Add parallel Print Page Options

Mga Pangyayaring Nangangailangan ng Handog Pangkasalanan

“Kapag may hayagang panawagan upang sumaksi, at magagawa ng isang tao na sumaksi bilang isa na nakakita o nakarinig, ngunit ayaw namang magsalita, ang taong iyon ay nagkakasala at dapat parusahan.

O kung ang sinuman ay nakahipo ng alinmang bagay na marumi, o maging ito ay bangkay ng mabangis na hayop na marumi, o bangkay ng umuusad na marumi, at di niya iyon nalaman, siya'y magiging marumi at nagkakasala.

O kung siya'y nakahipo ng karumihan ng tao, maging anumang karumihan niya, at hindi niya iyon nalalaman, siya ay nagkakasala kapag nalaman niya iyon.

O kapag ang isang tao ay sumumpa nang padalus-dalos sa pamamagitan ng kanyang mga labi, upang gumawa ng masama o ng mabuti, anumang padalus-dalos na panunumpa na isinumpa ng tao, at iyon ay hindi niya nalaman, siya ay nagkakasala kapag nalaman niya iyon.

Kapag nagkasala ka sa isa sa mga ito, ipahayag mo ang iyong kasalanang nagawa.

Dadalhin niya sa Panginoon ang kanyang handog para sa budhing maysala dahil sa kasalanang nagawa niya, isang babaing hayop mula sa kawan, isang kordero o isang kambing bilang handog pangkasalanan, at ang pari ay gagawa ng pagtubos para sa kanya.

“Subalit kung hindi niya kaya ang halaga ng isang kordero, siya na nagkasala ay magdadala sa Panginoon bilang handog para sa kasalanang kanyang ginawa, ng dalawang batu-bato o ng dalawang batang kalapati—ang isa'y bilang handog pangkasalanan at ang isa'y bilang handog na sinusunog.

Kanyang dadalhin ang mga ito sa pari na siyang maghahandog nito, ang una ay para sa handog pangkasalanan. Pipilipitin niya ang ulo mula sa leeg, ngunit hindi ito paghihiwalayin.

Magwiwisik siya ng kaunting dugo ng handog pangkasalanan sa gilid ng dambana; at ang nalabi sa dugo ay patutuluin sa paanan ng dambana; ito ay handog pangkasalanan.

10 Ihahandog niya ang ikalawa bilang handog na sinusunog ayon sa tuntunin; at ang pari ay gagawa ng pagtubos para sa kanya alang-alang sa kasalanan na kanyang nagawa, at siya ay patatawarin.

11 “Subalit kung hindi niya kayang magdala ng dalawang batu-bato, o ng dalawang batang kalapati, ang nagkasala ay magdadala ng ikasampung bahagi ng isang efa[a] ng piling harina bilang handog pangkasalanan niya. Hindi niya ito lalagyan ng langis ni lalagyan man ng kamanyang, sapagkat ito'y handog pangkasalanan.

12 Dadalhin niya ito sa pari at ang pari ay kukuha ng isang dakot mula roon bilang handog na pinakaalaala at ito'y susunugin sa dambana, sa ibabaw ng handog sa Panginoon na pinaraan sa apoy; ito ay handog pangkasalanan.

13 Gayon gagawin ng pari ang pagtubos para sa nagkasala laban sa alinman sa mga bagay na ito, at siya ay patatawarin. Ang nalabi ay para sa pari gaya ng butil na handog.”

14 At nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,

15 “Kung ang sinuman ay nakagawa ng pagsira sa pagtitiwala at nagkasala nang hindi sinasadya sa mga banal na bagay ng Panginoon, magdadala siya sa Panginoon ng handog para sa budhing maysala ng isang tupang lalaki na walang kapintasan mula sa kawan, na ayon sa halagang itinakda ng santuwaryo para sa siklong[b] pilak. Ito ay handog para sa budhing maysala.

16 At isasauli niya ang kanyang ipinagkasala laban sa banal na bagay, at magdaragdag pa siya ng ikalimang bahagi, at ibibigay niya sa pari. Ang pari ay gagawa ng pagtubos para sa nagkasala sa pamamagitan ng lalaking tupang handog para sa budhing maysala at siya ay patatawarin.

17 “At kung ang isang tao ay magkasala at gumawa ng alinman sa mga bagay na iniutos ng Panginoon na huwag gawin, kahit hindi niya nalalaman, siya ay nagkasala at mananagot sa kanyang kasamaan.

18 Kaya't siya'y magdadala sa pari ng isang tupang lalaki na walang kapintasan mula sa kawan ayon sa halagang itinakda mo bilang handog para sa budhing maysala. At ang pari ay gagawa ng pagtubos para sa kanya dahil sa kasalanang hindi sinasadya na kanyang nagawa, at siya ay patatawarin.

19 Ito ay handog para sa budhing maysala, siya'y nagkasala sa Panginoon.”

Footnotes

  1. Levitico 5:11 Ang isang efa ay katimbang ng halos 30 litro.
  2. Levitico 5:15 Ang isang siklo ay halos katumbas ng 15 gramo ng pilak nang panahong iyon.