Joel 2
Ang Biblia, 2001
Babala ng Araw ng Panginoon
2 Hipan ninyo ang trumpeta sa Zion,
patunugin ninyo ang hudyat sa aking banal na bundok!
Manginig ang lahat ng naninirahan sa lupain,
sapagkat ang araw ng Panginoon ay dumarating, ito'y malapit na;
2 isang araw ng kadiliman at pagkulimlim,
araw ng mga ulap at makapal na dilim!
Gaya ng bukang-liwayway na kumakalat sa mga bundok,
isang dakila at makapangyarihang hukbo ang dumarating;
hindi nagkaroon kailanman ng gaya nila,
ni magkakaroon pa man pagkatapos nila,
hanggang sa mga taon ng maraming salinlahi.
3 Isang apoy ang tumutupok sa harapan nila;
at sa likuran nila'y isang nagliliyab na apoy.
Ang lupain ay parang halamanan ng Eden sa harapan nila,
ngunit sa likuran nila'y isang sirang ilang;
at walang nakatakas sa kanila.
4 Ang(A) anyo nila ay parang anyo ng mga kabayo;
at sila'y tumatakbong gaya ng mga kabayong pandigma.
5 Gaya ng rumaragasang karwahe
ay lumulukso sila sa tuktok ng mga bundok,
gaya ng hugong ng liyab ng apoy
na tumutupok sa dayami,
gaya ng isang makapangyarihang hukbo na nakahanda sa labanan.
6 Sa kanilang harapan ay nagdadalamhati ang mga tao,
lahat ng mukha ay namumutla.
7 Sila'y sumasalakay na gaya ng mga mandirigma,
kanilang iniakyat ang pader na gaya ng mga kawal.
Bawat isa'y patungo sa kanya-kanyang lakad,
at hindi sila lumilihis ng kanilang mga daan.
8 Hindi sila nagtutulakan sa isa't isa;
bawat isa'y lumalakad sa kanya-kanyang landas;
kanilang sinasagupa ang mga sandata,
at hindi sila mapahinto.
9 Kanilang nilulukso ang lunsod;
kanilang tinatakbo ang mga pader;
kanilang inaakyat ang mga bahay;
sila'y pumapasok sa mga bintana na gaya ng magnanakaw.
10 Ang(B) lupa ay nayayanig sa harap nila,
ang langit ay nanginginig.
Ang araw at ang buwan ay nagdidilim
at ang mga bituin ay nawawalan ng kanilang kaningningan.
11 Pinatutunog(C) ng Panginoon ang kanyang tinig
sa unahan ng kanyang hukbo;
sapagkat ang kanyang hukbo ay napakalaki,
siya na nagsasagawa ng kanyang salita ay makapangyarihan.
Sapagkat ang araw ng Panginoon ay dakila at kakilakilabot;
sinong makakatagal?
Isang Panawagan upang Magsisi
12 “Gayunma'y ngayon,” sabi ng Panginoon,
“manumbalik kayo sa akin nang inyong buong puso,
na may pag-aayuno, at may pagtangis, at pagdadalamhati.
13 At punitin ninyo ang inyong mga puso at hindi ang inyong mga damit.”
Manumbalik kayo sa Panginoon ninyong Diyos;
sapagkat siya'y mapagbiyaya at mahabagin,
hindi magagalitin, at sagana sa tapat na pag-ibig
at nalulungkot sa kasamaan.
14 Sinong nakakaalam kung siya'y hindi magbabalik-loob, at malulungkot,
at mag-iiwan ng isang pagpapala sa likuran niya,
ng handog na butil at handog na inumin
sa Panginoon ninyong Diyos?
15 Hipan ninyo ang trumpeta sa Zion;
magtakda kayo ng isang ayuno,
tumawag kayo ng isang taimtim na pagtitipon.
16 Tipunin ninyo ang bayan.
Pakabanalin ang kapulungan;
tipunin ang matatanda,
tipunin ang mga bata,
at ang mga sanggol na pasusuhin.
Lumabas ang bagong kasal na lalaki sa kanyang silid,
at ang bagong kasal na babae sa kanyang silid.
17 Tumangis ang mga pari, ang mga lingkod ng Panginoon
sa pagitan ng portiko at ng dambana,
at kanilang sabihin, “Maawa ka sa iyong bayan, O Panginoon,
at huwag mong gawing katatawanan ang iyong mana,
na hinahamak ng mga bansa.
Bakit nila sasabihin sa gitna ng mga bayan,
‘Nasaan ang kanilang Diyos?’”
Ibinalik ng Panginoon ang Katabaan ng Lupain
18 At ang Panginoon ay nanibugho para sa kanyang lupain,
at nahabag sa kanyang bayan.
19 At ang Panginoon ay sumagot at sinabi sa kanyang bayan,
“Narito, ako'y magpapadala sa inyo ng trigo, alak, at langis,
at kayo'y mabubusog;
at hindi ko kayo gagawing
isang kahihiyan sa gitna ng mga bansa.
20 “Aking ilalayo nang malayo sa inyo ang mula sa hilaga,
at itataboy ko siya sa tuyo at sirang lupain,
ang kanyang unaha'y sa dagat silangan,
at ang kanyang hulihan ay sa dagat kanluran;
ang kanyang baho at masamang amoy ay aalingasaw,
sapagkat siya'y gumawa ng malalaking bagay.
21 “Huwag kang matakot, O lupa,
ikaw ay matuwa at magalak;
sapagkat ang Panginoon ang gumawa ng mga dakilang bagay!
22 Huwag kayong matakot, kayong mga hayop sa parang;
sapagkat ang mga pastulan sa ilang ay sariwa;
ang punungkahoy ay nagbubunga,
ang puno ng igos at ang puno ng ubas ay saganang nagbubunga.
23 “Kayo'y matuwa, O mga anak ng Zion,
at magalak sa Panginoon ninyong Diyos;
sapagkat kanyang ibinigay ang maagang ulan para sa inyong ikawawalang-sala,
kanyang ibinuhos para sa inyo ang isang masaganang ulan,
ang maaga at ang huling ulan, gaya nang dati.
24 Ang mga giikan ay mapupuno ng trigo,
at ang mga sisidlan ay aapawan ng alak at langis.
25 “Aking isasauli sa inyo ang mga taon
na kinain ng kuyog na balang,
ng gumagapang na balang, at ng maninirang balang, at ng nagngangatngat na balang
na siyang aking malaking hukbo, na aking sinugo laban sa inyo.
26 “Kayo'y kakain nang sagana at mabubusog,
at inyong pupurihin ang pangalan ng Panginoon ninyong Diyos,
na gumawa ng kababalaghan sa inyo;
at ang aking bayan ay hindi na muling mapapahiya.
27 At inyong malalaman na ako'y nasa gitna ng Israel,
at ako ang Panginoon ninyong Diyos, at wala nang iba;
at ang aking bayan ay hindi na muling mapapahiya.
Ang Araw ng Panginoon
28 “At(D) mangyayari pagkatapos nito,
na ibubuhos ko ang aking Espiritu sa lahat ng laman;
at ang inyong mga anak na lalaki at mga anak na babae ay magsasalita ng propesiya,
ang inyong matatanda ay mananaginip ng mga panaginip,
ang inyong mga kabataang lalaki ay makakakita ng mga pangitain.
29 At maging sa mga lingkod na lalaki at babae
ay ibubuhos ko sa mga araw na iyon ang aking Espiritu.
30 “At ako'y magbibigay ng mga tanda sa langit at sa lupa, dugo, apoy, at mga haliging usok.
31 Ang(E) araw ay magiging kadiliman, at ang buwan ay magiging dugo, bago dumating ang dakila at kakilakilabot na araw ng Panginoon.
32 At(F) mangyayari na ang sinumang tumatawag sa pangalan ng Panginoon ay maliligtas, sapagkat sa bundok ng Zion at sa Jerusalem ay pupunta ang mga nakatakas, gaya ng sinabi ng Panginoon, at kabilang sa mga naligtas ay yaong mga tinatawag ng Panginoon.