Ezra 5
Ang Biblia, 2001
Muling Sinimulan ang Pagtatayo ng Templo
5 Noon,(A) ang mga propetang sina Hagai at Zacarias na anak ni Iddo ay nagsalita ng propesiya sa mga Judio na nasa Juda at Jerusalem, sa pangalan ng Diyos ng Israel na namumuno sa kanila.
2 Nang(B) magkagayo'y tumindig si Zerubabel na anak ni Shealtiel, at si Jeshua na anak ni Jozadak, at sinimulang itayong muli ang bahay ng Diyos na nasa Jerusalem; at kasama nila ang mga propeta ng Diyos na tumulong sa kanila.
3 Nang panahon ding iyon ay pumunta sa kanila si Tatenai na tagapamahala sa lalawigan sa kabila ng Ilog, at si Setarboznai at ang kanilang mga kasama, at sinabi sa kanila ang ganito, “Sino ang nagbigay sa inyo ng utos upang itayo ang bahay na ito?”
4 Kanilang tinanong din sila ng ganito, “Anu-ano ang mga pangalan ng mga taong gumagawa ng bahay na ito?”
5 Ngunit ang mata ng kanilang Diyos ay nakatingin sa matatanda ng mga Judio, at sila'y hindi nila napatigil hanggang sa ang isang ulat ay makarating kay Dario at ang sagot ay maibalik sa pamamagitan ng sulat tungkol doon.
6 Ang sipi ng sulat na ipinadala ni Tatenai, na tagapamahala ng lalawigan sa kabila ng Ilog at ni Setarboznai, at ng kanyang mga kasamang tagapamahala na nasa lalawigan sa kabila ng Ilog kay Haring Dario;
7 sila'y nagpadala sa kanya ng ulat na kinasusulatan ng sumusunod: “Kay Dario na hari, buong kapayapaan.
8 Dapat malaman ng hari na kami ay pumunta sa lalawigan ng Juda, sa bahay ng dakilang Diyos. Ito'y itinatayo na may malalaking bato, at ang mga kahoy ay inilapat sa mga pader. Ang gawaing ito ay masikap na nagpatuloy at sumusulong sa kanilang mga kamay.
9 Nang magkagayo'y tinanong namin ang matatandang iyon at sinabi sa kanila ang ganito, ‘Sino ang nagbigay sa inyo ng utos upang itayo at tapusin ang gusaling ito?’
10 Tinanong din namin sa kanila ang kanilang mga pangalan, para sa iyong kaalaman, upang aming maisulat ang mga pangalan ng mga tao na nangunguna sa kanila.
11 Ganito ang sagot nila sa amin: ‘Kami ay mga lingkod ng Diyos ng langit at lupa, at muli naming itinatayo ang bahay na itinayo, maraming taon na ang nakaraan, na itinayo at tinapos ng isang dakilang hari ng Israel.
12 Ngunit(C) dahil ginalit ng aming mga ninuno ang Diyos ng langit, kanyang ibinigay sila sa kamay ni Nebukadnezar na hari ng Babilonia, na Caldeo, na siyang gumiba ng bahay na ito, at dinala ang mga mamamayan sa Babilonia.
13 Ngunit(D) sa unang taon ni Ciro na hari ng Babilonia, gumawa ng utos si Haring Ciro na muling itayo ang bahay na ito ng Diyos.
14 At ang mga kagamitang ginto at pilak sa bahay ng Diyos na inilabas ni Nebukadnezar sa templo na nasa Jerusalem, at dinala sa loob ng templo ng Babilonia, ay inilabas sa templo ng Babilonia ni Haring Ciro at ibinigay sa isang ang pangalan ay Shesbazar, na siya niyang ginawang tagapamahala.
15 At sinabi ng hari sa kanya, “Kunin mo ang mga kagamitang ito, humayo ka at ilagay mo sa templo na nasa Jerusalem, at hayaan mong itayong muli ang bahay ng Diyos sa lugar nito.”
16 Pagkatapos ay dumating ang Shesbazar na iyon, at inilagay ang mga pundasyon ng bahay ng Diyos na nasa Jerusalem. Mula sa panahong iyon hanggang ngayon ay itinatayo ito, ngunit hindi pa ito tapos.’
17 Dahil dito, kung inaakalang mabuti ng hari, magsagawa nga ng pagsasaliksik sa aklatan ng kaharian na nasa Babilonia, upang makita kung mayroong utos na pinalabas si Haring Ciro na muling itayo ang bahay na ito ng Diyos sa Jerusalem. At ipasabi sa amin ng hari ang kanyang pasiya tungkol sa bagay na ito.”