2 Mga Hari 10
Ang Dating Biblia (1905)
10 Si Achab nga'y may pitong pung anak sa Samaria. At sumulat si Jehu ng mga sulat, at ipinadala sa Samaria, sa mga pinuno sa Jezreel, sa makatuwid baga'y sa mga matanda, at sa kanila na tagapagalaga sa mga anak ni Achab, na nagsasabi,
2 At pagdating nga ng sulat na ito sa inyo, sa paraang ang mga anak ng inyong panginoon ay kasama ninyo, at mayroon kayong mga karo at mga kabayo, at bayan na nakukutaan naman, at sakbat;
3 Piliin ninyo ang pinaka mainam at ang pinaka marapat sa mga anak ng inyong panginoon, at iupo ninyo sa luklukan ng kaniyang ama, at ipakipaglaban ang sangbahayan ng inyong panginoon.
4 Nguni't sila'y natakot na mainam, at nagsabi, Narito, ang dalawang hari ay hindi nagsitayo sa harap niya: paano ngang tayo'y tatayo?
5 At ang katiwala, at ang tagapamahala ng bayan, gayon din ang mga matanda, at ang mga tagapagalaga sa mga bata, ay nagsipagsugo kay Jehu, na nagsisipagsabi, Kami ay iyong mga lingkod, at gagawin namin ang lahat na iyong iuutos sa amin; hindi namin gagawing hari ang sinoman; gawin mo ang mabuti sa iyong mga mata.
6 Nang magkagayo'y sumulat siya ng isang sulat na ikalawa sa kanila, na nagsasabi, Kung kayo'y sasa aking siping, at kung inyong didinggin ang aking tinig, kunin ninyo ang mga ulo ng mga lalake na mga anak ng inyong panginoon, at magsiparito kayo sa akin sa Jezreel sa kinabukasan sa may ganitong panahon. Ang mga anak nga ng hari, yamang pitong pung katao ay nangasa kasamahan ng mga dakilang tao sa bayan, na nagalaga sa kanila.
7 At nangyari, nang ang sulat ay dumating sa kanila, na kanilang kinuha ang mga anak ng hari, at pinagpapatay sila, pitongpung katao, at inilagay ang kanilang mga ulo sa mga batulang na ipinadala sa kaniya sa Jezreel.
8 At dumating ang isang sugo, at isinaysay sa kaniya, na sinasabi, Kanilang dinala ang mga ulo ng mga anak ng hari. At kaniyang sinabi, Inyong ihanay ng dalawang bunton sa pasukan ng pintuang-bayan hanggang sa kinaumagahan.
9 At nangyari, sa kinaumagahan, na siya'y lumabas, at tumayo, at nagsabi sa buong bayan, Kayo'y mga matuwid: narito, aking pinagbantaan ang aking panginoon, at pinatay siya, nguni't sinong sumakit sa lahat ng ito?
10 Talastasin ninyo ngayon na walang mahuhulog sa lupa sa salita ng Panginoon, na sinalita ng Panginoon tungkol sa sangbahayan ni Achab: sapagka't ginawa ng Panginoon ang kaniyang sinalita sa pamamagitan ng kaniyang lingkod na si Elias.
11 Sa gayo'y sinaktan ni Jehu ang lahat na nalabi sa sangbahayan ni Achab sa Jezreel, at ang lahat niyang dakilang tao, at ang kaniyang mga kasamasamang kaibigan, at ang kaniyang mga saserdote, hanggang sa wala siyang inilabi.
12 At siya'y nagtindig at yumaon, at naparoon sa Samaria. At samantalang siya'y nasa pagupitang-bahay ng mga pastor sa daan,
13 Ay nasalubong ni Jehu ang mga kapatid ni Ochozias na hari sa Juda, at sinabi, Sino kayo? At sila'y nagsisagot, Kami ay mga kapatid ni Ochozias: at kami ay nagsilusong upang magsibati sa mga anak ng hari at mga anak ng reina.
14 At kaniyang sinabi, Hulihin ninyo silang buhay. At hinuli nila silang buhay, at pinatay sa hukay ng pagupitang-bahay, sa makatuwid baga'y apat na pu't dalawang lalake; hindi nagiwan ng sinoman sa kanila.
15 At nang siya'y makayaon mula roon, kaniyang nasumpungan si Jonadab na anak ni Rechab na sumasalubong sa kaniya: at kaniyang binati siya, at nagsabi sa kaniya, Ang iyo bang puso ay tapat, na gaya ng aking puso sa iyong puso? At sumagot si Jonadab, Tapat. Kung gayon, iabot mo sa akin ang iyong kamay. At iniabot niya sa kaniya ang kaniyang kamay; at isinampa niya siya sa loob ng karo.
16 At kaniyang sinabi, Sumama ka sa akin at tingnan mo ang aking sikap sa Panginoon. Sa gayo'y kanilang pinasakay sila sa kaniyang karo.
17 At nang siya'y dumating sa Samaria, kaniyang sinaktan ang lahat na nalabi kay Achab sa Samaria, hanggang sa kaniyang naibuwal siya, ayon sa salita ng Panginoon, na kaniyang sinalita kay Elias.
18 At pinisan ni Jehu ang buong bayan, at sinabi sa kanila, Si Achab ay naglingkod kay Baal ng kaunti: nguni't si Jehu ay maglilingkod sa kaniya ng marami.
19 Ngayon nga'y tawagin ninyo sa akin ang lahat na propeta ni Baal, ang lahat niyang mananamba, at ang lahat niyang mga saserdote; huwag may magkulang; sapagka't mayroon akong dakilang haing gagawin kay Baal; sinomang magkulang ay hindi mabubuhay. Nguni't ginawa ni Jehu na may katusuhan, na ang nasa ay kaniyang malipol ang mga mananamba kay Baal.
20 At sinabi ni Jehu, Magdaos kayo ng isang dakilang kapulungan kay Baal. At kanilang itinanyag yaon.
21 At nagsugo si Jehu sa buong Israel, at ang lahat ng mananamba kay Baal ay nagsiparoon, na anopa't walang naiwan na hindi naparoon. At sila'y nagsipasok sa bahay ni Baal; at ang bahay ni Baal ay napuno sa magkabikabilang dulo.
22 At sinabi niya sa kaniya na katiwala sa bihisang-silid, Ilabas mo ang mga kasuutang para sa lahat na mananamba kay Baal. At nilabasan niya sila ng mga kasuutan.
23 At si Jehu, at si Jonadab na anak ni Rechab, ay pumasok sa bahay ni Baal; at kaniyang sinabi sa mga mananamba kay Baal, Kayo'y magsihanap, at magsipagmasid kayo na huwag magkaroon sa kasamahan ninyo ng mga lingkod ng Panginoon, kundi mga mananamba kay Baal lamang.
24 At sila'y nagsipasok na nangaghandog ng mga hain at ng mga handog na susunugin. Si Jehu nga ay naghalal para sa kaniya ng walongpung lalake sa labas, at nagsabi, Kung sinoman sa mga lalake na aking dalhin sa inyong mga kamay ay makatanan ang buhay ng nagpakawala ay isasagot sa buhay niyaon.
25 At nangyari, pagkatapos niyang makapaghandog ng mga handog na susunugin, na sinabi ni Jehu sa bantay at sa mga punong kawal, Kayo'y magsipasok at inyo silang patayin; huwag makalabas ang sinoman. At sinaktan nila sila ng talim ng tabak; at inihagis sila sa labas ng bantay, at ng mga punong kawal, at nagsiparoon sa bayan ng bahay ni Baal.
26 At kanilang inilabas ang mga haligi na pinakaalaala na nasa bahay ni Baal, at pinagsunog.
27 At kanilang sinira ang haligi na pinakaalaala kay Baal, at sinira ang bahay ni Baal, at ginawang bahay na tapunan ng dumi, hanggang sa araw na ito.
28 Ganito ibinuwal ni Jehu si Baal, sa Israel.
29 Gayon ma'y ang mga kasalanan ni Jeroboam na anak ni Nabat, na kaniyang pinapagkasala sa Israel, hindi mga hiniwalayan ni Jehu, sa makatuwid baga'y ang pagsunod sa mga guyang ginto na nangasa Beth-el, at nangasa Dan.
30 At sinabi ng Panginoon kay Jehu, Sapagka't ikaw ay gumawa ng mabuti sa paggawa ng matuwid sa harap ng aking mga mata, at iyong ginawa sa sangbahayan ni Achab ang ayon sa nasa aking buong puso, ang iyong mga anak sa ikaapat na lahi ay uupo sa luklukan ng Israel.
31 Nguni't si Jehu ay hindi nagingat na lumakad sa kautusan ng Panginoon, na Dios ng Israel, ng kaniyang buong puso: siya'y hindi humiwalay sa mga kasalanan ni Jeroboam, na kaniyang ipinagkasala sa Israel.
32 Nang mga araw na yaon ay pinasimulan ng Panginoon na pinaikli ang Israel: at sinaktan sila ni Hazael sa lahat ng mga hangganan ng Israel;
33 Mula sa Jordan, hanggang sa silanganan, ang buong lupain ng Galaad, ang mga Gadita, at ang mga Rubenita at ang mga Manasita, mula sa Aroer, na nasa siping ng libis ng Arnon, hanggang sa Galaad at Basan.
34 Ang iba nga sa mga gawa ni Jehu, at ang lahat niyang ginawa, at ang buo niyang kapangyarihan, di ba nangasusulat sa aklat ng mga alaala sa mga hari sa Israel?
35 At si Jehu ay natulog na kasama ng kaniyang mga magulang: at inilibing nila siya sa Samaria. At si Joachaz na kaniyang anak ay naghari na kahalili niya.
36 At ang panahon na ipinaghari ni Jehu sa Israel sa Samaria ay dalawangpu't walong taon.