Santiago 2
Ang Biblia, 2001
Babala Laban sa Pagtatangi
2 Mga kapatid ko, huwag kayong magkaroon ng pagtatangi habang tinataglay ninyo ang pananampalataya sa[a] ating Panginoong Jesu-Cristo, ang Panginoon ng kaluwalhatian.
2 Sapagkat kung pumasok sa inyong pagtitipon ang isang taong may mga gintong singsing sa mga daliri at may magandang kasuotan, at may pumasok ding isang dukha na may hamak na damit,
3 at inyong pinansin ang may suot ng damit na maganda, at sinabi, “Maupo ka rito,” at sa dukha ay inyong sinabi, “Tumayo ka riyan,” o “Maupo ka sa ibaba ng tuntungan ng aking mga paa,”
4 hindi ba kayo'y gumagawa ng mga pagtatangi sa inyong mga sarili, at nagiging mga hukom na may masasamang pag-iisip?
5 Makinig kayo, minamahal kong mga kapatid. Hindi ba pinili ng Diyos ang mga dukha sa sanlibutang ito upang maging mayayaman sa pananampalataya at mga tagapagmana ng kaharian na kanyang ipinangako sa mga nagmamahal sa kanya?
6 Ngunit inyong hinamak ang dukha. Hindi ba ang mayayaman ang umaapi sa inyo at kumakaladkad sa inyo sa mga hukuman?
7 Hindi ba sila ang lumalapastangan sa mabuting pangalan na itinawag sa inyo?
8 Mabuti(A) ang inyong ginagawa kung tunay na inyong ginaganap ang kautusang maka-hari, ayon sa kasulatan, “Ibigin mo ang iyong kapwa na gaya ng iyong sarili.”
9 Subalit kung kayo'y nagpapakita ng pagtatangi, kayo ay nagkakasala at kayo'y inilalantad ng kautusan bilang mga lumalabag.
10 Sapagkat sinumang tumutupad ng buong kautusan, subalit lumalabag sa isa, ay nagkakasala sa lahat.
11 Sapagkat(B) siya na nagsabi, “Huwag kang mangalunya,” ay nagsabi rin, “Huwag kang papatay.” Ngayon, kung ikaw ay hindi nangangalunya, ngunit pumapatay ka, ikaw ay lumalabag sa kautusan.
12 Kaya't magsalita kayo at kumilos na gaya ng mga taong hahatulan sa pamamagitan ng kautusan ng kalayaan.
13 Sapagkat ang paghuhukom ay walang awa sa mga hindi nagpakita ng awa; ang awa ay nagtatagumpay laban sa paghuhukom.
Pananampalataya at Gawa
14 Ano ang pakinabang mga kapatid ko, kung sinasabi ng sinuman na siya'y may pananampalataya, ngunit walang mga gawa? Maililigtas ba siya ng kanyang pananampalataya?
15 Kung ang isang kapatid na lalaki o babae ay namumuhay nang hubad at kinukulang sa pagkain sa araw-araw,
16 at ang isa sa inyo ay magsabi sa kanila, “Humayo kayong payapa, magpainit kayo at magpakabusog,” subalit hindi ninyo sila binibigyan ng mga bagay na kailangan ng katawan; anong pakinabang niyon?
17 Kaya't ang pananampalataya na nag-iisa, kung ito ay walang mga gawa ay patay.
18 Subalit may magsasabi, “Ikaw ay mayroong pananampalataya, at ako'y mayroong mga gawa.” Ipakita mo sa akin ang iyong pananampalatayang walang mga gawa, at ipapakita ko sa pamamagitan ng aking mga gawa ang aking pananampalataya.
19 Sumasampalataya ka na ang Diyos ay iisa; mabuti ang iyong ginagawa. Ang mga demonyo man ay sumasampalataya at nanginginig pa.
20 Subalit nais mo bang malaman, O taong hangal, na ang pananampalataya na walang mga gawa ay baog?
21 Hindi(C) ba ang ating amang si Abraham ay inaring-ganap sa pamamagitan ng mga gawa, nang kanyang inihandog si Isaac na kanyang anak sa ibabaw ng dambana?
22 Nakikita mo na ang pananampalataya ay gumagawang kalakip ng kanyang mga gawa, at ang pananampalataya ay naging ganap sa pamamagitan ng mga gawa.
23 Kaya't(D) natupad ang kasulatan na nagsasabi, “Si Abraham ay sumampalataya sa Diyos, at iyo'y ibinilang sa kanya na katuwiran,” at siya'y tinawag na kaibigan ng Diyos.
24 Nakikita ninyo na ang tao'y inaaring-ganap sa pamamagitan ng mga gawa at hindi sa pamamagitan ng pananampalataya lamang.
25 Gayundin,(E) hindi ba't si Rahab na masamang babae[b] ay inaring-ganap sa pamamagitan ng mga gawa, nang tanggapin niya ang mga sugo at pinalabas sila sa ibang daan?
26 Sapagkat kung paanong ang katawan na walang espiritu ay patay, gayundin naman ang pananampalataya na walang mga gawa ay patay.
Footnotes
- Santiago 2:1 o ng .
- Santiago 2:25 o babaing nagbibili ng panandaliang aliw .