang handog na iyon ay napakabanal, at iyon ay ibinigay ng Panginoon sa inyo para matubos ang mga tao sa kanilang mga kasalanan sa presensya ng Panginoon. 18 Sapagkat ang dugo nito ay hindi dinala sa loob ng Banal na Lugar, kinain sana ninyo iyon doon sa Tolda, ayon sa sinabi ko sa inyo.”

19 Pero sumagot si Aaron kay Moises, “Kanina, naghandog ang aking mga anak ng kanilang handog sa paglilinis at handog na sinusunog,[f] pero namatay ang dalawa sa kanila. Sa nangyaring ito sa aking mga anak, matutuwa kaya ang Panginoon kung kinain ko ang handog sa paglilinis ngayong araw?” 20 Sumang-ayon si Moises sa sagot ni Aaron.

Footnotes

  1. 10:1 iba … rito: o, iba ang pinagkunan nila ng apoy para rito.
  2. 10:3 mga pari: sa literal, ang mga lumalapit sa akin.
  3. 10:7 Maaaring ang ibig sabihin nito ay hindi sila maaaring magluksa o umalis sa Tolda para maipagpatuloy nila ang responsibilidad nila sa paghahandog sa Panginoon bilang mga pari.
  4. 10:16 Tingnan ang 9:15.
  5. 10:16 Ayon sa paraan ng paghahandog na makikita sa 6:25-30, ang karne ng hayop ng handog na ito ay dapat kinakain ng mga pari.
  6. 10:19 Inihandog ni Aaron at ng mga anak niya ang mga handog na ito noong hindi pa namamatay ang dalawang anak niya. (Tingnan ang 9:8-16.)