Judas
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version
Pagbati
1 Mula (A) kay Judas, lingkod[a] ni Jesu-Cristo at kapatid ni Santiago. Para sa mga tinawag, iniibig ng Diyos Ama at iniingatan para kay Jesu-Cristo:[b] 2 Nawa'y saganang sumainyo ang habag, kapayapaan, at pag-ibig.
Ang Hatol sa mga Huwad na Tagapagturo
3 Mga minamahal, nais ko sanang isulat sa inyo ang tungkol sa iisang kaligtasang tinanggap nating lahat, ngunit natagpuan kong kailangang isulat sa inyo ang panawagan na ipaglaban ang pananampalatayang minsanan at magpakailanman na ipinagkatiwala sa mga banal. 4 Sapagkat lihim na nakapasok sa inyong samahan ang ilang taong ayaw kumilala sa Diyos. Binabaluktot nila ang aral ukol sa kagandahang-loob ng Diyos at kinakasangkapan ito upang pagbigyan ang kanilang kahalayan. Ayaw rin nilang kilalanin si Jesu-Cristo, ang ating kaisa-isang Pinuno at Panginoon. Noon pa mang una'y nakasulat na ang parusa sa kanila.
5 Kahit (B) alam na ninyo ang lahat ng ito, nais ko pa ring ipaalala na matapos iligtas ng Panginoon ang isang bayan mula sa lupain ng Ehipto, pinuksa niya ang mga hindi sumampalataya. 6 Alalahanin din ninyo ang mga anghel na hindi nag-ingat sa kanilang makapangyarihang katungkulan at sa halip ay iniwan nila ang kanilang tahanan. Kaya't ginapos sila ng di-mapapatid na tanikala at ikinulong sa malalim na kadiliman. Mananatili sila doon hanggang hatulan sila sa dakilang Araw ng Panginoon. 7 Ganoon din (C) ang sinapit ng Sodoma at Gomorra at ng mga karatig-lungsod. Nalulong din sila sa imoralidad at nahumaling sa kakaibang uri ng pakikipagtalik. Sila'y naging halimbawa nang sila'y parusahan sa apoy na walang hanggan.
8 Sa gayunding paraan, ang mga mapanaginiping taong ito ay dumudungis sa kanilang katawan, hindi kumikilala sa mga maykapangyarihan at lumalait sa mga maluwalhating nilalang. 9 Kahit (D) si Miguel na arkanghel ay hindi humatol nang may paglapastangan. Nang makipaglaban siya sa diyablo at nakipagtalo tungkol sa katawan ni Moises, ang tanging sinabi niya'y “Sawayin ka ng Panginoon!” 10 Ngunit ang mga taong ito ay lumalapastangan sa anumang hindi nila nauunawaan. Para silang mga hayop na walang pag-iisip na napapahamak dahil sumusunod lamang sila sa kanilang mga nararamdaman. 11 Kaysaklap ng sasapitin nila! (E) Sapagkat tinahak nila ang daan ni Cain. Isinuko ang sarili sa pagkakamali ni Balaam dahil sa pagkakakitaan; at tulad ni Kora ay napahamak dahil sa paghihimagsik. 12 Ang mga taong ito'y kasiraan sa inyong mga piging ng pagmamahalan. Hindi sila nahihiyang nakikisalo sa inyo at sarili lamang ang pinakakain. Tulad sila ng mga ulap na walang dalang tubig at tinatangay lamang ng hangin. Kagaya sila ng mga punongkahoy sa pagtatapos ng taglagas, hindi na aasahang magbunga dahil binunot na at patay na. 13 Tulad nila'y mga alon sa dagat, itinataas nilang gaya ng bula ang kanilang nakahihiyang mga gawa; tulad nila'y mga talang ligaw na nakalaan na sa malalim na kadiliman magpakailanman.
14 Tungkol (F) din sa mga taong ito ang ipinahayag ni Enoc, ang ikapitong salinlahi mula kay Adan. Sabi niya, “Tingnan ninyo! Dumarating ang Panginoon kasama ang kanyang libu-libong mga anghel, 15 upang hatulan ang lahat, at parusahan ang lahat ng hindi maka-Diyos dahil sa kanilang masasamang gawa, at sa lahat ng paglapastangan sa kanya ng mga makasalanan.” 16 Ang mga taong ito ay mareklamo at mahilig mamintas. Sinusunod nila ang kanilang pagnanasa, at mayayabang magsalita at sanay pumuri nang pakunwari makuha lang ang sariling kagustuhan.
Mga Babala at mga Paalala
17 Ngunit kayo, mga minamahal, alalahanin ninyo ang mga babalang ibinigay noon ng mga apostol ng ating Panginoong Jesu-Cristo. 18 Sinabi (G) nila sa inyo, “Sa huling panahon ay darating ang mga manlilibak na namumuhay sa sarili nilang makamundong pagnanasa.” 19 Ang mga ito ang lumilikha ng pagkakabaha-bahagi, mga taong makamundo, at walang Espiritu ng Diyos. 20 Ngunit kayo, mga minamahal, patatagin ninyo ang inyong sarili sa pinakabanal na pananampalataya. Manalangin sa tulong ng Banal na Espiritu. 21 Manatili kayo sa pag-ibig ng Diyos; asahan ninyo ang habag ng ating Panginoong Jesu-Cristo na naghahatid sa buhay na walang hanggan. 22 Kahabagan ninyo ang mga nag-aalinlangan. 23 Agawin ninyo ang mga nasa apoy upang masagip sila. Mahabag kayo sa iba na taglay ang takot; kamuhian ninyo pati ang mga damit nilang nabahiran ng kahalayan.
Basbas
24 Sa kanya na may kapangyarihang mag-ingat sa inyo upang hindi kayo mapahamak at may kapangyarihang magharap sa inyo nang walang kapintasan at may lubos na kagalakan sa harap ng kanyang kaluwalhatian, 25 sa iisang Diyos na ating Tagapagligtas, sa pamamagitan ni Jesu-Cristong ating Panginoon, sa kanya ang kaluwalhatian, karangalan, kapangyarihan at kapamahalaan, bago pa nagsimula ang panahon, ngayon, at kailanman. Amen.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.