1 Samuel 21
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Pumunta si David sa Nob
21 Pumunta si David sa Nob at tumuloy kay Ahimelec na siyang pari sa Nob. Nanginig sa takot si Ahimelec nang makita si David. Nagtanong siya, “Bakit nag-iisa ka lang?” 2 Sumagot si David, “May iniutos sa akin ang hari, at pinagbilinan niya ako na huwag ipagsasabi kahit kanino ang pakay ko rito. Ang mga tauhan ko namaʼy sinabihan ko na magkita-kita na lang kami sa isang lugar. 3 May pagkain ka ba rito? Bigyan mo ako ng limang tinapay o kahit anong mayroon ka.” 4 Sumagot ang pari, “Wala na akong ordinaryong tinapay. Pero mayroon ako ritong tinapay na inihandog. Maaari ko itong ibigay sa iyo at sa mga tauhan mo kung hindi sila sumiping sa kahit sinong babae nitong mga huling araw.” 5 Sumagot si David, “Hindi kami sumisiping sa mga babae kapag may misyon kami. Kahit na ordinaryong misyon lang ang gagawin namin, kailangang malinis[a] kami. Ano pa kaya ngayon na mahalaga ang misyong ito.” 6 At dahil nga walang ordinaryong tinapay, ibinigay sa kanya ng pari ang tinapay na inihandog sa presensya ng Dios. Itoʼy kinuha mula sa banal na mesa at pinalitan ng bagong tinapay nang araw ding iyon.
7 Nang araw na iyon, naroon ang alipin ni Saul na si Doeg na taga-Edom. Siya ang punong tagapangalaga ng mga hayop ni Saul. Naroon siya dahil may tinutupad siyang panata sa Panginoon.
8 Tinanong ni David si Ahimelec, “Mayroon ka bang espada o sibat dito? Hindi ako nakapagdala ng aking espada o kahit anumang armas dahil madalian ang utos ng hari.” 9 Sumagot ang pari, “Narito ang espada ng Filisteong si Goliat na pinatay mo sa Lambak ng Elah. Nakabalot ito sa tela at nasa likod ng espesyal na damit[b] ng mga pari. Kunin mo kung gusto mo, wala nang iba pang espada rito kundi iyon lang.” Sinabi ni David, “Ibigay mo iyon sa akin. Wala ng ibang kapareho iyon.”
10 Nang araw na iyon, tumakas si David kay Saul, at pumunta kay Haring Akish ng Gat. 11 Sinabi ng mga opisyal ng hari sa kanya, “Hindi baʼt ito si David ang naghahari sa lugar nila? Hindi baʼt siya ang pinararangalan ng mga kababaihan habang sumasayaw sila at umaawit ng,
‘Libu-libo ang napatay ni Saul,
tig-sasampung libo naman ang kay David?’ ”
12 Inisip ni David ang sinabi nila, at natakot siya sa maaaring gawin sa kanya ni Haring Akish ng Gat. 13 Kaya nagkunwari siyang baliw, pinagkakalmot niya ang mga dingding ng lungsod at pinatulo ang laway niya sa kanyang balbas. 14 Sinabi ni Akish sa kanyang mga opisyal, “Tingnan nʼyo! Baliw ang taong ito! Bakit ninyo siya dinala sa akin? 15 Marami na ang baliw na gaya niya rito. Bakit nʼyo pa dinala sa pamamahay ko ang taong iyan para umasal nang ganyan sa aking harapan?”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®