Isaias 10
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
10 1-2 Nakakaawa kayong mga gumagawa ng mga di-makatarungang kautusan na umaapi sa mga mahihirap kong mamamayan at nagkakait ng katarungan sa kanila. Sa pamamagitan ng mga kautusang iyon, kinukuha ninyo ang mga ari-arian ng mga biyuda at mga ulila. 3 Ano ang gagawin ninyo sa araw ng pagpaparusa sa inyo? Ano ang gagawin nʼyo pagdating ng panganib mula sa malayo? Kanino kayo hihingi ng tulong? At saan ninyo itatago ang mga kayamanan ninyo? 4 Walang matitira sa inyo. Mabibihag o mamamatay kayo, pero ang galit ng Panginoon ay hindi pa mapapawi. Nakahanda pa rin siyang magparusa sa inyo.
Ang Parusa ng Panginoon sa mga taga-Asiria
5 Sinabi ng Panginoon, “Nakakaawa ang mga taga-Asiria. Sila ang gagamitin kong pamalo para parusahan ang mga kinamumuhian ko. 6 Uutusan ko silang salakayin ang bansang hindi makadios at kinapopootan ko, para wasakin ito at tapak-tapakan na parang putik sa lansangan, at samsamin ang lahat ng kanilang ari-arian.”
7 Pero hindi malalaman ng hari ng Asiria na ginagamit lang siya ng Panginoon. Akala niyaʼy basta na lang siya mangwawasak ng maraming bansa. 8 Buong pagmamalaki niyang sinabi, “Ang mga kumander ng mga sundalo ko ay parang mga hari. 9 Anong pagkakaiba ng Carkemish at Calno, ng Arpad at Hamat, at ng Damascus at Samaria? Silang lahat ay pare-pareho kong winasak. 10 Pinarusahan ko ang mga bansang sumasamba sa mga dios-diosan na mas marami pa kaysa sa mga dios-diosan sa Jerusalem at Samaria. 11 Winasak ko na ang Samaria at ang mga dios-diosan nito. Ganyan din ang gagawin ko sa Jerusalem at sa mga dios-diosan nito.”
12 Pero ito ang sinabi ng Panginoon na mangyayari kapag natapos na niya ang gagawin niya laban sa Bundok ng Zion at sa Jerusalem: “Parurusahan ko ang hari ng Asiria dahil sa kanyang pagmamataas at pagmamalaki. 13 Sapagkat sinasabi niya, ‘Nagawa ko ito dahil sa sarili kong lakas at karunungan. Tinalo ko ang maraming bansa at sinamsam ang kanilang mga kayamanan. Para akong toro; tinalo ko ang kanilang mga hari. 14 Kinuha ko ang mga kayamanan ng mga bansa, na para bang nangunguha lang ako ng itlog sa mga pugad na iniwanan ng inahin. Walang pakpak na pumagaspas o huni na narinig.’ ”
15 Maaari bang magmalaki ang palakol o ang lagare sa gumagamit sa kanya? Mabubuhat ba ng pamalo ang may hawak sa kanya? 16 Kaya magpapadala ang Panginoong Makapangyarihan ng sakit na magpapahina sa malulusog na sundalo ng Asiria. Susunugin ng Panginoon ang mga kayamanan niya sa naglalagablab na apoy. 17 Ang Panginoon na siyang ilaw at banal na Dios ng Israel ay magiging tulad ng naglalagablab na apoy na susunog sa mga matitinik niyang halaman sa loob ng isang araw lang. 18 Kung paanong sinisira ng sakit ang katawan ng tao, sisirain din ng Panginoon ang mga kagubatan at mga bukid ng hari ng Asiria. 19 Iilan lang ang matitirang puno sa kanyang kagubatan. Mabibilang ito kahit ng batang paslit.
20-21 Darating ang araw na ang mga natitirang Israelitang lahi ni Jacob ay hindi na magtitiwala sa Asiria na nagpahirap sa kanila. Magtitiwala na sila sa Panginoon, ang Banal na Dios ng Israel. Magbabalik-loob sila sa Makapangyarihang Dios. 22-23 Kahit na kasindami ng buhangin sa tabing-dagat ang mga Israelita, iilan lang ang makakabalik. Nakatakda na ang parusang nararapat para sa buong Israel. At tiyak na gagawin ito ng Panginoong Dios na Makapangyarihan. 24 Kaya sinabi ng Panginoong Dios na Makapangyarihan, “Kayong mga mamamayan ko na naninirahan sa Zion, huwag kayong matakot sa mga taga-Asiria kahit na pinahihirapan nila kayo katulad ng ginawa sa inyo ng mga Egipcio. 25 Sapagkat hindi magtatagal at mawawala na ang galit ko sa inyo at sa kanila ko naman ito ibubuhos hanggang sa mamatay sila. 26 Parurusahan ko sila katulad ng ginawa ko sa mga taga-Midian sa Bato ng Oreb at sa mga Egipcio nang nilunod ko sila sa dagat. 27 Sa araw na iyon, palalayain ko kayo mula sa kapangyarihan ng Asiria. Para kayong natanggalan ng mabigat na pasanin sa mga balikat nʼyo at ng pamatok na nagpapabigat sa leeg ninyo. Lalaya kayo mula sa kapangyarihan nila dahil magiging makapangyarihan kayo.”[a]
Sumalakay ang Asiria
28 Nilusob ng Asiria ang Ayat. Doon sila dumaan sa Migron at iniwan nila sa Micmash ang mga dala nila. 29 Dumaan sila sa tawiran, at doon natulog sa Geba. Natakot ang mga taga-Rama, at tumakas ang mga mamamayan ng Gibea na bayan ni Haring Saul. 30 Sumigaw kayong mga taga-Galim! Makinig kayong mga taga-Laish at kayong mga kawawang taga-Anatot. 31 Tumakas na ang mga mamamayan ng Madmena at Gebim. 32 Sa araw na ito, darating ang mga taga-Asiria sa Nob. At sesenyas sila na salakayin ang bundok ng Jerusalem, ang Bundok ng Zion. 33 Makinig kayo! Ang Panginoong Makapangyarihan ang wawasak sa mga taga-Asiria sa pamamagitan ng kahanga-hanga niyang kapangyarihan, na parang pumuputol ng mga sanga sa puno. Ibabagsak niya ang mga mapagmataas katulad ng pagputol ng matataas na punongkahoy. 34 Pababagsakin niya sila katulad ng pagputol ng mga puno sa kagubatan sa pamamagitan ng palakol. Silang mga katulad ng puno sa Lebanon ay pababagsakin ng Makapangyarihang Dios.
Footnotes
- 10:27 dahil magiging makapangyarihan kayo: sa literal, dahil magiging mataba kayo.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®